Tuesday, April 1, 2025

KAILAN KA MAGIGING AKIN


Hango sa serialized radio drama na "Anak ko", 
ang pelikulang "Kailan ka magiging akin".
Kabilang ito sa Manila Film Festival noong 1991.
Dito unang nakamit ni Janice De Belen ang kanyang acting award 
bilang Best Actress.
 
Si Dolor (Janice De Belen) ay isang komadronang nagpaanak kay Shirley (Gina Alajar).
Lingid sa kaalaman niya na may napagkasunduan sina Ben (Julio Diaz), asawa ni Shirley,
at Adul (Vivian Velez) na matapos manganak ni Shirley
ay kukunin nito ang sanggol at binigyan ng pangalang Mariel.
 
Dahil na rin sa kahirapan sa buhay at hindi niya dugo't laman ang bata,
agad na napapayag si Ben ni Adul na ibenta ang sanggol.
Suportado naman ni Jaime (Eddie Gutierrez) ang kanyang pinsang si Adul
sa pagkuha kay Mariel sa pag-aakalang nais lamang ng huli na magkaroon muli ng anak.
 
Sa kabilang banda, hindi pa rin lubusang mapatawad ni Laila (Charo Santos), asawa ni Jaime, ang kanyang sinapit na hindi na muling magkakaanak matapos malaglag ang dinadala sa kanyang sinapupunan. Si Tess (Carmina Villaroel) ay ampon ng mag-asawang Jaime at Laila na dinala ni Adul sa kanilang tahanan. Labis ang pagdurusa ni Tess kay Laila sapagkat pinapaalala sa huli ang masakit niyang nakaraan. 


Nakiusap si Adul kanila Laila at Jaime na alagaan pansamantala si Mariel sapagkat nahihirapan siyang asikasuhin ang mga papeles para mailabas ng bansa ang sanggol. 
Ayaw pumayag ni Laila samantalang si Jaime 
ay kinuhang tagapag-alaga o babysitter si Dolor. 
Tuluyang umalis ng bansa si Adul at iniwan ang bata matapos mamroblema sa pagaasikaso ng mga papeles ni Mariel dahil denied ang visa ng huli. 
 
Si Ramir (Gabby Concepcion) naman ay nobyo ni Dolor na nag-aaral ng pag-aabogasya. Napapansing ng binate na mas binibigyang halaga ng dalaga ang kanyang alagang sanggol. Kaya nagtampo ito matapos mas piliin ni Dolor ang bata ng matapos silang palayasin ni Laila. Ito ang naging dahilan upang magkaroon ng relasyon si Ramir sa kanyang dalubgurong si Lyn (Cherry Pie Picache). 
 
'Di kalauna'y mapapamahal si Mariel (Lady Lee) kay Laila. Ngunit sa muling pagbabalik ni Adul makalipas ang ilang taon, nais niyang kunin si Mariel. Malalaman naman ni Dolor ang maitim na balak ni Adul kay Mariel. 
 
Makailang ulit na rin gumawa ng pelikulang hango sa serialized radio drama tulad ng "Kailan mahuhugasan ang kasalanan" (1989) at "Kapag langit ang humatol" (1990) ang defunct na ngayong produksyon na Vision Films. 
 
Si Chito Roño naman ay ilang beses na din lumikha ng mga pagsasapelikula o adaptation sa mga akdang pampanitikan o 'di kaya'y remake tulad ng "Patayin sa sindak si Barbara" (1995), "Bata, bata paano ka ginawa?" (1998), "Dekada '70" (2002) at "Mga kaibigan ni Mama Susan" (2023). 
 
Ang pelikulang "Kailan ka magiging akin" ay kabilang sa mga dramang ginawa ni Direk Chito noong 90's. Naunang magkatrabaho sina Chito at Janice De Belen sa pelikulang "Bakit kay tagal ng sandali?" (1990). Samantalang sina Vivian Velez, Julio Diaz at Direk Chito naman ay ginawa ang pelikulang "Kasalanan bang sambahin ka?" (1990) na itinuturing na Pinoy version ng pelikulang "Fatal Attraction" (1987). 
 
Going back sa pelikula, given na serialized radio drama ang source, 
kitang-kita ang pagkakaiba sa screen. 
Kung sa radio drama ay mas detalyado tulad ng pagbanggit sa paglapit ng kotse sa tauhan at mas makapangyarihan ang paggamit ng tunog at musika, sa pelikula naman ay fast paced dahil kailangan makita sa screen ang progression ng mga pangyayari. Kaya habang pinapanood ang pelikula ay mapapansing maraming nangyayari dito. Nagsimula sa melodrama, naging crime thriller at sa huli ay courtroom drama. Pero kahit pa ganoon, dito natunghayan ang husay ng direksyon ni Roño dahil kahit pa mahirap isapelikula ang isang serialized radio drama ay satisfying ang pag-land ng mga tonal shifts. Product of its time ding maituturing ang pelikula sa paggamit ng musika, tunog pati sa paggamit ng wika at balarila. Child trafficking ang isa sa mga isyu na tinalakay sa pelikulang ito na nangyayari sa Olongapo. Pinalabas ang pelikulang ito ilang buwan bago pormal na ibinalik ng Amerika sa Pilipinas ang Clark air force base.
 
Patunay na "master of suspense" si Chito Roño sa kanyang pag-direk
ng mga makapigil hiningang eksena
lalong lalo na sa chase scene nina Dolor (Janice De Belen),
Mariel (Lady Lee), at Adul (Vivian Velez) sa Robinsons Galleria. 
 
Kung meron na noong parangal para sa best ensemble, 
dapat nakamit ito ng mga aktor at aktres ng pelikulang ito 
dahil sa kanilang mahusay na pagganap. 
 
Mahahanay ang karakter ni Charo Santos na si Laila sa ibang cold characters na kanyang ginampanan noon tulad na lamang sa mga pelikulang "Brutal" (1980), "Hindi mo ako kayang tapakan" (1984), "Paano kung wala ka na?" (1987) at "Gumapang ka sa lusak" (1990).
 
Samantala, impressive ang over-the-top performance ni Vivian Velez bilang Adul.
Parang extension ng kanyang karakter sa pelikulang "Kasalanan bang sambahin ka?"
May mga eksena na kapag naghaharap sina Jaime at Adul ay kapansin-pansin ang subtext na maaaring isiping incestuous ang kanilang relasyon.
 
At kahit sa murang edad, mahusay din si Lady Lee bilang Mariel. 
 
Kabilang ang "Kailan ka magiging akin" sa A-Rewind 
na partnership ng Ayala cinemas 
at ABS-CBN Sagip Pelikula. 
Ipapalabas ang digitally scanned and enhanced version ng "Kailan ka magiging aking akin" 
at "Tatlong ina, isang anak" sa mga piling Ayala cinemas mula Abril 9 hanggang 13, 2025. 


No comments:

Post a Comment