Kabilang sa 2016 CineFilipino Film Festival ang pelikulang "NED'S
PROJECT" mula sa script ni John Bedia at direksyon ni Lemuel Lorca.
Ginampanan ni Angeli Bayani ang karakter na si Henedina De Asis o mas
kilala sa palayaw na Ned. Si Ned ay butch na tomboy. Ikinabubuhay niya ang
pagiging tattoo artist sa Sampaloc, Quezon. Hindi siya tanggap ng kanyang
pamilya kaya mag-isa siyang namumuhay sa kanilang lumang bahay hanggang sa
makilala niya ang manikuristang girlfriend na si Gladys (Dionne
Monsanto). Nagli-live in na silang dalawa kaya naman naghahangad siya na
magkaroon ng anak at pamilya. Hindi gusto ni Gladys ang ideyang ito. Hindi din
tanggap ng ate ni Ned na si Olga (Ana Abad Santos) si Gladys. Samantala,
inalagaan naman ni Ned ang kanyang nagsisilbing mentor si Max/Maxima (Lui
Manansala). Habang inaalagaan ni Ned si Max sa sakit nito ay nasasaktuhan
niyang abutin ang programang "Tibo Tibo, Tiba Tiba". Isa itong
contest para sa mga tomboy kung saan ipapakita nila ang kanilang angking
talento at ang magwawagi sa grand finals ay mag-uuwi ng 250, 000 pesos. Nais
sumali ni Ned sa contest upang magkaroon ng perang sapat para sa artificial
insemination upang magkaanak siya.
Magkasabay na malungkot na pangyayari ang dumating sa buhay ni Ned.
Ipinagpalit ni Gladys si Ned sa isang lalaki at namatay si Max. Tuloy pa rin
ang buhay ni Ned. Patuloy ang buhay ni Ned at hindi niya itinigil ang
pagta-tattoo artist hanggang sa makilala niya at maging kliyente niya si Ashley
(Max Eigenmann).
Sa una'y hindi magkasundo sina Ashley at Ned. Hanggang sa unti-unti
nilang nagustuhan ang isa't isa. Pinakiusapan ni Ned si Ashley na turuan siyang
sumayaw para sa pagsali niya sa "Tibo Tibo, Tiba Tiba". Dito mas
lalong lumalim ang kanilang pagkakaibigan.
Si Ashley na ba ang babae para kay Ned? Manalo kaya si Ned sa pagsali
niya ng contest? Matupad naman kaya ang pangarap ni Ned na maging isang
ina?
Mahusay ang pagganap ni Angeli Bayani bilang Ned. Inaral niya ang kilos,
pananamit at pananalita ng isang butch lesbian. Kumbaga dumaan sa matinding
transformation si Angeli Bayani sa role na ito. Ang natatandaan kong
performances na may ganyang matinding transformation sa pagganap ng lesbian ay
sina Hilary Swank sa pelikulang Boys Don't Cry (1999) at Charlize Theron sa
pelikulang "Monster" (2003). Kaya naman hindi kataka takang mapasama
ang kanyang performance sa TV show na Ang Pinaka sa Memorable Lesbian Roles in
Philippine Cinema. Deserving din ang kanyang pagiging nominado sa Gawad Urian
bilang Pinakamahusay na Pangunahing Aktres. Isa siya sa bet ko o gusto kong
magwagi sa parangal kasama nina Irma Adlawan sa Oro (2016) at Jaclyn Jose sa
Ma' Rosa (2016).
Magagaling din ang ensemble cast ng pelikula. Natuwa ako kay Ana Abad
Santos bilang Olga na kapatid ni Ned. Magaling din sina Max Eigenmann bilang
Ashley, Lui Manansala bilang Max, Dionne Monsanto bilang Gladys, Star Orjaliza
at Biboy Ramirez.
Mahusay ang execution ng pelikula mula sa malikhaing direksyon ni Lemuel
Lorca at script ni John Bedia. Dagdag pa nito ang tama sa timplang comic timing
at dramatic moments ng pelikula. Deserving din ang pagiging nominado nila
Lemuel Lorca sa Pinakamahusay na Direktor at John Bedia sa Best Screenplay.
Kakaibang movie experience ang mapanood ang Ned's Project.