Saturday, February 6, 2021

SOLTERO (THE BACHELOR)

 


Isa sa mga naging proyekto ng Experimental Cinema of the Philippines noong dekada '80 ang Soltero (The Bachelor).

Tanyag ang ECP noon sa mga dekalidad na pelikulang nilikha nila kahit pa bilang lamang ang mga ito. Kabilang ang Himala, Misteryo sa Tuwa, Soltero at Oro, Plata, Mata.

Pinagbibidahan ni Jay Ilagan ang Soltero bilang Crispin Rodriguez. Isang binatang nasa 30 anyos na at mag-isa sa buhay. Kahit pa maituturing na matagumpay siya sa kanyang larangan ay kulang pa din ito dahil sa wala siyang katuwang sa buhay. Nilalaan niya ang kanyang oras sa trabaho, sumasama sa barkada tulad ng panonood ng mga dula at yayaan sa Roxas Boulevard at bumibisita madalas sa kanyang pamilya.

Sa kabilang banda, hindi pa din siya maka-move sa kanyang dating kasintahang si Christine (Rio Locsin) na may anak na sa Ibang lalaki. Madalas niya pa din itong tingnan sa tarangkahan ng bahay nito at dumadalaw din siya kay Christine. 

Meron namang bagong manager sa bangkong pinagtatrabahuan ni Crispin. Ito ay si RJ (Chanda Romero). Sa una'y hindi niya magustuhan ang istilo ni RJ ngunit sa kalaunan ay makakasundo niya ito. Sa pag-alis ni Christine ay ang pag-usbong ng bagong pag-asa sa buhay pag-ibig ni Crispin. Subalit, merong lihim si RJ na siyang magiging dahilan upang layuan din ang binata. 

May matatagpuan pa bang katuwang sa buhay si Crispin?

First time kong mapanood ang Soltero at digitally restored at remastered pa. Muli ay napamangha ako ng ABS-CBN Film Restoration. Mabuti na lamang at may pagkakataon na tayong mapanood ang classic na pelikulang ito. 

Tahimik ang pelikula. Kahit pa makulay ang dekadang pinakita sa pelikulang ito ay damang dama ang melancholia ng karakter ni Crispin. Hindi nalalayo ang katangian ng karakter na si Crispin sa ating henerasyon. Ito ay ang patuloy na paghahanap sa pagmamahal at kalinga. 

Mahusay na nagampanan ni Jay Ilagan si Crispin. Isinabuhay niya si Crispin na tulad lamang sa isang kaibigan, ka-trabaho o kakilala na madalas mong makasalamuha. Magaling din ang mga pangalawang aktor na sina Chanda Romero, Rio Locsin, Charlie Davao, Irma Potenciano, Mona Lisa, Dick Israel at Baby Delgado. Mahusay ang direksyon ni Pio De Castro III. Ganoon din kahusay ang screenplay ni Bienvenido Noriega, Jr. 

Madalas makita sa pelikula ang aquarium na gaya sa pelikulang "The Graduate" (1967). Tulad din ni Benjamin Braddock (Dustin Hoffman) si Crispin na nalulunod sa kung anuman ang inaasahan o expectations sa kanila ng lipunan pati na ang kalungkutan.

Hindi nalalayo sa tunay na buhay ang mga naranasan ni Crispin. Nandyan na may darating na mga tao sa buhay mo at makakasama mo pero hindi mo din sila mapipigilang umalis. 

Matapang na tinalakay sa pelikula ang depression at pagtatangka ng pagpapakamatay o suicide sa kalalakihan pati ang representasyon ng lesbian noong 80's. Ang mga pinakitang kilos ni Crispin matapos mamatay ang kanyang ina pati sa pag-alis ng mga itinuturing niyang mga mahal sa buhay ay maaaring sign o sintomas ng depression kaya siya nagkakasakit at sa kalauna'y nagtangkang magpakamatay. Hindi man lamang ito naintindihan ng kanyang amo. Bihira itong maipakita sa pelikulang Pilipino noon dahil madalas ay nagiging melodrama ito. Sa kabilang banda naman, bihira din ang maayos na representasyon ng lesbian sa pelikulang Pilipino. Si RJ ay maituturing na kabilang sa lipstick lesbian at maayos itong naipakita sa pelikula.