Tuesday, November 15, 2016
DUKIT: Pag-uukit ng pagkatao na hinubog ng panahon
Tatlong taon na ang nakalipas ng mapanood ko ang pelikulang "Dukit". Hindi ko pa rin ito makalimutan. Umukit ito sa aking isipan na isa sa mga magagandang pelikulang Pilipino ng dekada.
Mula sa panulat at direksyon ng batikang manunulat na si Armando Lao katuwang si Honey Alipio.
Ang pelikulang Dukit ay tungkol sa buhay ni Willy Layug. Isa siyang tanyag na mang-uukit. Ang pelikula ay nahahati sa ilang bahagi ng kanyang buhay mula sa pagkabata, pagiging ama, pagsisimula at pagiging ganap na mang-uukit ni G. Layug at ang gawaran siya ng parangal o patrolling Presidential Merit Awardee for Ecclesiastical Art.
Ipinakita sa pelikula na bantog si Ginoong Willy Layug sa kanyang likha lalong lalo na sa pag-uukit ng mga santo.
Sa kabilang banda, ang mga santong ito ay sumisimbolo sa ispiritwal na aspeto.
Habang tinatangkilik ng kanyang mga parokyanong relihiyoso o deboto ang kanyang mga inuukit, nariyan ang bahagi ng kanyang nakaraang hindi niya mapatawad.
Tulad ng proseso ng pag-uukit ay sumasalamin rin ito sa kanyang buhay.Tulad sa pag-uukit, hinubog ng panahon si G. Willy Layug. Hinubog ang kanyang pagkatao sa mga karanasan at mga tao sa kanyang buhay.
Malaki ang naging epekto ng relasyon niya sa kanyang ama. Ito ang nakaapekto sa pananaw niya sa buhay. Naging masalimuot ang pagtanggap niya sa pangyayari na lumaking walang ama sa kanyang tabi.
Dito kumunekta ang kuwento ng pelikula sa mga manonood. Magkaiba man kami ng kuwento ng buhay ni G. Layug pero naka-relate ako sa kanya. (Hindi ko na idedetalye pa kung paano ako naka-relate dahil personal na iyon.)
Hindi man inuudyok o nais ng pelikula ang emosyonal na aspeto ay may mga bahaging emosyonal ito na hindi makikita sa melodrama.
Hindi rin kumbensyonal ang pelikula. Gumamit ito ng non-linear narrative. Ginamit ang mga flashback upang lalong maintindihan ang mga bahagi ng buhay ni G. Layug na hindi alam ng ibang tao.
Pagpapatawad o forgiveness ang nangingibabaw na mensahe pelikulang ito. Makatotohanan ang paglalarawan kung paano magpatawad ang mga kalalakihan sa pelikula.
Mahusay na nagampanan ng mga aktor ang kanilang mga karakter tulad nila Bor Ocampo, Mark Joseph Griswold, Bambalito Lacap, Raquel Villavicencio at kahit mismo si G. Willy Layug. Mahusay ang pagkakasulat ng iskrip at direksyon ni Armando Lao. Maihahanay ito sa kanyang obra tulad ng Itanong Mo Sa Buwan at Tuhog.
Tunay ngang ang talento ng isang Pilipino tulad ng pag-uukit ay maipagmamalaki. Subalit, mas nakakamanghang malaman ang buhay ng isang mang-uulit tulad ni G. Willy Layug.
Subscribe to:
Posts (Atom)