Tuesday, March 16, 2021

MEMORIES OF FORGETTING


"Our memories fragile, our lifetime is very brief, everything happens so fast that we don't have time to understand the relationship of events." - mula sa pelikulang "The House of the Spirits" hango sa nobela ni Isabel Allende

"Memories light the corners of my mind." - mula sa kantang "The Way We Were" ni Barbara Streisand 

Ilan lamang ang mga linyang iyan mula sa mga sikat na akda patungkol sa alaala.

May mga alaala na gusto nating limutin at may mga alaala tayong nais sariwain. May mga alaalang maaaring kalimutan. May mga alaalang dapat ay patuloy na sariwain.

Sa pelikulang Memories of Forgetting, dalawang alaala ang pinapakita nito. Una, ang naudlot ngunit muling pagbabalik ng isang lihim na pagmamahal.  Si Jim (Noel Escondo) ay naging direktor ng bagitong si Michael (Jonathan Ivan Rivera) sa isang pelikula. Subalit, bigla na lamang hindi tumuloy si Michael sa proyekto sa hindi malamang kadahilanan. Makalipas ang ilang taon ay muling nagkita ang dalawa sa kalagitnaan ng pandemya. Sa kabilang banda, madalas sariwain ng ina ni Jim (Dexter Doria) ang kanyang karanasan sa pagtatrabaho sa ibang bansa pati ang iba pang bahagi ng kanyang nakaraan habang nakikipag-usap sa kanyang anak. Ito'y pamamaraan niya upang ang kanyang pagiging malilimutin ay hindi lubusang mamayani sa kanyang pagkatao.

Parehas masalimuot ang bahaging ito sa buhay ni Jim.

Sa muling pagkikita nina Jim at Michael ay may lihim na dapat silang harapin. Pag-ibig nga ba na naudlot dahil sa takot at pangamba? Samantala, kamatayan ba ang sumasalamin sa isang pagmamamahalang dapat pa bang ipaglaban? Magpapatuloy ba ang buhay kung sasariwain ang mga alaala o mas mabuti pang kalimutan ang bahagi ng masaklap na nakaraan?

Masaya akong mapanood ang passion project na ito ni direk Jay Altarejos. Kahit pa sa kalagitnaan ng lockdown ay hindi natinag ang kanyang pagiging malikhain.

Sa panimulang eksena o opening scene, pinapalabas ang mga snippets ng mga pelikulang nalikha ng direktor. Ito ang unang pelikulang nagpa-tanyag sa kanya sa Philippine queer cinema. Sa katauhan ni Jim (Noel Escondo), maaaring sinalamin nito ang pag-aalala ng direktor sa kanyang likha. Kung paano nagbago ang kanyang pananaw sa buhay mula sa mga una niyang likha hanggang sa kasalukuyang gawa niya. Kaakibat din nito ang kanyang karanasan sa paggawa ng mga pelikula niya.

Mahusay na nagampanan ni Noel Escondo ang kanyang karakter na si Jim. Bumalanse naman si Jonathan Ivan Rivera sa pagganap bilang Michael. Patuloy pa din si Dexter Doria sa pagbigay ng mahusay sa pagiging katuwang na aktres 

Tulad ng mga pelikulang nagawa ni direk Jay ay tastefully done ang mga sex scenes. Sa eksena kung saan ay nag-multo ang ina ni Jim kay Michael ay parang eksena ito sa pelikula ni Gregg Araki dahil sa paggamit ng ilaw at kung paano ang execution ng nabanggit na eksena.

Ang mga pelikula ni direk Jay Altarejos ay maaaring maikumpara sa bigat at tapang ng pelikula ni Gregg Araki. Iyon ang katangiang taglay ng mga likha ni Altarejos na nag-hihiwalay sa kanya sa ibang filmmakers sa ating bansa. Hindi lamang ito nakakahon sa gay community o pagkakakilanlan ng kanyang mga karakter bagkus ay sumasalamin din ito sa lipunang pinagkaitan ng karapatan ang mga mamamayang dapat ay meron nito.