Bihira
akong makapanood ng pelikulang tulad ng Esprit De Corps. Kabilang ang
pelikulang ito sa Cinema One Originals 2014. Mula sa panulat at direksyon ni
Kanakan Balintagos o mas kilala bilang Auraeus Solito. Matapang na tinalakay ng
pelikula ang mga isyu sa loob ng training ng mga kadete noong panahon ng
diktadurya ni Marcos. Isa sa lalong nagpatapang sa pelikula ay ang ihalo ang
usaping sekswalidad sa mga kadete. Maaaring hindi na ito bago o naitalakay na
ito sa ibang foreign films o tagalog na indie ngunit sa aspeto na ginawa itong
poetic ang naging dahilan para ito'y maging distinct. Tulad sa pelikulang
"Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa" (2011) ay dinaan sa mga
matalinghagang dayalogo ang mga bagay na pilit itinago o hindi kayang ipakita.
Mahusay
na ginampanan ni Sandino Martin ang papel na C/Pvt Abel Sarmiento. Sensitibo, tahimik
ngunit maingat at handang suungin ang mga proseso upang mapasakamay niya ang
posisyon ni Major Mac. May mga bahagi sa pelikula na gripping at compelling ang
pag-arte ni Sandino Martin. Napatunayan niya ito sa eksena tulad ng aminin niya
sa kanyang matalik na kaibigan na biktima siya ng sexual abuse ng pari, ang
hubo't hubad niyang paglangoy sa swimming pool at frontal nudity nya habang
kausap ang matalik na kaibigan sa swimming pool. Lalo na sa eksenang
tinanggihan niya ang madaling paraan upang mapalitan si Mac. Matapang naman ang
pagganap ni JC Santos bilang Major Mac, ang scheming, manipulative na S3 (operations officer) ng isang
eksklusibong Catholic School for boys. May mga bagay na pilit niyang itinatago at hindi sinasabi
ngunit halata ito sa kilos niya - ang kanyang kahinaan. Nakakagulat din dito si
Lharby Policarpio bilang C/Pvt Cain
Fujioka.
Isang anak ng Japayuki at matalik na kaibigan ni Abel. Handa niya ring gawin ang
lahat upang mapasakamay ang posisyon ni Mac kahit sa puntong gamitin siya ni
Major Mac. Mapangahas ang eksena nila Lharby Policarpio at JC Santos.
Nakakatuwa ang mensahe
ng pelikula tungkol sa pagdaan sa proseso ng mga pangunahing karakter. Mas
pinili ni Cain ang mabilis na proseso kaya hinayaan na lamang niya si Mac na
gawin ang gusto nito. Samantalang kahit mahirap ay mas ginusto ni Abel na
dumaan sa tamang proseso kaya makikitang mas nagugustuhan ni Mac ang kanyang
determinasyon.
Sa mga pangalan ng karakter,
maaaring tinangka ng filmmaker na kumuha ng reference sa Bibliya. Tulad sa
Bibliya, mas pinili ni Abel ang kalugod lugod na alay o handog kesa sa paraang
ginawa ni Cain.
Maganda rin ang kantang
"Handa Na" na inawit nila Sandino Martin at JC Santos.