Wednesday, October 25, 2017

MGA GABING KASINGHABA NG HAIR KO (THOSE LONG-HAIRED NIGHTS, 2017)


Tatlong transgender women na ang trabaho ay masahista ang masasaksihan sa Burgos, red light district ng Maynila, na may kanya kanyang kwento sa buhay. Si Tuesday (Matt Daclan) ay hopeless romantic na umaasang makakakuha ng customer na hindi siya huhusgahan. Si Amanda/Armando (Anthony Falcon) naman ang streetsmart at family-oriented na transgender na inaasam pa din ang buhay sa probinsya kesa siyudad. At si Barbie (Rocky Salumbides) na kumakapit sa patalim upang kumita ng malaki. Nariyan din si Roger (Mon Confiado), ang nagsisilbing back-up o protektor nila sa oras ng panganib. Sa isang lugar na kung saan ay hindi masasabing ligtas at balitang napatay ang isa nilang transgender na kaibigan, magpapatuloy ba sila sa kanilang buhay sa gitna ng mga pangyayaring magaganap sa kanila sa isang gabi o mag-iiba ang kanilang pananaw sa buhay at babaguhin sila nito?

Mahusay na naipakita sa pelikula ang buhay ng mga transgender. Sila ay tao at maaaring kaibigan, kamag-anak, pamilya o kakilala mo na nakakasama mo sa araw-araw. Kahit bitin ang pelikula sa huli, para sa akin ay sapat na nailarawan ang buhay ng mga karakter. 

Sa tatlong aktor na gumanap na transgender, stand-out si Anthony Falcon bilang Amanda/Armando. Unrecognizable siya sa una. Binuhay niya ang karakter na halos siya na mismo ang karakter. Binigyan niya ito ng puso at personal touch na distinct sa ibang transgender portrayal. Hindi ko napanood ang nauna niyang pelikulang "Requieme". Nang mapanood ko ang pelikulang ito ay gusto kong mapanood ang Requieme dahil kay Anthony Falcon. Hinangaan ko siya ng mapanood ko ang "Anino sa Likod ng Buwan" lalong lalo na dito sa "Mga Gabing Kasinghaba ng Hair ko".

Mahusay din si Matt Daclan bilang Tuesday. Sa eksena kung saan na-pick up si Tuesday ng isang customer, makikita ang producer na si Bianca Balbuena tulad sa mga pelikulang "Engkwentro" at "Patay na si Hesus". In fairness, nalito ako ha. Magkahawig sina Matt Daclan na naka-cross dress at Bianca Balbuena. Going back sa performance ni Matt, convincing siya dahil kita mo sa kilos ng aktor sa kanyang pagganap ang pagiging flirtatious sa isang customer at ang pangangambang malaman ang kanyang sikreto ala-The Crying Game.

Si Rocky Salumbides ay umaanggulong Chin-Chin Gutierrez the transgender version. Ang karakter niyang si Barbie ay isa sa mga taong nakakasalamuha mo na maaaring kakilala mong ma-ambisyon na lahat ay gagawin sa ngalan ng salapi. 

Mahusay din si Mon Confiado bilang Roger na handa sa oras na tawagin siya para back-up sa kailangan ng tulong niya.

Sa end credits ng pelikula, mababasa ang "In loving memory of Jennifer Laude".