Wednesday, November 9, 2016

WORLD WIDE WEB OF CRITICISM

Oktubre 21 ng dumalo ako sa World Wide Web of Criticism tungkol sa film criticism. Ito ay ginanap sa QCX Theater sa Quezon City Circle.

Marami akong natutunan at na-obserbahan sa film forum na ito.

Bahagi ng QCinema, ang event na ito. Nakakatuwang isipin na sa pamamagitan ng film forum na ito ay nakakapag-reach out ang mga taong nasa industriya ng pelikula.

Moderator si G. Lilet Reyes. Isa siyang scriptwriter.

Naimbitahan ang mga tanyag na film critics tulad nila Don Jaucian ng pelikula.tumblr.com na ngayon ay editor-in-chief ng CNN Philippines Life, Richard Bolisay na isang guro at kritiko rin ng mga pelikula sa lilokpelikula.wordpress.com, Michael Edillor na admin ng Philippine Cinema Online Forum (PCOF) at Philbert Dy na film critic sa clickthecity.com. Naroon din ang producer na si Bianca Balbuena.

Ibinahagi at ikinuwento ng mga panauhin ang kanilang karanasan sa pagsusulat tungkol sa pelikula. Kung paano sila nagsimula sa pagkahilig sa panonood ng mga pelikula at gumawa ng mga entries sa kanya-kanyang blog hanggang sa makakuha ng imbitasyon na makapagsalita tungkol sa pelikula, ang isa ay naging trabaho na niya ang maging film critic, ang isa naman ay naging bahagi na ng malaking broadcasting company at ang isa naman ay nakilala na din sa industriya ng pelikula.

Si Don Jaucian ay nakapagtapos ng kursong nursing ngunit sa pagkahilig sa panonood ng pelikula ay binuo ang pelikula.tumblr.com. Ayon sa kanya, matagal na niyang gustong maging manunulat. Napansin niya na habang gumagawa ng blog ang mga naglalabasang top 10 best film of the year.  Bihira ito para sa pelikulang Pilipino. Napansin ko din ito. Kahit pa may nakagawa na ng libro tungkol sa 100 Acclaimed Filipino movies ay madalang kang makakita ng top 10 best Filipino movies of the year pwera na lamang kung gumawa ng listahan ang Manunuri ng Pelikulang Pilipino ng sampung pinakamahusay na pelikula ng dekada. Kaya lumikha siya sa blog niya ng top 10 best Filipino films of the year. Hanggang sa siya ay naimbitahan sa iba't ibang larangan ng pagsusulat. Aminadong hindi na niya nagamit pa ang kursong natapos ngunit maligaya siya sa kanyang tinahak na karera. Kasalukuyan ay editor-in-chief siya ng CNN Philippines Life.

Si Richard Bolisay ay isang guro sa sikat na pamantasan dito sa Pilipinas. Mahilig din siyang manood ng pelikula kaya naisipan niyang magsulat base sa kanyang obserbasyon sa panonood ng pelikula. Siya ang nasa likod ng blog na lilokpelikula.wordpress.com

Si Philbert Dy, tulad ng dalawang nabanggit, ay nagsimula rin sa film criticism sa pagsusulat ng blog base sa obserbasyon nya sa panonood ng mga pelikula at nakahiligang panonood ng mga pelikula. Hanggang sa naisipan niyang lumapit sa clickthecity.com upang bigyang suhestiyon na magkaroon ng film reviews ang website sapagkat nagbibigay sila ng mga screening schedules sa mga pelikula sa sinehan dito sa Pilipinas. Pumayag naman ang nabanggit na website kaya ito ang kanyang naging propesyon.

Si Michael Edillor ay Canadian-based na cinephile. Ayon sa kanya, nagkaroon siya ng kamalayan sa pelikulang Pilipino ng siya ay mapunta sa Canada. Wala siyang matagpuang sources ng mga pelikulang Pilipino. Naisipan niyang lumikha ng mga blogs tungkol sa film history ng Pilipinas, insights, criticism at reviews sa pamamagitan ng social media network na facebook. Hanggang sa maisip niyang buuin ang Philippine Cinema Online Forum.

Si Lilet Reyes naman ay scriptwriter ng pelikula. Kahit iba ang kinuha niyang kurso noong kolehiyo ay ipinagpatuloy niya ang kanyang pagkahilig sa pelikula ng siya ay maging manunulat ng mga dulang pampelikula.

Si Bianca Balbuena ay kilalang producer ng mga mainstream independent films tulad ng That Thing Called Tadhana at Hele sa Hiwagang Hapis.

Bukas sa publiko ang event na ito kaya mga mag-aaral ang nakita ko. Mga grade 9 students ng Pugad Lawin National High School ang inanyayahan  ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na dumalo sa film forum na ito kasama ang kanilang guro sa asignaturang Journalism. Dumalo rin ang ilang estudyante ng Communication Arts ng Miriam College. Meron din mangilan ngilan na young adult at adults na interesado.

Napansin ko na hindi masyadong nagpaparticipate at hindi ganoong ka-interesado ang mga estudyante. Hindi rin sila maka-relate sa usapan. Tunay ngang mahirap na mag-reach out sa mga millenials. Nang tanungin tungkol sa pelikulang Barcelona: A Love Untold (na hindi ko pa napanood), Kathniel vs. Jadine, doon na napukaw ang atensyon ng mga estudyante.

Kahit ng tanungin ang mga estudyante at dalawang guro ay mainstream na pamagat ng mga pelikula ang naibigay ng tanungin kung anong pelikula ang gusto at ayaw nila.

Karamihan talaga ng alam ng mga masa ay mainstream na pelikula. Pelikulang gawa ng mga kilalang entertainment production company sa Pilipinas. Sa ngayon, patuloy ang pamamayagpag ng mga sikat na local film companies lalo pa sa mga romantic drama at rom com movies. Hindi naman natin masisi ang mga masa dahil sa kakulangan ng promotion sa mga independent films.

Maaaring sabihing kinakain tayo ng sistema na tanggapin ang mga ganitong kaisipan tulad ng mga nakikita at nababasa natin sa social media. Ang mga pelikulang mainstream ay may layunin na hayaan tayong tumakas panandalian sa mga kinalulugmukan nating mga isyu sa buhay. Kumbaga escapism. Nililibang tayo. Yan ang inilalatag sa atin ng mga rom com, comedies (slapstick man o sarcastic o sitcom), horror, thriller o drama na formulaic na. Ika nga business as usual. Ito ay negosyo na kailangan pagkakitaan. Kadalasan ay mapapansing compromised ang quality tulad ng aesthetic at artistic values na  nilagyan ng moral. (ano to?)

Sabi nga ng isang kilalang opisyal ng isang tanyag na network sa isang interview nya, "independent films should understand that mainstream needs profit."

Ginagawa naman lahat ng mga independent filmmakers upang maipaabot ang kanilang mensahe sa kanilang pelikula. Nariyan ang pumupunta sila sa mga sikat na pamantasan. Minsan, dumadayo din sila sa mga pampublikong paaralan. Sa independent films nakikita ang mga aesthetic, artistic at malikhaing pamamaraan ng paglalahad ng kuwento.

Ngunit, nagkaroon na rin ng konting kontrobersya ito dahil sa kaliwa't kanang poverty porn at mga soft core porn (daw) to excuse ang for the sake of art. Na kesyo necessary (daw) ang full frontal, pumping scene at iba pa. (Ano na naman to?)

Ano kaya ang pwedeng makapukaw sa curiousity ng millenials  na pinakamadaling ma-bore at mas nakukuha ang atensyon ng mga selfie lord, social media, DOTA, LOL at NBA? (Huh?)

Going back, marami rin akong natutunan. Kulang pa rin ang aking kaalaman tungkol sa film criticism. Kailangan pala na may sarili ka ring pananaw at insights sa iyong napanood. Hindi lang basta obserbasyon lamang. Gagawa ka rin ng pananaliksik ukol sa ilang aspeto at elemento ng pelikula. Higit sa lahat, ano ang nakuha mo sa panonood at bakit ito dapat panoorin ng iba.

Bigla kong naalala ang mga tips at pieces of advice sa akin ni Michael na admin ng PCOF dahil sa kasisimula ko pa lang ay dapat mas galingan ko pagdating sa film criticism. At tulad nga sa sinasabi ng mga kritikong ito kung nais namin mapalawak ang aming kaalaman sa pagsusulat sa pelikula kailangan pa namin manood ng iba't ibang klase ng pelikula at magbasa rin ng mga libro.

Sabi ni G. Bolisay, ang isa sa kahulugan ng salitang "passion" mula sa Latin ay "suffering" o "pagdurusa". Kaakibat nga ng pangarap halimbawa sa pagsusulat ang pagdurusa.

"Magdusa Ka!", sabi ni Nida Blanca sa pelikula na may katulad na pamagat.

Bigla ko tuloy naalala ang isa pang film critic na si Oggs Cruz. Siya ang guest speaker noong nakaraang Abril 2 sa UP CAST Kape't Pelikula kung saan ibinahagi niya ang kanyang karanasan at nalalaman tungkol sa pelikula. Naroon din si Bianca Balbuena na nagbigay ng kanyang nalalaman at karanasan bilang producer.

Sa panahon na kahit may mga limited run ang mga indie films sa mga film festival at ang presyo ng ticket ay pwede ng ipangkain ng isang mahirap na pamilya. Paano magiging interesado ang mga manonood na marami ng balakid sa kanilang atensyon?

At bilang manonood, dapat rin ay bukas at imulat ang ating isipan sa iba't ibang konsepto.

Salamat QCinema sa pagkakataong makadalo sa inyong film forum.

(Nasaan na ang mga kinuha n'yong pictures namin? Calling the attention ng mga organizers ng QCinema film forums)