Wednesday, April 5, 2017

SA AKING MGA KAMAY (Digitally Restored at Remastered)




Lahat ay excited na mapanood ulit ang digitally restored at remastered version ng "SA AKING MGA KAMAY". April 4 sa Rockwell Power Plant Cinema 1 & 3 ginanap ang screening.

Kahit pa kasabay ng Coldplay concert ang event ay mainit pa rin ang suporta sa pelikula.

Present sa premiere night ng screening ang bidang aktor na si Aga Muhlach, Writer Ricky Lee, Direktor Olivia Lamasan at iba pang mahahalagang tao sa industriya ng pelikula.

Ayon sa award-winning sound engineer Albert Michael Idioma, ang pelikulang Pilipinong ito ang kauna-unahang gumamit ng digital recording.

Nagtulong tulong ang mga manunulat na sina Mel Mendoza Del-Rosario, Ricky Lee, Benjou Elgincolin na maisapelikula ang kwentong binuo ni Olivia Lamasan. Si Rory Quintos naman ang nagdirek ng pelikula. Handog muli ng ABS-CBN Film Restoration.

Nag-iimbestiga si Joven Dela Rosa (Christopher De Leon) sa kaso ng Cattleya killer. Ang Cattleya Killer ay pumapatay ng mga unfaithful wives. Seasoned NBI officer si Joven kaya naman habang hawak nya ang kaso ng Cattleya Killer ay na-promote siya bilang Senior Agent. Hindi naman ito ikinatuwa ng asawa ni Joven na si Camille (Chin-Chin Gutierrez) dahil nawawalan naman siya ng panahon sa kanya at sa kanilang anak na si Benjie (Karl Angelo Legaspi). Habang patuloy sa pambibiktima ang Cattleya Killer, nakilala naman ni Camille si Gene Rivera (Aga Muhlach). Gwapo at makisig ang ginoo. Sa kawalan ng oras ni Joven kay Camille ay siya namang naging daan kay Gene para mapalapit kay Camille. Unti-unting namang nahuhulog ang loob ni Camille kay Gene. Lingid sa kaalaman ng dalawa ang lihim na itinatago ni Gene. Sino ba talaga si Gene? At ano ang motibo niya na maging malapit kay Camille?

Noong dekada '90, maraming hindi malilimutang pagganap sa pelikula si Aga Muhlach. Ilan lamang sa napanood ko ang mga sumusunod: Sinungaling Mong Puso (1992) kung saan nakatambal niya si Vilma Santos tungkol sa isang May-December love affair. May Minamahal (1993) kasama si Aiko Melendez kung saan naman ay nagkagusto ang karakter ni Aga sa boyish na karakter ni Aiko. Sa pelikulang Sana Maulit Muli, gumanap si Aga na breadwinner ng pamilya at boyfriend ng emotionally dependent na karakter ni Lea. Nagbago ang lahat ng mag-abroad si Lea at naging ultra independent na babae. Si Aga naman ay sumunod kay Lea sa abroad sa pag-asang magbalik ang kanilang pagmamahalan. Sa Bayarang Puso (1996) naman, gumanap si Aga na dance instructor na nagkaroon ng relasyon sa malungkot na karakter ni Lorna Tolentino.

Naiiba si Aga Muhlach sa pelikulang ito sa mga nauna niyang pagganap. Napakahusay ni Aga Muhlach dito. May pagkakahalintulad ang karakter niyang si Gene Rivera sa karakter na Ging ni Christopher De Leon sa pelikulang Biktima (1990). Gwapo, makisig ngunit misteryoso at mapanganib na serial killer. Schizophrenic at misogynistic ang kanyang karakter.

Magaling din si Chin-Chin Gutierrez bilang Camille. Siya ang malungkot na maybahay ni Joven. Naipakita sa karakter ni Camille ang babaeng merong longingness at pangangailangan. Gustong gusto ko siya sa eksena kung saan pinipigilan niya ang kanyang sarili habang siya'y inaakit ni Gene. Naroon ang ayaw niya ang ginagawa sa kanya pero unti-unti niyang nagugustuhan. Kaya naman sa kanyang mahusay na pagganap ay naging nominado siya sa FAMAS for Best Actress sa pelikulang ito. 

Magaling din si Christopher De Leon bilang si Joven na dedicated at hardworking NBI agent na nahihirapang paghatiin ang oras buhay pamilya at sa kanyang trabaho.

Mahusay ang paggamit ng ilaw sa pelikula. Naalala ko tuloy ang mga Hitchcockian thrillers at ang pelikulang Natural Born Killers sa paraan ng paggamit ng ilaw sa pelikula. Kailan kaya ako makapanood ulit ng ganitong pelikula? Maihahanay ang pelikulang ito sa mga 90's suspense thriller tulad ng pelikulang Biktima (1990) ni Sharon Cuneta, Dahas (1995) ni Maricel Soriano at Hollywood film tulad ng Fear (1996) ni Mark Wahlberg.