Wednesday, November 20, 2019

RAINBOW QC: AND THEN WE DANCED



Nagandahan ako sa AND THEN WE DANCED. Billy Elliot meets Call Me by Your Name ang peg.

Si Merab (Levan Gelbakhiani) ay isang aspiring dancer ng traditional Georgian dance. Madalas siyang pansinin ng kanilang choreographer dahil nalalamyaan siya sa kilos nito. Sa pagdating ni Irakli (Bachi Valishbili) na replacement sa isang dancer sa grupo, siya ba ang magbibigay linaw sa pagkatao ni Merab?

Energetic, engaging at entertaining ang pelikula. Napakahusay ni Levan Gelbakhiani bilang Merab. Halos yakapin niya din ang karakter kaya damang dama ang kanyang frustration na maaaring ihalintulad kay Elio ng Call Me by Your Name. Ang hahangaan pa kay Levan ay ang kanyang pagsayaw.

Magaling din ang paggamit ng musika sa pelikula. Ang paghalo ng musika at sayaw sa pelikula ay nagsilbing sining. Ang pagpapanatili ng sayaw sa kanilang bansa ay sumasalamin din kung gaano ka-konserbatibo ang bansang ginagalawan ni Merab.

Nagustuhan ko ang eksena kung saan sinasayawan ni Merab si Irakli habang tumutugtog ang kantang "Honey" ni Robyn.

Gustong gusto ko din ang eksena nila ng kuya niya sa kama at tinanong siya tungkol sa itinutukso sa kanyang sekswalidad. Pinagtanggol siya ng kuya niya kahit hindi sila magkasundo. Umiyak si Merab at niyakap ng kuya niya.

Lastly, ang pinakanagustuhan kong eksena ay ang audition sa huli kung saan sa pamamagitan ng sayaw ay malaya niyang naipahayag ang kanyang sarili. Dinaig ang audition scene ng Flashdance (1983).

Hindi maiwasang maikumpara sa Call Me by Your Name dahil sa mga elemento nito pero ibang level naman itong And Then We Danced.

RAINBOWQC: JOSE (2018)



Isa sa RainbowQC na naabutan ko sa QCinema ngayong taon.

Si Jose (Enrique Salanic) katuwang ang kanyang ina ay ginagawa ang lahat upang mairaos ang pang-araw araw nilang buhay. Nagtitinda ng sandwiches ang ina ni Jose sa bangketa samantalang si Jose naman ay nag-aalok ng murang pagkain sa mga motoristang napapadaan sa intersection. Ngunit, may lihim na buhay si Jose. Madalas siyang makipag-hook up sa mga lalaking nakikilala niya online. Ang alam ng kanyang ina ay nag-overtime siya kaya late siya umuwi ng bahay. Magbabago ang buhay ni Jose ng makilala niya sa online dating apps si Luis (Manolo Herrera). Si Luis na ba ang para kay Jose? Malalaman kaya ang katotohanan sa pagkatao ni Jose?

Mahusay ang pelikulang "Jose" sa pagtalakay ng isyu ng isang mahirap na 19 anyos na namumuhay sa mahirap at konserbatibong kultura ng Guatemala. Idagdag pa ang sosyopulitikal at sosyoekonomikong problema ng bansa.

Mapangahas ang pelikula hindi lang dahil sa frontal nudity ng dalawang actors kundi pati sa pagtalakay ng kontrobersyal na isyu tulad ng homosexuality sa mga Kristiyano. 

Si Luis ay isang born-again Christian living a double life. Makikita sa pelikula na dumadalo siya ng praise and worship service. Sa susunod na eksena ay nagtatalik na sina Jose at Luis.

May eksena sa pelikula na nakiusap ang nanay ni Jose sa nanay ni Luis upang layuan ang anak. Hindi ipinakita sa mga naunang eksena na churchmates ang nanay nila Jose at Luis maski sina Luis at Jose pero sa simpleng eksena na ito makikita ang pagiging konserbatibo sa bansa. May linya ang nanay ni Jose sa nanay ni Luis na dapat layuan ni Luis si Jose dahil na din sa turo ng kanilang pastor.

Magaling si Enrique Salanic bilang Jose dahil nabigyan niya ng buhay at halos yakapin niya ang kanyang karakter. Ganoon din naman si Manolo Herrera bilang Luis.