Ang “Sila-Sila” ay isa sa
paborito kong pelikula ngayong taon.
Si Gab (Gio Gahol) ay muling
nagbalik sa Maynila makalipas ang halos isang taong na-assign siya sa Cagayan De Oro
dahil sa trabaho. Bago pa man ang kanyang pag-destino sa Cagayan De Oro, naghiwalay
sina Gab at Jared (Topper Fabregas) matapos malamang nag-Grindr ang huli.
Walang paramdam maski sa mga kaibigan si Gab kaya naman sa kanyang pagbabalik
ay maayos pa kaya niya ang kanyang relasyon sa mga kaibigan? Magka-ayos din
kaya sila ni Jared?
Napakahusay ng screenplay ni
Daniel Saniana at direksyon ni Giancarlo Abrahan. Magaling din ang
cinematography, music at soundtrack.
Napakagaling ni Gio Gahol
bilang Gab. Sana manalo siya ng Best Actor. At hindi ako magtataka kung
manominado siya for Best Actor sa award-giving bodies. Mas kilala si Gio Gahol
bilang theater actor. Noong 2016 Cinema One Originals, maalalang si Gio Gahol ang gumanap na isa sa
best friend ng karakter ni Jasmine Curtis Smith sa pelikulang “Baka Bukas”.
Kahit ang mga supporting actors na kasama niya dito sa pelikula ay tanyag sa
larangan ng pagtatanghal sa teatro. Kaya naman kitang kita rin ang kahusayan
nila sa pagganap. Nariyan ang magaling na
ensemble of actors Topper Fabregas, Phi Palmos, Adrienne Vergara, Bart
Guingona, Boo Gabunada, surprisingly jane-of-all-trades Dwein Baltazar at iba pa
na lahat ay mahuhusay din.
Nagalingan din ako dito kay
Phi Palmos na una kong napanood ngayong taon sa Sinag Maynila film na “Akin ang
Korona”. Maalalang magkasama sina Gio Gahol at Phi Palmos bilang Mga Budding
Artists.
Tulad ni Phi, napanood ko
din sa bahagi ng “Lakbayan” na Sinag Maynila film si Bart Guingona. Mas
nagustuhan ko siya dito bilang si Max.
Scene-stealing ang eksena ni
Boo Gabunada bilang grab driver kuno na sinamahan ni Gab sa kotse.
Sa pelikulang Sila Sila, hindi ko makakalimutan ang eksena kung saan may nakilalang misteryosong estranghero (Boo Gabunada) si Gab (Gio Gahol) at sinamahan pa niya ito sa loob ng kotse.
Sa mga eksena bago ito, makikita nating magkahalo ang emosyon ni Gab na harapin ang kanyang mga kaibigan (Dwein Baltazar at Phi Palmos) at kanyang ex na si Jared (Topper Fabregas). Reluctant at halos ayaw niyang harapin ang mga taong malapit sa buhay niya.
Napilitan din siyang sumama sa reunion ng mga high school classmates niya na inorganisa ng mayamang karakter ni Adrienne Vergara. Dahil na din sa hindi niya matiis ang sa tingin niya ay pagpapanggap at pressure ng mga taong nakapaligid sa kanya ay binalak niyang tumakas.
Dito, inakala niya na ang misteryosong estranghero ay isang Grab Driver na kanyang na-book. Nang maamoy niya na nag-mamarijuana ang binata ay sinamahan niya ito at nag-usap sila.
Madalas kong mapanood ang mga ganitong eksena sa mga stoner films sa Hollywood. Kaya siguro para sa akin ay kakaiba ito.
Sa una, aakalaing hindi ata kunektado o angkop ang eksenang ito sa kabuuan ng pelikula. Pero sa huli, napagtanto ko na dito natin mas nakilala si Gab.
Sa una, may pagka-angas ang estranghero. Nang samahan siya ni Gab ay naging kumportable sila sa isa't isa. Sa eksena ding ito, mas naging relax si Gab na makausap ang estranghero. Dito niya nabanggit na ang mga taong dating kilala niya ay hindi na tulad ng dati. Mga salita at saloobing hindi niya masambit sa kanyang mga kaibigan. Kung ano ano na rin ang napag-usapan nila. Hanggang sa mabanggit at nilinaw din ng estranghero na straight siya.
Tulad ni Gab, may mga sandali sa buhay natin na gusto nating tumakas at mas may tiwala tayong sabihin ang saloobin natin sa isang estranghero at pagkakatiwalaan natin dahil para sa atin ay hindi na natin sila makikitang muli. At sino ba naman ang tatanggi kung isang tulad na isang estranghero na karakter ni Boo Gabunada ang mapaghihingahan mo.
Ito
ang isa sa mga friendship movies na gawang Pinoy na gustong gusto ko. May “Reality
Bites” feels at vibes pero gay version. Naka-sentro man ito kay Gab at mga relationships
niya ay hindi naisantabi na bahagi ng buhay niya ang kanyang mga kaibigan pati
ang kanyang desisyon as an adult.
Saka
damang dama mo na pati ikaw na manonood ay bahagi ng barkadahan at gusto mo din
magkaayos sina Gab at Jared.
Natural
ang bitawan ng mga linya. Ito ang lengwahe na maririnig mo sa ating panahon.
Kaya tawanan ang mga tao sa sinehan lalo sa mga sagutan ng barkada.
Ito
din ang maganda sa mga pelikula ni Giancarlo Abrahan dahil malinaw na
nailalahad at naipapakita niya ang relationships ng bawat characters niya tulad
sa nauna niyang pelikulang “Dagitab”.