Friday, October 19, 2018

MINSA'Y ISANG GAMU-GAMO (Digitally Restored and Remastered)




Isa sa pelikulang kalahok noong 1976 Metro Manila Film Festival ang "Minsa'y Isang Gamu-Gamo". Kilala ang pelikula sa sikat na linyang binitawan ni Nora Aunor na "My brother is not a pig! My brother is not a pig! Ang kapatid ko'y tao hindi baboy-damo." Digitally restored at remastered ang pelikula sa pagtutulungan ng ABS-CBN Film Restoration, Kantana at Wildsound.

Sa pelikulang "Minsa'y Isang Gamu-Gamo", si Nora Aunor ay si Corazon Dela Cruz. Isang Pilipinang nars na nangangarap pumunta sa Amerika upang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Subalit, magbabago ang lahat ng mabaril ang kanyang kapatid na si Carlito (Eddie Villamayor) ng isang Amerikano sa panahon na namamayagpag ang base militar ng mga Amerikano sa Pilipinas.

Matapang ang pelikulang ito na pinagbibidahan ng mga babae, sinulat ng babae at dinirek ng babae. Malakas ang feminismong pinakita sa pelikula dahil babae ang lumalaban sa sistemang mahirap kalabanin. Mahusay na tinalakay ng pelikula ang mga isyung sosyopolitikal at sosyoekonomiko tulad ng mataas na pagtingin nating mga Pilipino sa dayuhan, ang paniniwalang ang pagluwas ng ibang bansa ang magiging solusyon upang umunlad at hindi maayos na sistema sa batas ng mga dayuhan sa ating bansa kung may nagawang krimen.

Magaling ang mga babaeng kasama sa pelikula na pinangungunahan ni Nora Aunor. Aminadong humanga ako kay Perla Bautista sa pelikulang ito bilang si Yolanda, ina ni Bonifacio (Jay Ilagan), na nakaranas ng pang-aabuso sa kapwa Pilipina na lady guard (Luz Fernandez) habang nagtratrabaho sa base commissary. Magaling din si Gloria Sevilla bilang si Chedeng, ina ni Cora, na malaki ang tiwala sa mga Amerikano pagdating sa pagbibigay sa kanila ng hanapbuhay. Si Jay Ilagan naman ay nakipagsabayan sa mga kababaihan pagdating sa pag-arte bilang si Bonifacio na anak ni Yolanda at nobyo ni Cora. Nagbago ang kanyang pananaw sa buhay matapos makita ang kinalabasan ng reklamo ng kanyang ina na sinuportahan niya. Magaling din si Paquito Salcedo bilang lolo nila Corazon at Carlito. Siya ang nagsisilbing taga-mulat sa kanyang kaanak sa nangyayari sa kanilang lugar at sa Pilipinas. Mahusay din ang screenplay ni Marina Feleo-Gonzales na pinagtagpi-tagpi ang mga kwentong hango sa tunay na buhay upang mabuo ang kwento ng mga karakter sa pelikula at siyempre magaling ang pagdidirek ni Lupita A. Kashiwahara. Kahanga-hanga ang pelikulang ito na pinagbibidahan ng mga babae at binubuo ang produksyon ng mga babae sa panahong matindi ang pakikipaglaban ng babae sa buhay.

1976 ang taon kung saan pinagbidahan nang nag-iisang superstar na si Nora Aunor ang dalawang mahalagang pelikulang Pilipino. "Minsa'y Isang Gamu-gamo" at "Tatlong Taong Walang Diyos" na parehas ni-restore din ng ABS-CBN Film Restoration. Mahusay ang pagpili ni ate Guy sa mga pelikulang pinagbidahan niya sa taong ito. Parehas itong nagmarka sa kanyang tagahanga at mga kritiko. Parehas na sa pelikulang ito ay mahalaga na pinakita ang bahaging ito ng kasaysayan upang maging mulat ang susunod na henerasyon sa mga madilim at masalimuot na bahagi ng kasaysayan sa Pilipinas.

Ayon sa mga trivia, modest ang box-office result ng Minsa'y isang Gamu-gamo dahil na rin sa matapang nitong tema. Sa kabilang banda, mas naging hit ang stage play adaptation ng pelikula. Maihahalintulad ito sa nangyari sa Himala. Kahit pa ganoon, ang mahalaga ay magpasahanggang ngayon ay pnag-uusapan ang mga makabuluhang pelikulang tulad nito.

Tungkol naman sa pag-restore, naging masalimuot rin ang kinalabasan sa unang sampung minuto ng pelikula dahil ito ang mga nawawalang eksena na ang kopya ay natagpuan sa FDCP. Makikitang halos ma-wipe out o maputi ang mga eksena sa unang sampung minuto na mahirap itong panoorin ngunit sa mga kasunod na mga eksena naman ng pelikula ay halos buhay na buhay ang hitsura. Nariyan ang mas buhay na kulay at mas malinaw na audio. Kaya naman aminadong nag-enjoy ako nang mapakinggan ang "Sa Ating Nayon" na kanta ni Nora Aunor.

Worth watching panoorin ang "Minsa'y Isang Gamu-Gamo".