Malaki ang bahagi ng ABS-CBN Film Restoration sa aking buhay bilang film
enthusiast at reviewer. Mapalad na ilan sa mga naisulat ko sa aking blog ay
na-feature sa Film Restoration Facebook Page. Nailathala nila ang aking film
reviews sa mga sumusunod na pelikula: Magic Temple, Hihintayin Kita sa Langit,
Sa Aking Mga Kamay, High School Scandal, May Minamahal, Ikaw Pa Lang Ang
Minahal, Minsa'y Isang Gamu-Gamo, Mga Bilanggong Birhen at Saan Ka Man
Naroroon. Nakakalungkot isipin na mawawala na ito dahil lamang sa pulitikal na
kadahilanan.
Ilan sa
mga napanood kong restored version ay napanood ko muna ang orihinal na bersyon
sa TV at online streamings. Ang iba naman ay mismong sa screenings na. Kaya
kitang kita ang pagkakaiba. Tulad na lamang sa 'Tatlong Taong Walang
Diyos" noong November 2016 na ipinalabas sa Trinoma Cinema 1. Mahirap na
itong i-restore dahil kahit ang orihinal na bersyon ay mahirap ng panoorin sa
taglay nitong kulay at quality lalo't 1976 pa ang pelikula.
Hindi ko
makakalimutan ang screening ng restored version ng "Tatlong Taong Walang
Diyos" dahil kasama ko si nanay noong buhay pa siya. Kumbaga date namin.
Ito ang una kong pagdalo sa restored version screenings ng Film Restoration.
Bago magsimula ang screening ay may program. "We would like to acknowledge
the presence of our special guests: Angel Aquino, Ricky Davao, Lore Reyes,
Mario Bautista, Mario Hernando, Isay Alvarez... Jim Paranal... (Parang may
mali? Ako talaga?) Pati tuloy si nanay nagulat napasabing ,"Nabanggit
pangalan mo." Naririnig ko 'yung reaksyon ng mga tao na "sino siya?
The who?" Nakakagulat na banggitin pa ang pangalan ko sa special guests.
Ihanay pa sa mga kilala na sa industriya samantalang amateurish kaya ang mga
gawa kong film reviews. Madaming tao noon. Maingay. May mga Noranians. Pero
nakakatuwang pagmasdan ang suporta nila sa kanilang idolo. Sayang hindi
nakadalo si Nora Aunor sa event. (P. S. Nakasabay ko si Nora Aunor sa elevator
pero sa ibang event naman.) Mahusay ang pagkaka-restore nito dahil mas malinaw
na nakita ang ibang imahe sa eksena kung saan ay malabo na ito sa orihinal na
bersyon. Wala ako masyadong litrato sa mga artista kasi masaya na ako makita
sila saka nahiya din ako.
Pangalawa
sa hindi ko makakalimutan ay ang "Magic Temple" na ipinalabas sa
Rockwell Powerplant Mall Cinema noong December 2016. Ibinalik ng restored
version screening ang "childhood" ng batang 90's tulad ko.
Nakakatuwang dumalo at makitang muli sa event ang mga bidang bata na ang iba ay
may mga pamilya na. Dumalo din ang mga filmmakers nito at iba pang tao sa likod
ng produksyon. Ang naisulat ko sa blog na film review nito ang pinakaunang
nailathala sa Film Restoration Page.
Pangatlo
ang "Hihintayin Kita sa Langit" na ipinalabas sa Glorietta Cinema
noong 2017. Grabe ang experience na panoorin ang restored version kasi maingay
ang CharDawn fans na natatawa na lang kami pag may nanaway o nagpapatigil sa
tumitili at kinikilig. Muli na-feature sa Film Restoration page ang aking
naisulat sa blog.
Pang-apat
ang "Ikaw Pa Lang ang Minahal" na ipinalabas naman sa Trinoma Cinema
noong 2018. Hindi ko makakalimutan ito dahil napanood ko ang orihinal na
bersyon nito na may pagka-orangey sa video. At siyempre, gusto ko kasi makita
si Maricel Soriano sa personal dahil isa siya sa paborito kong aktres noong
bata bata pa ako. Masaya ako na nakita ko si Maricel. Ang ganda ng
pagkakarestore nito. Lalong vivid at luscious ang kulay nito. Lumitaw lalo ang
ganda ng diamond star sa pelikula.
Pang-lima
ang "Mga Bilanggong Birhen" noong 2019 na ipinalabas sa Cinema '76.
Dalawa sa kasama ko sa Third World Cinema Club, sina DJ at Princess, ang katabi
ko sa panonood nito. Excited ako mapanood ito dahil naku-curious ako bakit
"Bilanggong Birhen" ang pamagat nito saka di ko pa din napapanood ang
pelikula. Magaling din ang pagkaka-restore.
Marami
pang kwento sa bawat pagdalo ng restored version screenings. Nandyan ang kasama
ko ang bestfriend ko noong manood kami ng "Don't Give Up On Us" at
"Saan Ka Man Naroroon" restored version screenings. "Sa Aking
Mga Kamay", "High School Scandal", "Moral",
"Karma", "Tag-Ulan sa Tag-Araw", "Langis at
Tubig", "May Minamahal", "Minsa'y Isang Gamu-Gamo" at
"Nagalit ang Buwan sa Haba ng Gabi" na iba iba din ang experience sa
panonood. Aabangan mo talaga ang mga susunod na screenings ng restored versions
at kung anong pelikula ang kanilang irerestore.
Maganda
ang naging initiative ng ABS-CBN Film Archives at Film Restoration dahil muling
binuhay nito ang mga pelikulang wala na sa kamalayan ng henerasyon
ngayon.
Higit sa
makakita ng artista, masarap sa pakiramdam na muling mapapanood ang mga classic
Filipino movies na digitally restored at remastered. Masaya din malaman ang
trivia sa mga pelikula pati ang behind the scenes kung ilang oras ginawa ang
pag-restore.
Habang
pinakikinggan ko ito, isa lamang ang patunay na hindi magaling mag-preserve ng
mga lumang pelikula ang Pilipinas. Hindi din maayos ang archiving system natin.
Maaaring may kakulangan sa prodyuser ng pelikula ngunit mas dapat na may
pagpapahalaga dito ang ating pamahalaan. Bahagi ng ating kultura ang pelikulang
Pilipino.
Malaki
ang kontribusyon sa sining at kultura sa pag-restore ng mga mahahalagang
pelikulang Pilipino dahil dito natin nakikita ang pagkakaiba ng produksyon noon
at ngayon. Sa pamamagitan nito, mas na-appreciate natin na balikan ang
kasaysayan at kung paano nag-marka ang mga pelikulang Pilipino noon na sa
panahong ang pag-aagam agam ay until unti nang namamatay ang pelikulang
Pilipino.
Saludo
ako sa ABS-CBN Film Restoration at Film Archives dahil bago maganap ang
nakakapanlumong desisyon ng ating gobyerno ay napanatili nilang
kaengga-engganyo sa manonood ang pelikulang maaaring nakalimutan nang ating
lipunan.
Muli,
maraming salamat ABS-CBN Film Restoration at Film Archives sa pagtitiwala sa
akin. Maraming salamat sa pag-take ng risk sa pag-restore ng mga classic
Filipino films.
Mabuhay
ang pelikulang Pilipino!
No comments:
Post a Comment