Friday, November 18, 2016

NAGALIT ANG BUWAN SA HABA NG GABI (Digitally restored and remastered)



Noong Dekada '80, kilala ang mga direktor na sina Emmanuel Borlaza, Elwood Perez, Joey Gosengfiao at Danny Zialcita sa mga on-the-nose dialogue at witty lines. Nauso rin noon ang mga love triangle at adultery o extra-material affairs na tema sa pelikula.

Isa sa hindi malilimutang pagganap at kwento ng tungkol sa pagiging kabit o kerida ay ang pelikulang "Relasyon" (1982) kung saan nakuha ni Vilma Santos ang Grand Slam Best Actress sa papel na Malou - isang kabit.

Marami ring paglalarawan ng komprontasyon ng asawa at kabit sa pelikula. Isa na dyan ang sumikat ng dekada '90 ang pelikulang "Minsan Lang Kita Iibigin" ni Maricel Soriano at Zsa Zsa Padilla kung saan ay hysterical ang asawa. Hindi nalalayo sa mala-Dynasty confrontation scene naman ang eksena nila Beth Bautista at Elizabeth Oropesa sa pelikulang "Palabra De Honor". Isa na namang obra ni Danny Zialcita.

Sa katunayan, ang mga napanood kong pelikula ni Danny Zialcita ay ang Langis at Tubig (1980) kasama sina Vilma Santos, Amy Austria at Dindo Fernando tungkol sa kaso ng bigamy na kamakailan lamang ay ginawan ng TV series ang "Tubig at Langis" na pinagbibidahan naman nila Cristine Reyes, Zanjoe Marudo at Isabelle Daza. Kasunod na napanood kong pelikula ni Zialcita ang Gaano Kadalas ang Minsan? (How Often is Once?). Muli pinagbibidahan ito nila Dindo Fernando, Vilma Santos kasama si Hilda Koronel. Dito sumikat ang linyang, "Gaano Kadalas ang Minsan... Once... Twice... Three Times ... More..." Ginawan din ito ng TV series na pinagbibidahan nila Camille Pratts, Diana Zubiri at Luis Alandy.

Ang "Nagalit Ang Buwan Sa Haba ng Gabi" ay pangatlo sa pelikula ni Zialcita na aking napanood. Ito ang pinakanagustahan ko. Ang pelikulang ito ay pinagbibidahan nila Laurice Guillen, Dindo Fernando, Gloria Diaz at Eddie Garcia. Kasama sina Janice De Belen, Liza Lorena, Suzanne Gonzales at Tommy Abuel.

Hindi maipagtapat ni Dimitri (Eddie Garcia) ang kanyang tunay na pagkatao sa asawang si Estela (Gloria Diaz) matapos na dumalaw sa kanya ang lalaki niyang kalaguyo (Johnny Vicar) sa piging ng mag-asawa. Meron pang isang boyfriend (Michael De Mesa) si Dimitri na hiniwalayan siya sapagkat mag-aasawa ito ng babae. Nalaman naman ni Estela ang lihim ni Dimitri matapos makakita ng card sa suit ni Dimitri galing sa kanyang boyfriend. Labis ang  pagkadismaya at galit ni Estela sa asawa kaya iniwan niya ito at hiniwalayan upang makahanap ng tunay na lalaki sa buhay niya. Sa kabilang banda, naka-disgrasya naman ng salamin ng sasakyan  si Jenny (Janice De Belen). Pag-aari ni Tony (Tommy Alvarado) ang sasakyan. Pinababayaran ni Tony ang abala ni Jenny sa kanya. Kinuha nila ang impormasyon ng isa't isa at nalamang magka-apelyido sila ngunit hindi sila related sa isa't isa. Maituturing na larawan ng perpektong pamilya sina Miguel (Dindo Fernando) at Delza (Laurice Guillen) kasama ang kanilang anak na sina Jenny at isa pang bunsong anak na lalaki. Nagkakilala naman sa isang beach resort si Estela at Miguel. Dito ay nagkaroon sila ng relasyon. Natuklasan naman ni Estela na may asawa na si Miguel kaya nais niyang mas bigyan siya ng oras at panahon ni Miguel sa kanilang relasyon. Walang nagawa si Miguel kundi aminin kay Delza ang totoo.  Nagpaalam pa si Miguel kay Delza na bibigyan nya lamang ng dalawang buwan ang relasyon nila Estela. Sabi nga ni Delza, "adultery with consent?" Gumawa pa ng schedule si Miguel para kay Delza. Samantala, muling nagbabalik ang dating nobyo ni Delza na si Dr. Raul (Tommy Abuel) at nasaktuhan nito ang kalagayan ni Delza. Pilit na nililigawan muli ni Raul si Delza at gusto nitong makipagkita sa kanya madalas. Narinig naman ni Jenny ang usapan ng dalawa. Sa sama ng loob ay lumayas si Jenny at humingi ng tulong kay Tony na hanapan siya ng matutuluyan. Hinayaan ni Tony na tumuloy sa kanya si Jenny. Nang mapatawad ni Jenny ang kanyang ina, ipinakilala nito si Tony. Si Delza naman ay kinausap ang ina ni Tony pati si Miguel dahil sa kumplikadong sitwasyon. Sa kabilang banda nama'y nililigawan muli ni Dimitri si Estela. Kinausap naman ni Miguel si Tony sa tungkol kay Jenny na huwag nang makipagkita ito sa kanyang anak. Kanya kanyang sitwasyon. Kanya kanyang desisyon. Paano haharapin ng mga tauhang ito ang bukas kung sa haba ng gabi ay nagalit na ang buwan? (Hahaha)

Ang pelikulang ito ay drama pero dahil sa mga witty lines ay naging comedy. Kahit na dekada '80 pa ginawa ang pelikula ay nakakaaliw ang mga on-the-nose dialogue at witty lines tulad ng mga sumusunod:

Sa eksena kung saan ay ipinapaalam ni Miguel kay Delza ang lagay niya. Pinaalalahanan siya ni Delza, "Tandaan mo: Herpes is forever."

Sa eksena kung saan ay nagpapaalam si Miguel kay Delza at tinanong siya ni Delza, "Adultery with consent?"

Sa eksena kung saan pinagsabihan ni Delza si Raul, matapos siyang pagtangkaan. Pinagsabihan siya ni Delza, "Don't be like an animal. You're a doctor."

At ang pinakasikat na linya sa pelikula na binanggit ni Delza, "Nasaan ang asawa mo, na asawa ko, na asawa ng buong bayan?"

Maraming salamat sa matalim na panulat at direksyon ni Danny Zialcita.

Nakakatuwa ang eksena kung saan tinulungan ni Delza si Miguel mag-empake ng gamit dahil pupunta na ito sa kanyang kalaguyo. Hindi ito katulad sa mga hysterical confrontation ng mag-asawa na kung saan nagwawala si misis na malamang nangangaliwa si mister.

Napakahusay ng pagkakaganap ni Laurice Guillen bilang Delza. Labis akong humanga sa kanya rito. Controlled at tamang tama sa timpla ang acting bilang asawa na martir ngunit palaban din naman sa oras na dapat ay lumaban at may panindigan sa pagiging ina. Dito matutunghayan ang kanyang roots sa theater dahil sa kanyang performance. May naalala ako sa kanyang pagganap tulad ni Sandy Andolong bilang Sylvia sa pelikulang "Moral".

Isa pa sa mahusay ang pagganap ay si Eddie Garcia bilang ang closeted homosexual husband ni Estella na si Dimitri. Controlled din ang acting. Naalala ko tuloy sa kanya si Jack Nicholson at Stanley Tucci.

Nakakatuwa naman si Odette Khan bilang kaibigan na boutique shop owner ni Estella. Hindi lamang ang mga witty lines ni Laurice ang nakakatawa pati ang sa kanya at ang galaw niya.

Sa kabilang banda, ang papel ni Suzanne Gonzales na regular na nakikita sa pelikula ni Zialcita ay sumasalamin sa napakong pangako sa relasyon. Siya ang sinasabihan ng lihim nila Delza at Jenny. At nasisira niya ang lihim na dapat ay hindi malaman ng mag-ina. Kahit sa kalagayan ng karakter nya na iniwan siya at hindi na binalikan pa ng asawa.

Hindi naiiba ang papel ni Dindo Fernando sa pelikulang ito sa mga ilang pelikula niya kay Zialcita tulad sa Langis at Tubig at Gaano Kadalas ang Minsan. Inilalarawan ng kanyang karakter ang machismo at false representation ng manhood.

Sa sitwasyon nila Delza (Laurice Guillen) at Estella (Gloria Diaz), ipinakita nila ang reaksyon ng babaeng nasaktan. Maaaring maging manhid o numb na ang feeling nila o di kaya ay may tendency na mag-shut down na lamang ang emosyon. Ipinakita rin dito kung gaano naapektuhan ang mga anak sa sitwasyon.

Muli, maraming salamat ABS CBN Film Archives at Film Restoration katuwang ng Sagip Pelikula at Film Development Council of the Philippines (FDCP) dahil sa nais nitong ipapanood sa atin ang classic at lumang pelikulang Pilipino. Dapat lamang na panoorin at tangkilikin natin ang sariling atin.

Mabuhay ang Pelikulang Pilipino!