Tuesday, September 24, 2019

SAAN KA MAN NAROROON



Naimbitahan akong dumalo sa screening ng digitally restored at remastered version ng pelikulang "Saan Ka Man Naroroon?" nitong nakaraang Linggo, Setyembre 22.

Una kong napanood ang VHS copy ng pelikulang ito kaya excited ako mapanood ito na restored dahil iba rin ang quality ng VHS copy noon.

Tulad ng aking nabanggit sa nauna kong mga blogs sa pelikulang "Hihintayin Kita sa Langit" (1991) at "Ikaw Pa Lang Ang Minahal" (1992), kilala ang Reyna Films sa paggawa ng mga pelikulang merong pinagkuhanang inspirasyon o adaptation.

Ang pelikulang "Saan Ka Man Naroroon" ay loose adaptation ng pelikulang "Sunflower" (1970) na dinirek ni Vittorio De Sica at pinagbidahan nila Marcello Mastroianni at Sophia Loren noon.

Tungkol ito sa magkasintahang Miguel (Richard Gomez) at Amanda (Dawn Zulueta). Ayaw ng ina ni Miguel kay Amanda dahil sa nagtratrabaho ito sa bar. Pinangakuan naman ni Miguel si Amanda na hihiwalay ito sa kanyang ina at gagawa siya ng paraan. Nagpakasal ang magkasintahan. Ngunit, hindi talaga lubos matanggap si Amanda ng kanyang biyenan Kaya naman ng inalok si Miguel sa paghahanap ng ginto sa Surigao ng kanyang barkada ay sumama ito. Sa kasamaang palad, tinambangan sila ng tulisan habang nasa biyahe. Nasaksihan ito ni Cita (Sharmaine Arnaiz) at tinulungan niya si Miguel. Sa kabilang banda, nag-aalala si Amanda sa kanyang asawa. Isa sa barkada ni Miguel ang nakaligtas ngunit naniniwala siyang patay na si Miguel. Malakas ang kutob ni Amanda na buhay pa si Miguel kahit pa ang ina ni Miguel ay nawalan na nang pag-asa. Kaya lahat ay gagawin niya makita lamang si Miguel kahit pa bangkay na ang huli. Makaligtas pa kaya si Miguel? Mahanap at makita pa kaya ni Amanda si Miguel?

Mahusay ang mga shots o kuha pati ang framing sa bawat eksena ng pelikula. Magaling din ang mga blocking sa bawat eksena. Mahusay ang paggamit ni Ryan Cayabyab sa musika para sa pelikulang ito maski ang mga tunog na ginamit. Maganda rin ang production design. Kapansin pansin din ang mga transition sa editing.

Madalas kong mapansin sa mga pelikula ni Carlos Siguion-Reyna ang paggamit ng magandang kulay. Kaya naman, mas na-enhance ang kulay ng pelikulang ito sa pag-restore at pag-remaster.

Breathtaking din ang mga locations sa pelikula ng ReynaFilms. Ginawa sa Batanes ang pelikulang "Hihintayin Kita sa Langit". Sa Villa Escudero naman ang "Ikaw Pa Lang Ang Minahal". Samantala, sa Pagudpod naman ang "Saan Ka Man Naroroon".

Hindi perpekto ang pelikula dahil may mga eksenang habang nanonood kami ay makikita mo ang reaksyon ng mga manonood. Ayokong i-spoil.

Napakahusay ni Dawn Zulueta bilang Amanda. Kaya naman nominado siya noon sa Gawad Urian sa kategoryang Pinakamahusay na Pangunahing Aktres sa kanyang pagganap bilang Amanda. Sa ikalawang pagkakataon, nakamit ni Richard Gomez ang Pinakamahusay na Pangunahing Aktor sa Gawad Urian sa kanyang pagganap bilang Miguel/Martin sa pelikulang ito. Si Sharmaine Arnaiz naman ang nagwagi bilang Pinakamahusay na Pangalawang Aktres sa kanyang pagganap bilang Cita.