Saturday, February 4, 2017

SWIPE (2017)


January 31 nang magkaroon ng premiere night ang pelikulang “Swipe” sa SM Megamall Cinema 7.

Ang pelikulang “Swipe” ay patungkol sa pinaghahabi habing kuwento ng mga tauhang pinagtagpo dahil sa isang online dating app na kung tawagin ay “Swipe” at ang Sunrise Apartments ang nagsisilbing witness sa mga nangyayari sa tauhan. Ang ilan sa kanila ay umaasa na magkaroon ng romantic relationship sa pamamagitan ng online dating app.

Si Gloria (Maria Isabel Lopez) ay isang bored at malungkot na inang nakatagpo ng kanyang bagong ka-relasyon sa pamamagitan ng "Swipe". Dito niya nakilala si Ted (Alvin Anson). Kakalipat lamang nila Janet (Meg Imperial) at ng kanyang asawang si Edward (Alex Medina) sa Sunrise Apartment. Nagtratrabaho sa call center si Edward at naiiwan si Janet mag-isa sa apartment. Si Loida (Mercedes Cabral) naman ay lady guard ng apartment na ang nagsisilbing tagapamahala ay si Leo (Luis Alandy). Nagkakilala ang dalawa sa "Swipe" at nagkaroon sila ng relasyon kahit pa pamilyado na si Loida. Samantalang, si Frank (Gabby Eigenmann) ay isang dealer ng sapatos at pamilyado na ngunit active siya sa gay online dating social site. 

Ang pelikulang “Swipe” ay may pagtatangkang ihalintulad ang istilo nito na mapapanood sa pelikulang gaya ng “Disconnect” (2012). May pagkakaparehas ang pelikulang “Swipe” sa pelikulang “Disconnect”. Tinalakay sa parehong pelikula ang hindi magandang epekto ng teknolohiya sa ating makabagong panahon. Lalo na ang pagkahumaling sa social media o social network. Mas binigyang diin ng Swipe ang online dating apps na nagbibigay koneksyon sa taong hindi lubusang magkakilala at kung paano na ang mabilis na pagtitiwala dahil sa instant relationship ay maaaring ikapahamak. Hindi rin maayos na pampalipas ng pagkabagot ang online dating app.

Stand out naman ang pagkakaganap nila Maria Isabel Lopez, Mercedes Cabral, Gabby Eigenmann at Luis Alandy. Maihahanay na ang pagkakaganap ni Maria Isabel Lopez bilang Gloria sa mga naunang pelikula niya tulad sa “Kinatay”, “Pamilya Ordinaryo", “Ma’ Rosa”. Ang karakter niya ay sumasalamin sa mga taong na-deceive ng isang pangako na walang kasiguraduhan siyang pinanghahawakan. Matapos ang pagkakaganap ni Gabby Eigenmann sa TV series na “Dading” ay isang mapanghamong pagganap na naman ang kanyang papel bilang Frank. Si Frank ay dealer ng sapatos at may asawa ngunit meron siyang lihim. May fetish siya sa paa ng kalalakihan na kanyang hinahanap sa mga gay dating social sites. Si Mercedes Cabral bilang Loida at Luis Alandy bilang Leo ay parehas magaling sa pagganap nila na lovers ngunit sinira ng malisyosong video na lihim na kinuhanan habang sila ay nagtatalik dahil na rin sa ayaw pumayag ni Leo humiwalay kay Loida. Magaling din sina Alex Medina, Neil Coleta, Rolando Inocencio, Madeleine Nicolas, Rob Moya at Matt Daclan kahit sa maiksing oras na mapapanood mo sila. Challenge naman kay Meg Imperial ang gumanap bilang recovering drug addict na dahil sa boredom ay bumalik uli sa dati at pinagseselosan pa (na maaring epekto na rin ng droga ang labis na pag-iisip) si Edward sa isang babaeng nagngangalang Rachel.

Nakakalungkot lamang isipin na sa pagpapalabas ng pelikula sa premiere night ay may problema sa audio o sound. Maaaring ang problemang ito ay sa part ng post production o sa part ng sinehan.