Tuesday, October 11, 2016

TAKLUB (2015): pelikulang ipinakita ang buhay matapos manalasa ng bagyong Yolanda



Isa sa mga pelikulang bahagi ng 2016 Active Vista Dutch-Filipino Film Festival ang Taklub (2015) mula sa panulat ni Honey Alipio at direksyon ni Brillante Mendoza.

Sa pelikulang ito ay ipinakita ang kwento ng apat na survivors ng bagyong Yolanda at kung paano sila nagpatuloy sa buhay matapos ang isang taon na pananalasa ng bagyo. Ang bagyong Yolanda, na may international name na Typhoon Haiyan, ang itinuturing na pinakamalakas na bagyong tumama sa buong mundo sa nakalipas na ilang siglo ay nanalasa noong ika-3 ng Nobyembre, 2013 sa Tacloban. Ang pamagat na Taklub ay kinuha sa lugar kung saan matindi ang pananalasa ng bagyong Yolanda.

Sa simula, nasaksihan ni Leonora/Bibeth (Nora Aunor) ang isang nasusunog na tent sa tent city ng Tacloban. Si Bibeth ay may-ari ng isang karinderya na pinupuntahan ng kanyang mga kapitbahay. Isang anak lamang niya ang naligtas ng manalasa ang bagyo kaya umaasa siyang sa pamamagitan ng DNA testing na inalok ng gobyerno na libre ay matutunton ang bangkay ng tatlo niyang anak. Binibilinan nya rin ang kanyang dating asawa na makibalita sa proseso ng DNA testing. Si Erwin (Aaron Rivera) ay isa rin sa survivors ay isang mangingisda na gustong buuin ang bahay na naiwan sa kanila ng kanyang namatay na magulang sa bagyo. Kasama nya ang dalawang kapatid na nakaligtas. Si Larry (Julio Diaz) naman ay isang pedicab driver na namatayan ng asawa at tiyahin. Isa siyang deboto ngunit unti-unting nawawalan ng pag asa at kinikwestyon ang kanyang pananampalataya. At si Renato (Lou Veloso) na namatay ang buong pamilya ng masunog ang isang tent sa tent city sa simula ng pelikula.

Sa una, nag-alinlangan ako kung magiging patas ang pagsasalarawan ng sitwasyon ng mga tao sa Tacloban sa pelikula sapagkat backed-up ng gobyerno ang Taklub. Buti na lamang at pantay na naipakita ang kalagayan ng mga tao matapos ang isang taon ng pananalasa pati na rin sa proseso ng gobyerno sa libreng DNA testing at pagkumpleto ng dokumento para sa tulong pinansyal.

Sa unang eksena pa lang ng pelikula ay commanding na ang presence ng nag-iisang superstar Nora Aunor. Sa eksena kung saan ipinaalam ng kawani ng gobyerno na aabutin pa ng isang taon ang resulta ng DNA testing ay makikisimpatya ka sa kanyang karakter maski sa eksenang binubuo nya ang nabasag na coffee mug na nakalagay ang mga mukha ng kanyang namatay na anak. Parang sining ng kintsukuroi kung saan binubuo ng muli ang mga nasirang kagamitan para lumabas ang kagandahan nito. Sa sitwasyon ni Bibeth, ito lamang ang alaala niya sa kanyang yumaong mga anak. Madadama ang pagod sa pagbabalik-balik ni Erwin sa tanggapan o opisina ng gobyerno upang makumpleto ang dokumentong kailangan para sa tulong pinansyal. Malulungkot ka naman sa kalagayan nila Larry at Renato. Magaling ang mga aktor sa ginampanan bilang papel tulad nila Julio Diaz, Aaron Rivera, Lou Veloso at Ruby Ruiz.

Hindi melodrama ang pelikula pero depressing siya dahil ipinakita nito ang reyalidad ng mga taong pilit bumabangon matapos ang matinding trahedya dahil sa bagyong Yolanda. Nakakalungkot isipin na may isang karakter sa pelikula na nabaliw sa epekto o trauma ng bagyo.

Ipinakita rin sa pelikula na resilient o agad bumabangon ang mga Pilipino kahit pa masalimuot ang pangyayari sa kanyang buhay. Isa itong katangian ng mga Asyano na kitang kita sa ating mga Pilipino.

Mas makikita mo ang emosyonal na bahagi ng pelikula hindi dahil sa nakikita natin madalas sa mainstream na pelikula. Ito ay dahil sa makikita sa pelikulang ito ang pinag dadaanan ng mga survivors.

Nakatulong sa emosyonal na bahagi ng pelikula ang paglagay ng Biblical verse sa Ecclesiastes 3:1-6.

Malayo man ang pelikulang ito sa ibang sikat na disaster movie tulad ng "The Impossible" (2012). Ipinakita naman sa pelikulang ito ang pagiging matatag ng Pilipino matapos ang matinding unos ng buhay.