(Bahagi ng dapat kong sabihin sa eulogy)
Una sa lahat, magandang gabi po sa inyong lahat. Si tatay Paciano o kilalang Atching sa mga malalapit sa kanya ay isang anak, ama, kapatid, tito at lolo. Tulad nating lahat, hindi siya perpekto dahil isa siyang tao. Iba iba ang pagkakakilala natin sa kanya. Itinuturing siyang isang institusyon. Alam natin lahat na ilan sa kanilang magkakapatid ay nakipagsapalaran sa Maynila upang magkaroon ng magandang buhay. Isa siya sa magkakapatid na nagtayo ng isang negosyong medalyahan tulad nila Pay Dalmacio o Pay Amay at Pay Luis. Dahil sa magkakapatid na ito ay naipasa nila ang baton sa negosyong medalyahan tulad nila kuya Jimmy, kuya Romeo, ate Tessie at ate Lordita. Marami akong naririnig na maraming magandang alaala ng mga malalapit kay tatay na kung minsan ay gusto kong mainggit kasi yung iba doon hindi na namin nararanasang magkakapatid kami ni Patrick at Jea. Siguro dahil generation gap na din. Hindi ko intensyong i-dishonor ang aking ama. Kung isasalarawan ko si tatay, strikto siya at disciplinarian minsan sobra pa sa pagiging disciplinarian. Kuripot pati sa kanyang sarili. Marahil nakita ito ng mga pinsan namin o mga naging trabahador namin na nagtrabaho sa amin. Sa dami ng mga tao na nagdaan sa buhay ng pamilya namin, palagay ko ay marami silang alaala at natutunan kay tatay. May pait, may lungkot, may saya. Hindi ko na ito idedetalye pa kasi baka anong oras na tayo matapos. Bilang isang anak, nakakatuwang pakinggan ang magagandang alaala ng mga tao kay tatay. Tulad ng isang ama, ginusto ni tatay na bigyan kami ng magandang buhay. Nagpapasalamat kami doon tay sa pagiging good provider mo. Dahil sa hindi siya perpekto, may mga bagay na hindi niya maibigay. Sabi nga, "you can not give what you don't have." Malaki at mahirap ang responsibilidad ng isang ama. Ang haligi ng tahanan ang siyang nagsisilbing pundasyon ng isang pamilya. May mga panahon na kami ay naghahanap ng kanyang kalinga ngunit hindi na nya ito maibigay pa. Bahagi siguro ng pagkabata ang paghahanap na iyon. Sa huling sandali ng kanyang buhay, napansin kong naging emosyonal sya. Alam nating lahat kung gaano katigas ang kanyang ulo, minsan hindi mo din maunawaan. Kaya ang pagiging emosyonal nya ay kakaiba. Madalas kaming maiwan ni tatay sa bahay noon. Sila nanay madalas nasa Binangonan kaya mas magkasama kami. Kasama ko siya nanonood ng pelikula kahit black n white o luma na ang pelikula. Tulad ng ibang anak, may panahon na sana kasama namin sya ka-bonding pero mas pinipili nya mag-isa. Yung tipong lalabas kami pero depende pa sa mood nya.
Masyado na atang mahaba ito. Dahil madalas kami ang magkasama, ma miss ko kay tatay yung sasabihan ko siyang, "tay, doon ka na matulog sa kwarto." Kapag sinasaway ko siya pag nakakatulog sa upuan. Yung boses nya... Ang mga alaala... Ilan lamang ito sa mga ma miss ko sa'yo tay. Sa aking kinagisnang ama, hindi ka man perpekto. Ikaw ang bigay ng Amang Maykapal.