Saturday, July 2, 2022

NGAYON KAYA



Sa pelikulang "Ngayon Kaya", magka-klase sa kolehiyo sina Harold (Paulo Avelino) at AM (Janine Gutierrez). Hindi nagtagal ay naging matalik silang magkaibigan. Magkaiba man ng mga pangarap ngunit magkasundo sila dahil sa musika. Sa kanilang magkaibang estado sa buhay, tutuparin pa rin ba nila ang kanilang mga pangarap at mananatili pa bang magkaibigan? Aaminin ba nila ang kanilang nararamdaman sa isa't-isa?

Mas naunang napanood bilang love team sina Paulo Avelino at Janine Gutierrez sa TV series na "Marry Me, Marry You."

Kahit pa nauna nilang na-shoot ang pelikulang "Ngayon Kaya" bago mag-pandemya, ito naman ang kanilang unang pagkakataong magkasama sa pelikula. 

Hindi naman tayo binigo ng dalawang aktor dahil parehas silang mahusay sa kanilang pagganap at effective din ang kanilang chemistry.

Malinaw na naipakita ang business ng mga pangunahing tauhan sa mga kolaborasyon nina Prime Cruz at Jen Chuaunsu sa pelikula. Patunay na diyan ang mga pelikulang tulad ng "Isa Pa With Feelings" (2019) at "Sleepless" (2015). Sa pelikulang "Sleepless" at "Isa Pa With Feelings" ay parehong may kabiguan ang mga pangunahing tauhan sa kanilang buhay at pag-ibig. Sa pelikulang "Ngayon Kaya" naman mula kolehiyo hanggang sa muling pagkikita nina AM at Harold makalipas ang sampung taon, ipinakita kung ano ang mga pagbabago mula sa pribilehiyong meron si AM at working student na si Harold. Hanggang sa freelancer work ni AM at tila matagumpay na karera ni Harold sa ibang bansa. 

Samantala sa kanilang mga romantic relationships, si AM noong kolehiyo ay may nobyo. Si Harold naman ay single at na-e-enjoy ang binibigay na atensyon ni AM. Sa muli nilang pagkikita makalipas ang sampung taon, single si AM at engaged na si Harold. 

Malaki ang naitulong ng musika at mga kanta sa pelikula. Angkop ito sa milieu. Mula sa paggamit ng kantang "Jopay" at "Bakit part 2" ng Mayonnaise, ibinalik tayo nito sa mid-2000's kung saan sumikat muli ang mga Pinoy band. 

Mapapansing gumawa ng ilang rom com films si Janine Gutierrez nitong pandemya tulad ng "Dito at Doon" at "Ikaw" kahit ang "Elise" na ginawa niya bago mag-pandemya. Maaaring i-consider si Janine Gutierrez bilang "pandemic rom com queen". Dahil siya lamang ang nakagawa ng ganitong filmography sa kalagitnaan ng pandemya. 

Samantala, ang karakter ni Paulo Avelino sa pelikulang "Ngayon Kaya" ay naalala mo ang "I'm Drunk I Love You" (2017) dahil parehas mahilig sa musika ang kanyang karakter sa mga nabanggit na pelikula. Dito sa "Ngayon Kaya" naman ay siya naman ang hindi makapagsabi ng kanyang nararamdaman sa taong mahal niya. 

May isang eksena sa pelikula kung saan niyaya ni AM si Harold sumabay sa kanya dahil may kotse naman ang dalaga. Bigla nitong pinaalala ang eksena sa pelikulang "Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa" na pinagbidahan ni Paulo Avelino noon. Sa "Ang Sayaw", ang karakter ni Paulo ang nag-aya sa karakter ni Rocco Nacino na sumabay sa kanya dahil siya naman ay may kotse. 

Going back sa pelikulang "Ngayon Kaya", may bahaging naintindihan ko ang karakter ni Harold kung bakit napalapit siya kay AM. Sino ba namang hindi mahuhulog ang loob na binibigyan mo ng atensyon ang isang tao tulad ng ginawa ni AM sa kanya? 

Sa kabilang banda, gusto ko rin ang enthusiasm at optimism ni AM. Sana meron din akong ganoong energy.

Isa sa hindi ko makakalimutang eksena sa pelikulang Pilipino ngayong taon ang ending nito. Kumbaga, para nitong nilarawan ang kabuuan ng pelikula. 

Sa totoo lang, nakaka-miss manood ng ganitong pelikula sa sinehan.

At malaking bagay na sumugal sila para ipalabas ito sa sinehan.