Sunday, April 7, 2019

JESUSA (2019)




The Greatest Love: Drug Addict Edition.

Dinaig ni Sylvia Sanchez si Naomie Harris sa Moonlight sa pelikulang ito. Martyr kung martyr na kayang talunin si Nora Aunor sa Minsan May Isang Ina (1983) at iba pang martyr role ni ate Guy.

Ito ang klase ng role na pwedeng ibigay kanila Nora Aunor o Gina Alajar noong 80's. Pwede ding ibigay kanila Maricel Soriano o Rosanna Roces noong 90's to 2010's.

Pansin ko lang madaming unnecessary characters at ang mga supporting karamihan ay unsympathetic.

Saka kailangan talaga naka-uniform po ang manikurista eh hindi naman sa nail spa nagtratrabaho kundi home service at sa labas lang ang pagma-manicure so akala ko nurse si Jesusa. Sayang po 'yung costume.

Pinatunayan ni Sylvia Sanchez na kayang tapatan ng husay sa pag-arte ang pelikulang walang karede-redeeming value.

Okay gets ko dark theme pero cringeworthy ang ibang dialogue. If manalo man ng Best Actress sa Sinag Maynila si Sylvia Sanchez eh deserve niya naman.

LAKBAYAN (SINAG MAYNILA 2019 OPENING FILM)




Madalas sa mga trilogy o anthology noon magpahanggang ngayon ay pinagsasama ang mga mahuhusay na direktor ng pelikulang Pilipino ngunit bibihira na ibang genre at tema ang tinatalakay. Laging inaasahan at naging bahagi na sa isang film festival noon ang Shake, Rattle and Roll franchise/installment na horror genre kung saan pinagsasama ang mga sikat na artista at direktor. 

Kaya kakaiba ring viewing experience ang mapanood ang pelikulang "LAKBAYAN" ng Sinag Maynila. Pinagsama-sama ang tatlo sa respetado at mahuhusay na direktor ng ating henerasyon - Lav Diaz, Brillante Ma. Mendoza at Kidlat Tahimik.

Sa HUGAW (Dirt) na dinirek ni Lav Diaz, tatlong minero (Andres, Baldo at Paulo) ang naglalakbay pabalik sa kanilang bayan ngunit isang insidente ang susubok sa kanilang tatlo bago pa makarating sa paroroonan.

Sa DESFOCADO (Defocus) ni Brillante Ma. Mendoza, isang freelancer na cameraman (Joem Bascon) ang sinundan ang welga ng mga Sumilao Farmers na mula Agusan hanggang Maynila na naganap noong 2007.

Sa LAKARAN NI KABUNYAN naman ni Kidlat Tahimik, natunghayan ang pagbihiyahe ng anak ni Kidlat Tahimik na si Kabu upang balikan at tuklasin muli ang kultura at sining na makikita sa iba't ibang panig ng bansa. 

Isa na maituturing na maikling pelikulang nalikha ni Lav itong HUGAW. Iba pa ito sa short films niya dahil madalas ay mahahaba ang kanyang pelikula na dinaig ang mga gawang epiko ni David Lean. Habang pinapanood ko ang HUGAW, pakiramdam ko ay nanood ako ng isang bahagi ng pelikulang DAPOL TAN PAYAWAR ng QCinema dahil sa paglalakbay sa masukal na kagubatan. Madalas naman mapanood sa mga pelikula ni Lav ang mga lakaran sa dako pa roon. This time, mahiwaga ang paglalakbay ng tatlong tauhan at maraming pangyayari na hindi pinapakita sa manonood. Sa isang insidente kung saan nauwi ito sa madugong paghaharap, hindi natin alam kung totoo ba ang sinasabi ni Andres (Don Melvin Boongaling). Mahusay si Nanding Josef sa kanyang subdued acting bilang Baldo. Magaling pero medyo annoyed ako sa theatrical acting ni Bart Guingona bilang Paolo dahil hindi natural ang dating ng bitaw sa kanyang mga linya. Magaling din ang gumanap na Andres.

Habang kinikwento ni Andres kanila Mariposa (Hazel Orencio) ang insidente ay pinapaalala sa akin nito ang Japanese film na Rashomon dahil si Andres lamang ang nagkwento sa pangyayari. Mapapaisip ka kung totoo ba o hindi ang sinasabi ng binata.

Hindi nawawala sa mga pelikula ni Brillante Ma. Mendoza na talakayin ang sosyopolitikal na isyu sa kanyang mga kwento. Sa "Desfocado" na base sa tunay na buhay. Matapang na inilahad ni Mendoza ang pinagdaanan ng mga Sumilao farmers upang makamit ang lupang kanilang inaasam subalit sa huli ay masaklap ang kinahantungan ng lider ng mga magsasaka.

Maihahalintulad sa pelikulang "Noy" (2010) ni Coco Martin ang Desfocado dahil parehas na videographer o cameraman ang karakter na Noy at Jose (Joem Bascon). Kabilang din sa pelikulang Noy noon si Joem. Sa Noy, nakamit ni Joem ang Pinakamahusay na Pangalawang Aktor noon sa Gawad Urian. Ang kaibahan lamang ay ang kinukunan nilang pangyayari. Si Noy ay nagsilbing mata sa eleksyon samantalang si Jose ay sinundan ang masalimuot na paglalakbay ng mga Sumilao farmers upang maiparating ang kanilang hinaing.

Mahusay na ginampanan nila Joem Bascon, Soliman Cruz at Fe Gingging Hyde ang kanilang mga papel.

Ito ang aking obserbasyon sa Desfocado segment:

1. Maaaring dahil freelance cameraman/videographer si Jose kaya siya lamang ang kumuha sa paglalakbay ng Sumilao farmers. Naging one-man team siya. Kadalasan sa mga ganitong sitwasyon dapat ay may kasama siyang reporter, producer at assistant cameraman. 
2. Sa eksena sa dagat, mas malakas ang NATSOT (Natural Sound on Tape) kesa sa pag-uusap nila Jose at isang kasapi ng nagwewelga. Maaaring nais ipahiwatig ng filmmaker na dahil nagbibingi-bingihan ang nasa gobyerno pati tayo kaya hindi natin naririnig ang nais nilang ipahatid.

Surprisingly, pinakanagustuhan ko ang "Lakaran ni Kabunyan". Ito ang talagang sumalamin sa "Lakbayan". Nakuha nito ang essence sa kabuuan ng trilogy na ito. Sa isang quasi-documentary at travelogue/road movie dinala tayo ni Kidlat at kanyang anak na si Kabu sa iba't ibang bahagi ng bansa upang mabigyang diin ang pagpapahalaga sa ating kultura at sining.

Bilang ama, iminulat ni Kidlat ang kanyang anak sa kultura at sining dahil ito ang bumubuo ng ating pagkaPilipino. Maaaring sinakop tayo ng mga dayuhan noon ngunit hindi dapat balewalain ang mga kontribusyon ng ating mga ninuno noong sinaunang panahon. Ito ay nagsilbing aral upang hindi mawala na ang ating kasaysayan at ating pagkakakilanlan sa bansa. Sa bawat rehiyon ng Pilipinas ay may matutuklasan kang kulturang dapat pagyamanin. Para na rin akong kasama ni Kabu sa kanyang paglalakbay. Masarap ulit balikan ang ating kasaysayan, kultura at sining. Ang maganda pa dito ay malaki ang impluwensiya ni Kidlat sa kanyang anak. Cute din ni Kabu na nagpadagdag sa appeal ng pelikula.

Sa tatlong segment, may kanya kanya silang tema, genre at mensahe. Sa Hugaw, ito ay pulitikal at may pagka-misteryo. Sa Desfocado, paghingi ng katarungan at pagbantay sa karapatan ang ipinapahayid na mensahe. Pulitikal din ito. Sa Lakaran ni Kabunyan naman ay kultural at pagmamahal sa bayan ang ipinapabatid nito.