Friday, February 7, 2020

ON VODKAS, BEERS AND REGRETS



Sa una, maaaring maikumpara ang "On Vodkas, Beers and Regrets" (2020) sa pelikulang "When a Man Loves a Woman" (1994) na pinagbidahan ni Meg Ryan. Sa nasabing pelikula, kasal si Alice Green (Meg Ryan) sa pilotong si Michael (Andy Garcia). Natuklasan ng huli na alcoholic ang kanyang asawa. Sa una, in denial hanggang nawalan ng kontrol si Alice sa kanyang addiction. Kaya noong isang beses na hindi niya sinadyang masaktan ang anak dahil lango siya sa alak ay naisipan niyang magpa-rehab at dumalo sa AA (Alcoholic Anonymous).

Magkaiba ang approach at style kung paano pinakita ang alcoholism sa "When a Man Loves a Woman" at "On Vodkas, Beers and Regrets" pero parehas naman itong matapang na ipinakita sa atin na ang babae ay maaaring maging alcoholic. Dahil sa ating lipunan ay mas sanay tayo na makita ang isyu ng alcoholism sa mga kalalakihan.

Sa "On Vodkas, Beers and Regrets", si Jane (Bela Padilla) ay isang artistang tinuturing na "difficult to work with" dahil alcoholic siya. Idagdag pa ang emotional baggage na kitang kita sa kanyang behavior. Hindi handang mapatawad ni Jane ang bahagi ng kanyang nakaraan tulad ng masaksihan niya ang kanyang ama na alcoholic.

Sa kabilang banda, si Francis (JC Santos) naman ang katumbas ni Michael (Andy Garcia). Ang maunawaing boyfriend ni Jane. Nakilala ni Jane si Francis dahil siya ang bokalista ng banda kung saan madalas tumambay ang dalaga at uminom. Magiging hadlang ba ang kalagayan ni Jane sa pagmamahalan nila ni Francis? Hanggang kailan maiintindihan ni Francis ang sitwasyon ni Jane?

Sa pelikulang Pilipino, maalala tulad sa pelikulang Magnifico (2003) ang karakter ni Celia Rodriguez o kaya ang karakter ni Dina Bonnevie sa Sana'y Wala Nang Wakas (1986) na maaaring maging lango sa alak ang isang babae. Kadalasan ay supporting characters sila. Dito naman sa "On Vodkas...", bida ang alcoholic na babae.

Sa pangatlong pagkakataon, muling nagsama sina Bela Padilla at JC Santos bilang love team sa pelikulang ito. Mas kilala silang love team sa naging pelikula nila kay direk Jason Paul Laxamana. Unang nagsama sina JC at Bella bilang tambalan sa "100 Tula Para Kay Stella" at "The Day After Valentines".

Ngayon naman ay si Irene Emma Villamor ang kanilang direktor. Nakilala naman si direk Irene sa kanyang mahusay na pagsulat at direksyon sa "Meet Me in St. Gallen" (2018) at "Sid and Aya: Not a Love Story" (2018).

Hindi ka madi-disappoint sa mga pelikula ni direk Irene Villamor. Muli niyang napatunayan sa "On Vodkas, Beers and Regrets" na isa siya sa mga direktor na dapat abangan ang kanyang mga pelikula. Mahusay ang kanyang direksyon pati ang screenplay. Magaling din ang sinematograpiya at shots ng pelikula. May mga bahagi sa shots tulad sa paglalakad ni Jane habang lasing ay 
naimpluwensiyahan ng ibang Asian cinema.

Napakahusay ni Bela Padilla sa kanyang pagganap bilang Jane. Gayundin naman si JC Santos bilang Francis. Kung sa "100 Tula para kay Stella", nagalingan ako kay JC dahil siya ang puso ng pelikula. Ngayon naman sa "On Vodkas, Beers and Regrets" ay inangkin ni Bela ang pelikulang ito. Kahit maaga pa, hindi na ako magtataka kung ma-nominado si Bela Padilla for Best Actress sa award-giving bodies. Tulad sa mga nakaraang pagganap ni JC Santos, embodied niya ang pagiging "soft boy".

Maganda ang pelikulang "On Vodkas, Beers and Regrets". Wag palampasin.