Isa sa mga naging proyekto
ng Experimental Cinema of the Philippines noong dekada '80 ang Soltero (The
Bachelor).
Tanyag ang ECP noon sa
mga dekalidad na pelikulang nilikha nila kahit pa bilang lamang ang mga ito.
Kabilang ang Himala, Misteryo sa Tuwa, Soltero at Oro, Plata, Mata.
Pinagbibidahan ni Jay
Ilagan ang Soltero bilang Crispin Rodriguez. Isang binatang nasa 30 anyos na at
mag-isa sa buhay. Kahit pa maituturing na matagumpay siya sa kanyang larangan
ay kulang pa din ito dahil sa wala siyang katuwang sa buhay. Nilalaan niya ang
kanyang oras sa trabaho, sumasama sa barkada tulad ng panonood ng mga dula at
yayaan sa Roxas Boulevard at bumibisita madalas sa kanyang pamilya.
Sa kabilang banda, hindi
pa din siya maka-move sa kanyang dating kasintahang si Christine (Rio Locsin)
na may anak na sa Ibang lalaki. Madalas niya pa din itong tingnan sa
tarangkahan ng bahay nito at dumadalaw din siya kay Christine.
Meron namang bagong
manager sa bangkong pinagtatrabahuan ni Crispin. Ito ay si RJ (Chanda Romero).
Sa una'y hindi niya magustuhan ang istilo ni RJ ngunit sa kalaunan ay
makakasundo niya ito. Sa pag-alis ni Christine ay ang pag-usbong ng bagong
pag-asa sa buhay pag-ibig ni Crispin. Subalit, merong lihim si RJ na siyang
magiging dahilan upang layuan din ang binata.
May matatagpuan pa bang
katuwang sa buhay si Crispin?
First time kong mapanood
ang Soltero at digitally restored at remastered pa. Muli ay napamangha ako ng
ABS-CBN Film Restoration. Mabuti na lamang at may pagkakataon na tayong
mapanood ang classic na pelikulang ito.
Tahimik ang pelikula.
Kahit pa makulay ang dekadang pinakita sa pelikulang ito ay damang dama ang
melancholia ng karakter ni Crispin. Hindi nalalayo ang katangian ng karakter na
si Crispin sa ating henerasyon. Ito ay ang patuloy na paghahanap sa pagmamahal
at kalinga.
Mahusay na nagampanan ni
Jay Ilagan si Crispin. Isinabuhay niya si Crispin na tulad lamang sa isang
kaibigan, ka-trabaho o kakilala na madalas mong makasalamuha. Magaling din ang
mga pangalawang aktor na sina Chanda Romero, Rio Locsin, Charlie Davao, Irma
Potenciano, Mona Lisa, Dick Israel at Baby Delgado. Mahusay ang direksyon ni
Pio De Castro III. Ganoon din kahusay ang screenplay ni Bienvenido Noriega,
Jr.
Madalas makita sa
pelikula ang aquarium na gaya sa pelikulang "The Graduate" (1967).
Tulad din ni Benjamin Braddock (Dustin Hoffman) si Crispin na nalulunod sa kung
anuman ang inaasahan o expectations sa kanila ng lipunan pati na ang
kalungkutan.
Hindi nalalayo sa tunay
na buhay ang mga naranasan ni Crispin. Nandyan na may darating na mga tao sa
buhay mo at makakasama mo pero hindi mo din sila mapipigilang umalis.
Matapang na tinalakay sa pelikula ang depression at pagtatangka ng pagpapakamatay o suicide sa kalalakihan pati ang representasyon ng lesbian noong 80's. Ang mga pinakitang kilos ni Crispin matapos mamatay ang kanyang ina pati sa pag-alis ng mga itinuturing niyang mga mahal sa buhay ay maaaring sign o sintomas ng depression kaya siya nagkakasakit at sa kalauna'y nagtangkang magpakamatay. Hindi man lamang ito naintindihan ng kanyang amo. Bihira itong maipakita sa pelikulang Pilipino noon dahil madalas ay nagiging melodrama ito. Sa kabilang banda naman, bihira din ang maayos na representasyon ng lesbian sa pelikulang Pilipino. Si RJ ay maituturing na kabilang sa lipstick lesbian at maayos itong naipakita sa pelikula.
No comments:
Post a Comment