Sunday, July 19, 2020

PAGBIBIGAY PUGAY SA ABS-CBN FILM RESTORATION AT FILM ARCHIVES

Malaki ang bahagi ng ABS-CBN Film Restoration sa aking buhay bilang film enthusiast at reviewer. Mapalad na ilan sa mga naisulat ko sa aking blog ay na-feature sa Film Restoration Facebook Page. Nailathala nila ang aking film reviews sa mga sumusunod na pelikula: Magic Temple, Hihintayin Kita sa Langit, Sa Aking Mga Kamay, High School Scandal, May Minamahal, Ikaw Pa Lang Ang Minahal, Minsa'y Isang Gamu-Gamo, Mga Bilanggong Birhen at Saan Ka Man Naroroon. Nakakalungkot isipin na mawawala na ito dahil lamang sa pulitikal na kadahilanan. 

Ilan sa mga napanood kong restored version ay napanood ko muna ang orihinal na bersyon sa TV at online streamings. Ang iba naman ay mismong sa screenings na. Kaya kitang kita ang pagkakaiba. Tulad na lamang sa 'Tatlong Taong Walang Diyos" noong November 2016 na ipinalabas sa Trinoma Cinema 1. Mahirap na itong i-restore dahil kahit ang orihinal na bersyon ay mahirap ng panoorin sa taglay nitong kulay at quality lalo't 1976 pa ang pelikula.



Hindi ko makakalimutan ang screening ng restored version ng "Tatlong Taong Walang Diyos" dahil kasama ko si nanay noong buhay pa siya. Kumbaga date namin. Ito ang una kong pagdalo sa restored version screenings ng Film Restoration. Bago magsimula ang screening ay may program. "We would like to acknowledge the presence of our special guests: Angel Aquino, Ricky Davao, Lore Reyes, Mario Bautista, Mario Hernando, Isay Alvarez... Jim Paranal... (Parang may mali? Ako talaga?) Pati tuloy si nanay nagulat napasabing ,"Nabanggit pangalan mo." Naririnig ko 'yung reaksyon ng mga tao na "sino siya? The who?" Nakakagulat na banggitin pa ang pangalan ko sa special guests. Ihanay pa sa mga kilala na sa industriya samantalang amateurish kaya ang mga gawa kong film reviews. Madaming tao noon. Maingay. May mga Noranians. Pero nakakatuwang pagmasdan ang suporta nila sa kanilang idolo. Sayang hindi nakadalo si Nora Aunor sa event. (P. S. Nakasabay ko si Nora Aunor sa elevator pero sa ibang event naman.) Mahusay ang pagkaka-restore nito dahil mas malinaw na nakita ang ibang imahe sa eksena kung saan ay malabo na ito sa orihinal na bersyon. Wala ako masyadong litrato sa mga artista kasi masaya na ako makita sila saka nahiya din ako.



Pangalawa sa hindi ko makakalimutan ay ang "Magic Temple" na ipinalabas sa Rockwell Powerplant Mall Cinema noong December 2016. Ibinalik ng restored version screening ang "childhood" ng batang 90's tulad ko. Nakakatuwang dumalo at makitang muli sa event ang mga bidang bata na ang iba ay may mga pamilya na. Dumalo din ang mga filmmakers nito at iba pang tao sa likod ng produksyon. Ang naisulat ko sa blog na film review nito ang pinakaunang nailathala sa Film Restoration Page. 



Pangatlo ang "Hihintayin Kita sa Langit" na ipinalabas sa Glorietta Cinema noong 2017. Grabe ang experience na panoorin ang restored version kasi maingay ang CharDawn fans na natatawa na lang kami pag may nanaway o nagpapatigil sa tumitili at kinikilig. Muli na-feature sa Film Restoration page ang aking naisulat sa blog.


Pang-apat ang "Ikaw Pa Lang ang Minahal" na ipinalabas naman sa Trinoma Cinema noong 2018. Hindi ko makakalimutan ito dahil napanood ko ang orihinal na bersyon nito na may pagka-orangey sa video. At siyempre, gusto ko kasi makita si Maricel Soriano sa personal dahil isa siya sa paborito kong aktres noong bata bata pa ako. Masaya ako na nakita ko si Maricel. Ang ganda ng pagkakarestore nito. Lalong vivid at luscious ang kulay nito. Lumitaw lalo ang ganda ng diamond star sa pelikula.




Pang-lima ang "Mga Bilanggong Birhen" noong 2019 na ipinalabas sa Cinema '76. Dalawa sa kasama ko sa Third World Cinema Club, sina DJ at Princess, ang katabi ko sa panonood nito. Excited ako mapanood ito dahil naku-curious ako bakit "Bilanggong Birhen" ang pamagat nito saka di ko pa din napapanood ang pelikula. Magaling din ang pagkaka-restore. 

Marami pang kwento sa bawat pagdalo ng restored version screenings. Nandyan ang kasama ko ang bestfriend ko noong manood kami ng "Don't Give Up On Us" at "Saan Ka Man Naroroon" restored version screenings. "Sa Aking Mga Kamay", "High School Scandal", "Moral", "Karma", "Tag-Ulan sa Tag-Araw", "Langis at Tubig", "May Minamahal", "Minsa'y Isang Gamu-Gamo" at "Nagalit ang Buwan sa Haba ng Gabi" na iba iba din ang experience sa panonood. Aabangan mo talaga ang mga susunod na screenings ng restored versions at kung anong pelikula ang kanilang irerestore.

Maganda ang naging initiative ng ABS-CBN Film Archives at Film Restoration dahil muling binuhay nito ang mga pelikulang wala na sa kamalayan ng henerasyon ngayon. 

Higit sa makakita ng artista, masarap sa pakiramdam na muling mapapanood ang mga classic Filipino movies na digitally restored at remastered. Masaya din malaman ang trivia sa mga pelikula pati ang behind the scenes kung ilang oras ginawa ang pag-restore.

Habang pinakikinggan ko ito, isa lamang ang patunay na hindi magaling mag-preserve ng mga lumang pelikula ang Pilipinas. Hindi din maayos ang archiving system natin. Maaaring may kakulangan sa prodyuser ng pelikula ngunit mas dapat na may pagpapahalaga dito ang ating pamahalaan. Bahagi ng ating kultura ang pelikulang Pilipino.

Malaki ang kontribusyon sa sining at kultura sa pag-restore ng mga mahahalagang pelikulang Pilipino dahil dito natin nakikita ang pagkakaiba ng produksyon noon at ngayon. Sa pamamagitan nito, mas na-appreciate natin na balikan ang kasaysayan at kung paano nag-marka ang mga pelikulang Pilipino noon na sa panahong ang pag-aagam agam ay until unti nang namamatay ang pelikulang Pilipino.

Saludo ako sa ABS-CBN Film Restoration at Film Archives dahil bago maganap ang nakakapanlumong desisyon ng ating gobyerno ay napanatili nilang kaengga-engganyo sa manonood ang pelikulang maaaring nakalimutan nang ating lipunan.

Muli, maraming salamat ABS-CBN Film Restoration at Film Archives sa pagtitiwala sa akin. Maraming salamat sa pag-take ng risk sa pag-restore ng mga classic Filipino films.

Mabuhay ang pelikulang Pilipino!

Friday, May 8, 2020

LARUANG LALAKE (CENSORED DREAMS) at ANG LARO NG BUHAY NI JUAN


Bong (Mon Confiado): Sinong paborito mong artista?

Ruel (GA Villafuerte): Maricel Soriano and Jaclyn Jose po.

Bong (Mon Confiado): Bakit gusto mong mag-artista, Samuel?


Samuel (Arjay Carreon): Idolo ko po kasi si Coco Martin po.


Bong (Mon Confiado): Kaya mo ba ang ginagawa niya gaya ng pagpapa-sexy?

"Alam mo naman sa international, mahilig sa mga titi"

Maganda ang pelikulang Laruang Lalake. Huwag magpadala sa pamagat ng pelikula. Kaya naman meron itong alternate na title "Censored Dreams". Film within a film ito. Mahusay na pinakita ng pelikula kung paano ginagawa ang mga low budget films ng umusbong noon ang pink films. Mahusay ang mga aktor na sina Richard Quan bilang Wilfred, ang direktor na gagawin ang lahat para maitawid ang kanyang pelikula at Mon Confiado bilang Bong, ang producer na gustong makalikha ng indie dahil hindi na kumikita ang kanyang bar. Nandyan naman si Samuel (Arjay Carreon) na sa dala ng kahirapan lahat ay gagawin para matanggap sa indie film. Samantalang si PJ (Marco Morales) naman ay isang nagbabalik indie actor na para sa kanya ay nakalimutan na siya ng ibang producer kaya gusto niyang maging bida sa isang indie film na pinamagatang "Laruang Lalaki". Sila ay halimbawa ng mga struggling actors.

Tulad sa pelikulang "Ang Laro ng Buhay ni Juan" na siya ring pelikula ni direk Jay, ipinakita sa pelikula na kahirapan ang nag-uudyok sa bidang tauhan na makipagsapalaran sa siyudad na sa bandang huli ay mas mahirap pa pala kesa sa probinsiya. Ang kinaibahan naman sa "Laruang Lalaki" ay ipinakita sa atin ang mundo sa likod ng kamera sa paggawa ng indie film partikular ang pink films. May mga eksena na pinapakita ang realidad sa indie filmmaking tulad ng gipit sa budget at ang pagpataw ng X-rating sa pelikulang may kontrobersyal na tema.

Sa panimula at huling eksena naman ay maaaring maikumpara ito sa pelikulang "Pretty Woman". Kung sa Pretty Woman, may isang lalaking nagsasabi ng "Welcome to Hollywood. What's your Dream?" Dito naman sa Laruang Lalaki sa katauhan ni Yda Yaneza ay inaalala niya ang old glory days ng Golden Age of Philippine Cinema. "Huwag kang male-late kasi baka magalit si Bernal."

Makikita din sa pelikula na kahit saglit lamang ay nagmarka ang pag-arte ni GA Villafuerte bilang aktor na nagbabakasakali sa audition. 

Mahusay ang pagkakalikha sa satirikal na pelikulang ito.

ANG LARO NG BUHAY NI JUAN (2009)


Ito ang pelikulang ginawa ni direk Joselito "Jay" Altarejos kasabay ng "Ang Lihim ni Antonio" at "Kambyo". Kwento ito ni Juan (Ray-An Dulay) na nangarap ng magandang buhay sa Maynila galing sa probinsya na sa huli'y nabigo kaya uuwi pabalik sa probinsiya. Madaming tinalakay sa pelikula tulad ng kahirapan (poverty), maliit na mundong ginagalawan ng same-sex couple (Ray-An at Nico Antonio) at kung paano sila tingnan ng lipunan. Ang masaklap pa nito ay nakapagtapos ng pag-aaral si Juan ngunit hindi nabigyan ng oportunidad. Ipinakita din sa pelikula ang mga napakong pangako ng pulitiko at hanggang saan at hanggang ano ang kayang gawin ng isang taong mahigpit ang pangangailangan sa buhay.

Thursday, March 12, 2020

I STILL BELIEVE



Aaminin kong mas gusto ko ang "I Can Only Imagine" (2018) kesa "I Still Believe". Mixed feelings ako while watching this film.

Akala ko nga binase sa version ng kanta ni Mariah Carey. Char.

Ako lang din mag-isang nanood sa sinehan.

Mas napansin kong magaling si Britt Robertson as Melissa Hennings. May nabigyan siya ng moments to showcase her acting. Kay AJ Apa naman kasi naapektuhan ang performance sa pagkakasulat ng character niya. Para kang nanood ng leading man sa chick flicks.

May mga moments sa pelikulang natatawa ako dahil ba ang gumanap na nanay ni Jeremy ay si Shania Twain at tatay si Gary Sinise?

Isang gusto kong part sa film ay nag-usap ang mag-ama tungkol sa unanswered prayers at disappointments sa buhay.

Ang pansin ko perfect ang pagkakaportray kay Jeremy Camp dahil ba okay ang family background niya? Kumbaga, goody goody siya. To the point na too good to be true. At di pinakita masyado kung nag-struggle ba siya as an artist. Sa "I Can Only Imagine" kasi pinakita 'yun. Nahirapan as singer si Bart Millard na lead ng MercyMe.

Sa huli na lang pinakita ang struggle na I felt rushed ang pagkakaexecute.

Siguro dahil mas tinutukan ang kwento ng love story nila Melissa at Jeremy. At mas pinakita ang painful moments ni Melissa.

IMO, may part sa movie na nakukulangan ako... Nahahabaan ako... Nabilisan sa huli... 

May mga napanood naman akong faith-based films maski biopic ng musicians. 
Kaya ito okay naman ang level. 

Sa una, chill lang kilig kilig. Then, tearjerker romance parang "A Walk to Remember".


Friday, February 7, 2020

ON VODKAS, BEERS AND REGRETS



Sa una, maaaring maikumpara ang "On Vodkas, Beers and Regrets" (2020) sa pelikulang "When a Man Loves a Woman" (1994) na pinagbidahan ni Meg Ryan. Sa nasabing pelikula, kasal si Alice Green (Meg Ryan) sa pilotong si Michael (Andy Garcia). Natuklasan ng huli na alcoholic ang kanyang asawa. Sa una, in denial hanggang nawalan ng kontrol si Alice sa kanyang addiction. Kaya noong isang beses na hindi niya sinadyang masaktan ang anak dahil lango siya sa alak ay naisipan niyang magpa-rehab at dumalo sa AA (Alcoholic Anonymous).

Magkaiba ang approach at style kung paano pinakita ang alcoholism sa "When a Man Loves a Woman" at "On Vodkas, Beers and Regrets" pero parehas naman itong matapang na ipinakita sa atin na ang babae ay maaaring maging alcoholic. Dahil sa ating lipunan ay mas sanay tayo na makita ang isyu ng alcoholism sa mga kalalakihan.

Sa "On Vodkas, Beers and Regrets", si Jane (Bela Padilla) ay isang artistang tinuturing na "difficult to work with" dahil alcoholic siya. Idagdag pa ang emotional baggage na kitang kita sa kanyang behavior. Hindi handang mapatawad ni Jane ang bahagi ng kanyang nakaraan tulad ng masaksihan niya ang kanyang ama na alcoholic.

Sa kabilang banda, si Francis (JC Santos) naman ang katumbas ni Michael (Andy Garcia). Ang maunawaing boyfriend ni Jane. Nakilala ni Jane si Francis dahil siya ang bokalista ng banda kung saan madalas tumambay ang dalaga at uminom. Magiging hadlang ba ang kalagayan ni Jane sa pagmamahalan nila ni Francis? Hanggang kailan maiintindihan ni Francis ang sitwasyon ni Jane?

Sa pelikulang Pilipino, maalala tulad sa pelikulang Magnifico (2003) ang karakter ni Celia Rodriguez o kaya ang karakter ni Dina Bonnevie sa Sana'y Wala Nang Wakas (1986) na maaaring maging lango sa alak ang isang babae. Kadalasan ay supporting characters sila. Dito naman sa "On Vodkas...", bida ang alcoholic na babae.

Sa pangatlong pagkakataon, muling nagsama sina Bela Padilla at JC Santos bilang love team sa pelikulang ito. Mas kilala silang love team sa naging pelikula nila kay direk Jason Paul Laxamana. Unang nagsama sina JC at Bella bilang tambalan sa "100 Tula Para Kay Stella" at "The Day After Valentines".

Ngayon naman ay si Irene Emma Villamor ang kanilang direktor. Nakilala naman si direk Irene sa kanyang mahusay na pagsulat at direksyon sa "Meet Me in St. Gallen" (2018) at "Sid and Aya: Not a Love Story" (2018).

Hindi ka madi-disappoint sa mga pelikula ni direk Irene Villamor. Muli niyang napatunayan sa "On Vodkas, Beers and Regrets" na isa siya sa mga direktor na dapat abangan ang kanyang mga pelikula. Mahusay ang kanyang direksyon pati ang screenplay. Magaling din ang sinematograpiya at shots ng pelikula. May mga bahagi sa shots tulad sa paglalakad ni Jane habang lasing ay 
naimpluwensiyahan ng ibang Asian cinema.

Napakahusay ni Bela Padilla sa kanyang pagganap bilang Jane. Gayundin naman si JC Santos bilang Francis. Kung sa "100 Tula para kay Stella", nagalingan ako kay JC dahil siya ang puso ng pelikula. Ngayon naman sa "On Vodkas, Beers and Regrets" ay inangkin ni Bela ang pelikulang ito. Kahit maaga pa, hindi na ako magtataka kung ma-nominado si Bela Padilla for Best Actress sa award-giving bodies. Tulad sa mga nakaraang pagganap ni JC Santos, embodied niya ang pagiging "soft boy".

Maganda ang pelikulang "On Vodkas, Beers and Regrets". Wag palampasin.

Monday, January 27, 2020

VICE GANDA: ANG ARTISTANG BUMAGO SA DEKADA 2010


                                              Kuha mula sa IG @praybeytbenjamin

Naimbitahan ako sa PinoyRebyu upang kilalanin ang Filipino Film Person of the Decade 2010.

Isang tao ang nasa isip ko at iyon ay si Vice Ganda.

Kung nais basahin ang bahagi ng aking komentaryo sa PinoyRebyu. Narito ang link:

https://pinoyrebyu.wordpress.com/2020/01/26/filipino-film-person-of-the-decade/

Hindi maikakaila na si Jose Mari Viceral o mas tanyag sa pangalang Vice Ganda ang namayagpag sa pelikulang Pilipino sa nagdaang dekada 2010. Sino ang mag-aakalang isang bakla ang magiging box-office darling sa nagdaang dekada? Siya lang naman ang bida sa mga pelikula niya kung saan nabigyang pagkakataon ang bakla para magkaroon ng puwang hindi lang sa napapanood natin pati na din sa lipunang ating ginagalawan. Dati rati ang mga bakla ay confidante o supporting o di kaya ay negatibo ang pagganap sa pelikula.

Nakita muna si Vice bilang extra o supporting sa mga pelikulang Apat Dapat, Dapat Apat (2007), Condo (2008), In My Life (2009) at Hating Kapatid (2010). Sa larangan ng telebisyon, magsimula din si Vice bilang extra o supporting sa TV shows na "Maging Sino Ka Man" (2007) at "Dyosa" (2008). Nagbigay daan upang mas makilala si Vice sa noontime show na "It's Showtime" (2009-present). Mula sa pagiging hurado o judge na naging regular na hurado hanggang sa maging host na mismo ng programa. 

Unang nagbida si Vice Ganda sa remake ng "Petrang Kabayo" (2010). Pinagbidahan ni Roderick Paulate ang orihinal na Petrang Kabayo. Sa nabanggit na launching movie ni Vice ay nagsimula ang collaboration nilang dalawa ni late direk Wenn Deramas. Sinundan ito ng "The Unkabogable Praybeyt Benjamin" (2011) na maaaring kumuha ng inspirasyon sa pelikulang "Private Benjamin" (1980) ni Goldie Hawn. Tumabo ito sa takilya. 

2012, dalawang pelikula ang kasama si Vice Ganda. Una, ang "This Guy's is in love with you, Mare" kung saan nakasama niya sila Toni Gonzaga at Luis Manzano. Kasunod naman nito, ang una niyang MMFF entry na "Sisterakas" kasama sina Kris Aquino, Ai-Ai Delas Alas, Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

Hanggang sa bawat taon ay pasok sa MMFF ang mga pelikula na bida siya. Sa "Girl, Boy, Bakla, Tomboy" (2013), gumanap siya na quadruplets. Nakasama niya si Maricel Soriano bilang kanyang ina. Naging kontrobersyal din ang pagkapanalo ni Vice bilang Best Actor of the Year sa PMPC Star Awards for Movies. 

2014 naman ng gawin niya ang sequel na "The Amazing Praybeyt Benjamin". Muli, napasama ang pelikulang ito sa MMFF. "Beauty and the Beastie" naman ang MMFF entry ni Vice Ganda noong 2015. Nakasama niya dito sina Coco Martin, James Reid at Nadine Lustre. Ito ang huling pelikulang ginawa ni Vice Ganda na dinirek ni Wenn Deramas dahil ilang buwan lamang ay yumao ang huli.

Nagkaroon ng pagbabago sa MMFF noong 2016. Kaya naman hindi napasali ang pelikula niyang "Super Parental Guardians" kung saan muli niyang nakasama si Coco Martin. Si Joyce Bernal naman ang nagdirek ng pelikulang ito. Subalit, hindi napigil ang pagdagsa ng tao sa sinehan ng ipalabas ito bago ang MMFF.

Muling bumalik si Vice sa MMFF noong 2017 sa pelikulang "Gandarrapido: The Revenger Squad" kung saan nakasama niyang muli si Daniel Padilla at dinirek ni Bb. Joyce Bernal.

"Fantastica" naman ang pelikulang nilahok ni Vice para sa MMFF na dinirek ni Barry Gonzales noong 2018. Kasama niya sa pelikula sina Jaclyn Jose, Dingdong Dantes at Richard Gutierrez. At sa 2019, muli dinirek ni Barry Gonzales si Vice Ganda kasama si Anne Curtis sa "The Mall, The Merrier".

Lahat ng pelikula ni Vice Ganda ay tinangkilik ng masa. Patunay na isa siyang bankable actor. Sa kabila nito, critical failure o flop ang kanyang mga pelikula. Umaani ng batikos mula sa kritiko ang tema at offensive jokes sa kanyang mga pelikula. Napapansing parang extension ng kanyang noontime show o kanyang karanasan sa comedy bar ang kanyang pagpapatawa. Sa comedy, maituturing na pinaghalong sarcastic at slapstick comedy ang kanyang linya. Maimpluwensiya din si Vice dahil malakas ang impact niya sa ating lipunan pati sa mga kabataang manonood.

Tunay ngang binago ni Vice ang tingin natin hindi lamang ang telebisyon pati sa pelikulang Pilipino. Binago ni Vice Ganda ang ating viewing experience sa ayaw man natin o hindi.

Sunday, January 19, 2020

KALEL, 15




“Pati ba naman pagko-condom, pinakikialaman ninyo?”

“Jakol tayo.”

“Bakla lang nagkakaroon ng ganyan. Bakla ka ba?”

Isa sa pinakamahusay na pelikula ng taong 2019 ang "Kalel, 15".

Si Kalel (Elijah Canlas), 15, ay anak ng isang pari na sa murang edad ay nagkaroon ng HIV. 

Ang binata ay repleksyon ng isang fatherless generation.

Neglected at abandoned siya ng kanyang magulang lalo ng kanyang ama kaya naman kitang kita sa kanyang desisyon, kilos, salita at kaisipan ng binata. Hindi emotional available ang parehas na ama at ina ni Kalel (Eddie Garcia at Jaclyn Jose) para sa kanya. Kaya kitang kita din na kulang sa gabay, marupok at mapusok si Kalel. Ito ang mga dahilan ng kanyang insecurities.

Gumawa pa ng alter account ang binata at nasa masalimuot ding relasyon sa kanyang nobyang si Sue (Gabby Padilla) para mapunan ang kakulangan na ipadama ang pagmamahal sa tahanan. Masaklap pa nito ay nag-desisyon ang kanyang inang si Judith (Jaclyn Jose) na iwan ang magkapatid na Kalel at Ruth (Elora Españo) dahil sa isang lalaki. Idagdag pa ang kanyang ateng si Ruth na kahit pa hindi showy sa pagmamahal niya kay Kalel ay nalulong naman sa droga dahil na rin sa impluwensiya ng nobyo nito.

Hindi din malinaw kung paano nakuha ni Kalel ang HIV. Sa mga huling sandali ng pelikula ay dama mo ang galit ng binata sa mundo mula ng traydurin siya ng mga kaibigan niya, husgahan siya sa kanyang Catholic school hanggang sa itakwil siya harap-harapan ng kanyang amang pari.

Mahusay ang lahat ng aktor mula sa bidang si Elijah Canlas at supporting actors Jaclyn Jose, Elora Españo, Gabby Padilla, Dylan Ray Talon, Cedrick Juan, Timothy Castillo at isa sa mga huling pagganap ni Eddie Garcia bago siya pumanaw.

Magaling ang paggamit ng black and white pati ang cinematography. Mahusay din ang screenplay pati ang direksyon ni Jun Lana.


MIRACLE IN CELL NO. 7 and WRITE ABOUT LOVE



Okay naman itong remake ng "Miracle in Cell No. 7" na Filipino version kaso nothing beats the original talaga. Hanga ako na gumagawa ng Filipino version o remake ang Viva Films tulad ng ginawa nila last year ang MISS GRANNY na parehas Korea ang unang gumawa.

Mahusay ang mga supporting actors lalo na sina JC Santos at John Arcilla. Si JC Santos ang nagdadala ng comedy part. Sa drama, si John Arcilla naman. Kumbaga malaki ang tulong ng supporting actors. Isama na natin sina Joel Torre, Soliman Cruz, Mon Confiado at Jojit Lorenzo. Magaling din si Xia Vigor. Bumagay din na si Bela Padilla ang gumanap na adult Yesha.

Agree ako sa points ng isang kakilala kong film critic:
1. Malinis ang selda at parang cozy ang dating. (Halatang prod design. Siguro dahil it's an attempt na maging faithful sa original movie at di pinayagan baguhin masyado.)
IMO, kung hanap mo ang pelikula na dama at ma-appreciate ang prod design na preso, ang naiisip ko ay "Bulaklak sa City Jail" (1984) at "Best. Partee. Ever." (2016).

2. Inconsistent ang portrayal ni Aga Muhlach pero sa huling part ng pelikula ay bumawi si Aga kasi nakakaiyak siya doon.

Ang iniisip ko what if ang gumanap na Joselito/Lito ay si John Arcilla o si Soliman Cruz?


Nakakatuwa lang na last full show ang naabutan ko pero puno ang sinehan. Malakas ang tawanan pag comedy. Pag drama, ramdam na nanahimik ang mga tao. Though, yung iba nakatulog kasi siguro dahil LFS na ito.


Sa mga bakla jokes, kahit off ay naalala ko sina Gary Lim at JC Santos sa indie film na kasama sila ang "Esprit De Corps" (2014).


"Kung hindi ka takot masaktan, bakit takot kang magmahal?"

"People who love are capable of hurting."

"Ang tunay na pagmamahal hindi mabubuo kung di mo naranasang masaktan."

Sana ito ang nag-Best Picture sa MMFF 2019. Nagandahan ako sa pelikula.

Kapag TBA Studios ang gumawa ng romance films, whether rom com or romance drama tulad ng "I'm Drunk I Love You" at "Kung Paano Siya Nawala", dama ang naiibang style at treatment sa filmmaking.

Film within a film ang "Write About Love".

Nakakatuwang manood ng pelikula tungkol sa proseso at pagbuo sa pagsusulat ng script. Mula sa pitching, paano ang development ng pagsusulat ng script... sa characters... ano ang strength at opportunities ng co-writing... at marami pang iba. Ipinakita na masalimuot din ang pagsusulat. Nakakatuwa ang sinabi ni Marco (Rocco Nacino) tungkol sa revisions.

Nakakamiss mapanood si Rocco Nacino. Nagagalingan kasi ako sa kanya sa "Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa". Pero, bakit parang naririnig ko si Paulo Avelino sa boses ni Rocco Nacino sa pelikulang ito? May mga moments na nakakakilig sina Miles Ocampo at Rocco bilang Joyce at Marco. Ang napansin ko ay reunion movie ito nila Yeng Constantino at Felix Roco na nagkasama sa 2013 Cinema One Originals film na "Shift". Kung sa "Shift", ang character ni Yeng ay umasa kay Felix. Dito sa "Write About Love" baligtad naman, si Felix ang umasa kay Yeng.