Monday, October 10, 2016

MGA KWENTONG BARBERO (BARBER'S TALES) [2013]: Pelikulang hindi kwento ng barbero




Kamakailan lamang ay mapalad akong mapanood ang Barber's Tales (2013) dahil sa libreng pagpapalabas ng pelikulang ito sa 2016 Active Vista Dutch Film Festival. Labis akong humanga sa pelikulang ito lalong lalo na sa mahusay at hindi malilimutang pagganap ni Eugene Domingo bilang Marilou. Malayong malayo sa mga napapanood nating comic characters niya tulad sa Ang Tanging Ina series (2003, 2007, 2010), Kimmy Dora (2009, 2012) at Babae sa Septic Tank (2011).

Malayo rin sa pamagat ang mga pangyayari sa pelikula kahit ito pa ay kathang-isip lamang.

Taong 1975, sa isang bayan sa Rizal. Si Jose (Daniel Fernando) ay kilala at nag-iisang barbero sa lugar nila. Katuwang niya sa buhay ang maybahay niyang si Marilou (Eugene Domingo) na siya'y pinagsisilbihan at inaalagaan. Hindi alintana kay Marilou ang pagiging chauvinist ng asawa. Isang gabi ay nagpaalam si Jose kay Marilou na pupunta kay Mayor ngunit pupuntahan lang pala nito sa casa ang prostitute na si Rosa (Sue Prado). Kinaumagahan ay namatay si Jose. Nasa tabi nya ang mga kaibigang sina Tessie (Shamaine Centenera Buencamino), isang matandang dalaga at Susan (Gladys Reyes) na madalas ay ginagawang parausan lamang ng kanyang asawa kaya siya'y nabubuntis. Sinisisi naman ng kapatid ni Jose (Malou Crisologo) si Marilou sa pagkamatay ng asawa. Hindi naging madali ang buhay para kay Marilou kahit na inirekomenda na siya ni Father Arturo (Eddie Garcia) sa taumbayan sa isang misa nito dahil mas nagustuhan niya ang gupit nito. Hindi siya pinagtitiwalaan sa paggupit dahil sa siya'y babae. Kaya naman lalong nagdududa sa sarili si Marilou. Tinulungan naman siya nina Susan na handang gawing libre ang kakaning gawa niya pang-enganyo sa mga tao. Hindi pa din nagtiwala ang tao. Dumating naman ang pamangkin ni Tessie na si Edmond (Nikko Manalo) galing Maynila. Nabulabog na lamang si Marilou ng isang gabi ay pumasok sa bahay niya si Edmond na may kasamang sugatang lalaki (Jess Mendoza). Dito niya nalaman na ang inaanak ay sumusuporta sa isang rebeldeng grupo. Habang pinatuloy ni Marilou sina Edmond ay humiling ang kasama na makita nya ang kanyang kapatid na walang iba kundi si Rosa. Dito ay nagkasundo si Marilou at Rosa. Bigla na lamang ay lumago ang barberya ni Marilou. Hindi nya alam na kinontrata ni Rosa ang mga lalaking parokyano nya para magpagupit kay Marilou dahil kung hindi ay isasawalat niya ang lihim ng mga ito. Samantala, ipinatawag naman ni Mayor Alberto Bartolome (Nonie Buencamino) si Marilou upang magpagupit sa kanya ng buhok. Dito niya nakita si Cecilia (Iza Calzado), ang asawa ni Mayor. Isang beses ay nakita ni Marilou na umiiyak si Cecilia sa kumpisalan. Dito nagsimula ang kanilang pagkakaibigan. Labis naman ang pag-aalala ni Tessie sapagkat gabi na kung umuwi si Edmond. Pinagsabihan na ni Marilou si Edmond na itigil ang pagsama sa kilusan ngunit hindi niya ito napigilan. Ayaw ipaalam ni Edmond ang ginagawa niya sa kanyang tiyahin. Kaya gusto niyang lihim lang ito sa pagitan nila ni Marilou. Dito niya ikinuwento kay Marilou na namulat siya sa kalagayan ng bansa sa ilalim ng Batas Militar nang mag-aral siya sa Maynila. Si Father Arturo naman ay binigyan ng kopya ng librong Noli Me Tangere si Marilou dahil gusto niyang magkaroon ng kaalaman si Marilou hindi lamang sa mahusay niyang paggupit. Pagkauwi naman niya ay nais makitulog si Susan dahil sa hindi na niya matiis ang asawang ginagawa lamang siyang parausan. Kinabukasan naman ay pinatay si Father Arturo dahil sa pakikipagtulungan sa mga rebelde. Unti-unting namumulat si Marilou sa tunay na kalagayan ng bansa kaya tinanong niya si Edmond at nagtanong kung totoo nga ba na nakikipagtulungan ang pari sa rebelde. Nilinaw ni Edmond na nagbibigay lamang ng pagkain ang pari sa mga rebelde kaya ng makita ni Mayor at mga tauhan nito ay pinatay siya. Matagal ng hinihiling ni Edmond kay Marilou na gamiting meeting place ang barberya niya na pagpupulungan ng mga kasapi sa kilusan. Pumayag si Marilou upang makatulong. Nagpakita si Cecilia kay Marilou na may bugbog at pasa dahil sa matinding pagtatalo nila ng kanyang asawa. Dinamayan siyang muli ni Marilou. Ilang araw ng hindi umuuwi si Edmond kaya sobra ang pag-aalala ni Tessie. Hindi na matiis ni Marilou na sabihin ang nalalaman niya kay Edmond. Labis itong ikinagalit ni Tessie. Pumunta naman sa casa si Edmond upang ipaalam kay Rosa na patay na ang kapatid nito. Hindi na kinaya ni Edmond ang natamong sugat kaya dinala siya ni Rosa sa bahay ni Marilou. Kinabukasan ay pinaghahanap na siya ng militar. Gumawa naman ng paraan si Susan upang hindi mahuli si Edmond. Lalong nasuklam si Tessie kay Marilou. Samantala, sa muling pagkikita nila Marilou at Cecilia ay lubhang nagkasakitan na naman ng pisikal ang mag-asawa kaya gustong magpasama sa isang lugar si Cecilia kung saan ay hindi alam ni Marilou na magpapakamatay ito. Pinalabas sa imbestigasyon ni Mayor na in-ambush si Cecilia ng rebelde kaya ito namatay. Kaya na-enganyo si Marcos dalawin ang lamay ni Cecilia. Nagkapatawaran naman sina Marilou at Tessie. Magdedesisyon si Marilou kung ano ang gagawin nya sa nalalaman niya tungkol sa pagkamatay ng kanyang kaibigang si Cecilia.

Ang pelikulang ito ay nagbibigay pugay sa batikang direktor na si Marilou Diaz-Abaya. Kaya katukayo niya ang pangalan ng bida. Makikita rin ito sa elemento ng pelikula. Patunay ang tema ng feminismo.

Isa itong pelikulang nagpapakita ng feminismo. Hindi lamang dahil ang bida ay babae kundi pati ang kanyang kamulatan at paglaya sa panahon ng Batas Militar. Makikita rin sa pelikula ang sisterhood o pagkakaisa ng kababaihan na makikita sa pagkakaibigan nina Marilou, Tessie at Susan.

Naiiba ang pagganap ni Eugene Domingo dito. Kalmado, may kontrol at hindi masyadong magalaw. Sa mga mata niya makikita ang pait, pagbangon at tagumpay ng kanyang tauhan. Parang pinaghalong Nora Aunor at Jaclyn Jose acting. Nakakatuwa na makita si Gladys Reyes bilang Susan. Naiiba rin ito sa madalas niyang pagganap na kontrabida. Naalala ko naman si Susan sa ginampanang papel ni Anna Marin sa "Moral" (1982). Mahusay din si Sue Prado bilang prostitute na si Rosa kahit si Shamaine Centenera ang matandang dalagang si Tessie. Mahusay din sa pagganap bilang battered wide si Iza Calzado. Mararamdaman mo ang pait ng nangyayari sa kanya sa mga salita. Magaling din sina Nonie Buencamino bilang Mayor Bartolome na akala mo sa una'y mabait yun pala ay hindi, Nikko Manalo bilang Edmond, Daniel Fernando bilang Jose, Eddie Garcia bilang Father Arturo, Malou Crisologo at iba pang aktor. Napakahusay ng acting ensemble ng pelikulang ito.

Mahusay ang pagkakasulat at direksyon ng pelikulang ito. Sensitibo ngunit may ilang comic relief sa pelikula. Aminadong mas nagustuhan ko ito kesa "Bwakaw" (2012). Mahusay din ang musika at sa aspetong teknikal.

Ang eksena ng halikan nina Marilou at Cecilia ay nagpaalala sa akin sa ending ng pelikulang "Thelma and Louise".

Labis akong humanga sa pelikulang ito at hindi ako nagsisi na napanood ito.