Tatlong transgender women na ang trabaho ay masahista ang masasaksihan sa Burgos, red light district
ng Maynila, na may kanya kanyang kwento sa buhay. Si Tuesday (Matt Daclan) ay
hopeless romantic na umaasang makakakuha ng customer na hindi siya huhusgahan.
Si Amanda/Armando (Anthony Falcon) naman ang streetsmart at family-oriented na
transgender na inaasam pa din ang buhay sa probinsya kesa siyudad. At si Barbie
(Rocky Salumbides) na kumakapit sa patalim upang kumita ng malaki. Nariyan din
si Roger (Mon Confiado), ang nagsisilbing back-up o protektor nila sa oras ng
panganib. Sa isang lugar na kung saan ay hindi masasabing ligtas at balitang
napatay ang isa nilang transgender na kaibigan, magpapatuloy ba sila sa
kanilang buhay sa gitna ng mga pangyayaring magaganap sa kanila sa isang gabi o
mag-iiba ang kanilang pananaw sa buhay at babaguhin sila nito?
Mahusay na naipakita sa pelikula ang buhay ng mga transgender. Sila ay
tao at maaaring kaibigan, kamag-anak, pamilya o kakilala mo na nakakasama mo sa
araw-araw. Kahit bitin ang pelikula sa huli, para sa akin ay sapat na
nailarawan ang buhay ng mga karakter.
Sa tatlong aktor na gumanap na transgender, stand-out si Anthony Falcon
bilang Amanda/Armando. Unrecognizable siya sa una. Binuhay niya ang karakter na
halos siya na mismo ang karakter. Binigyan niya ito ng puso at personal touch
na distinct sa ibang transgender portrayal. Hindi ko napanood ang nauna niyang
pelikulang "Requieme". Nang mapanood ko ang pelikulang ito ay gusto
kong mapanood ang Requieme dahil kay Anthony Falcon. Hinangaan ko siya ng
mapanood ko ang "Anino sa Likod ng Buwan" lalong lalo na dito sa
"Mga Gabing Kasinghaba ng Hair ko".
Mahusay din si Matt Daclan bilang Tuesday. Sa eksena kung saan na-pick
up si Tuesday ng isang customer, makikita ang producer na si Bianca Balbuena
tulad sa mga pelikulang "Engkwentro" at "Patay na si
Hesus". In fairness, nalito ako ha. Magkahawig sina Matt Daclan na
naka-cross dress at Bianca Balbuena. Going back sa performance ni Matt,
convincing siya dahil kita mo sa kilos ng aktor sa kanyang pagganap ang
pagiging flirtatious sa isang customer at ang pangangambang malaman ang kanyang
sikreto ala-The Crying Game.
Si Rocky Salumbides ay umaanggulong Chin-Chin Gutierrez the transgender
version. Ang karakter niyang si Barbie ay isa sa mga taong nakakasalamuha mo na
maaaring kakilala mong ma-ambisyon na lahat ay gagawin sa ngalan ng
salapi.
Mahusay din si Mon Confiado bilang Roger na handa sa oras na tawagin
siya para back-up sa kailangan ng tulong niya.
Sa end credits ng pelikula, mababasa ang "In loving memory of
Jennifer Laude".
No comments:
Post a Comment