"Teaching is not a profession; it's a devotion.", kataga ng
isang tauhan sa pelikulang ito.
Ilang beses din naging paksa ng pelikulang Pilipino at kahit sa
telebisyon ang kontribusyon ng mga guro. Nariyan ang mga pelikulang
"Mila" (2001) ni Joel Lamangan na pinagbibidahan ni Maricel Soriano
at "Mga Munting Tinig" (2002) ng yumaong Gil Portes na pinagbibidahan
naman ni Alessandra De Rossi. Sa Hollywood naman, ang mga pelikulang Dead Poets
Society (1989), Dangerous Minds (1994), Music of the Heart (1999), Mona Lisa
Smile (2003) at Freedom Writers (2007) na ilan lamang sa mga hindi malilimutang
pelikula na nagpapakita kung paano ang mga guro ay tumutulong para hubugin ang
kaisipan ng mga mag-aaral.
Iba rin ang impact ng pelikulang "Maestra" mula sa screenplay
ng film critic na si Archie Del Mundo at direksyon ni Lemuel Lorca.
Ipinakita sa pelikula ang kwento ng tatlong guro na hango sa totoong
buhay.
Si Iah Bantang Seraspi (Anna Luna) ay anak ng isang mangingisda sa
Romblon. Mahirap ang kanilang pamilya kaya sinikap ni Iah ang pagiging scholar.
Tutol ang kanyang ama (William Martinez) sa pagiging guro sa akalang walang
asenso ang ambisyon ng anak. Hindi pinanghinaan ng loob si Iah bagkus lalo
siyang naging determinado upang makapagtapos ng pag-aaral. Confidante at
sumusuporta sa pangarap niya ang kanyang kaklase at kapwa Education student na
si Poldo (Paul Salas). Napatunayan ni Iah na hindi dahilan ang kahirapan upang
sumuko. Kaya naman naging Cum Laude siya. Naghahanda naman siya sa LET
(Licensure Examination for Teachers) kaya nag-review siya. Dito niya nakilala
si Gennie (Angeli Bayani), isang Aeta na makailang ulit pumalya sa pagkuha ng
LET. Si Gennie naman ang nagpatuloy sa pagtuturo ng kapwa katutubo sa Tarlac
matapos simulan ng mga misyonaryo ang pagtatayo ng eskwelahan ng Tarukan.
30 taon siyang nagtuturo sa paaralan. Binabagtas niya ang limang oras na
paglalakad at pagtawid ng ilog upang magbigay kaalaman sa mga Aeta. At kapag
may hindi nakakapasok na estudyante si Gennie dahil sa kahirapan ay
kinukumbinse niya ang magulang ng bata upang magpatuloy sa pag-aaral. Ito naman
ang nagiging dahilan sa paglayo ng loob ni Nonoy (Karl Medina), asawa ni
Gennie. Natutuwa kay Gennie si Ms. Espie (Gloria Sevilla). Kahit matanda na ay
dedicated pa rin sa pagtuturo si Ms. Espie. Nais na siyang patigilin sa
pagtuturo ng kanyang anak (Suzette Ranillo) upang magkaroon sila ng oras sa isa't
isa dahil iginugol ni Ms. Espie ang kanyang panahon sa pagtuturo. Napag-isip
isip din ni Ms. Espie na mas mahalagang pagbigyan ang kanyang anak ngunit hindi
pa rin siya titigil sa pagbabahagi ng kaalaman. Magsusulat siya ng libro.
Unang ipinalabas sa Cinemalaya 2017 ang "Maestra" noong Hulyo
at ngayong Disyembre naman ay para sa Cine Lokal.
Malakas ang mensahe ng feminismo ng pelikula. Matatawag din itong women
picture. Hindi lamang dahil sa pinagbibidahan ito ng mga babae. Ipinakita sa
pelikula ang malaking kontribusyon ng babae sa ating lipunan at isa na ang
pagiging guro.
Hindi nagsapawan sa tagisan ng acting ang mga artista. Pantay pantay ang
kanilang pagtrato sa kanilang mga karakter at performances pati sa mga
co-actors nila. Lahat sila ay mahuhusay. Nag-blend ang husay sa acting nila
Anna Luna, Angeli Bayani at Gloria Sevilla. Pwedeng maging nominado bilang Best
Actress sina Anna Luna at Angeli Bayani
samantalang Best Supporting Actress naman si Gloria Sevilla sa iba't ibang
award giving bodies.
Inspiring at heartwarming ang pelikula. Bihira na akong makapanood ng
ganitong pelikulang Pilipino na iiwan mo ang sinehan na umiiyak pero na-uplift
ka dahil sa positibo ang naging denouement.
Marami ang kinikilig sa sinehan sa kwento nila Iah at Poldo. Habang
naglalakad naman sa paaralan nang Tarukan sina Anna Luna at Angeli Bayani ay
bigla kong naalala ang pelikulang “Paglipay” kung saan ay kasama si Anna Luna. Hanga
din ako kay Gloria Sevilla dahil kahit matanda na ay magaling pa rin umarte.
Aminado na-touch ako sa acting nila Anna Luna lalong lalo na si Angeli Bayani.
Parehas na ang dalawang aktres ay kayang mag-insert ng light moments.
Aminado akong ito ang paborito kong pelikula ni Lemuel Lorca kasunod ang
Ned's Project. Mahusay ang kanyang direksyon at magaling din ang pagkakasulat
ng screenplay.
Tunay ngang hindi biro ang pagiging guro. Kapag napanood mo ang
pelikulang ito, lalong irerespeto mo ang propesyon ng pagiging guro.
Trivia: Ilang beses na-feature sa TV si Iah Bantang Seraspi dahil sa
nag-viral ang inspiring story nya. Nasama siya sa listahan ng Ang Pinaka at
na-feature din sa ABS-CBN.