Monday, June 24, 2019

INTERVIEW PARA SA TESIS UKOL SA PAGSUSURI NG REPRESENTASYON NG MGA SINGLE MOTHER SA PELIKULANG PILIPINO




Nais kong ibahagi ang interview kung saan ako inimbitahan upang suriin ang representasyon ng single mother sa pelikulang Pilipino:

1. Tanong ng interviewer: Sa mga pelikula ni Ai-Ai delas Alas na Ang tanging ina (2003), Ang cute ng ina mo (2007), Pasukob (2007), Ang tanging ina niyong lahat (2008), Ang tanging ina mo: Last na ‘to! (2010), Enteng ng ina mo (2011), Sisterakas (2012); at Bes and the beshies (2017), na may karakter na single mother, ano po ang masasabi ninyo sa pagrerepresenta sa mga single mother? 

Sagot: Sa mga nabanggit na pelikula lalo na sa Ang Tanging Ina movie series na kalaunan ay nagkaroon din ng TV series, ipinakita ng karakter ni Ai-Ai Delas Alas na kahit pa siya ay single mother dahil namatay ang mga naging asawa niya ay handa siyang magsakripisyo at mabigyan ng magandang buhay ang kanyang mga anak. Ang kanyang karakter na si Ina ay pinasok ang iba't ibang trabaho at ginawa ang lahat upang buhayin ang mga anak niya. Dumating sa punto na pati pulitika ay pinasok na ni Ina hanggang sa isuko niya ito para lamang sa pamilya. Matapang, palaban at determinado sa buhay ang ginampanang papel ni Ai-Ai Delas Alas. 

2. Tanong ng interviewer: Ano ang kadalasang pattern sa mga katangian at karanasan o estereotipo ng mga ina na ipinapakita sa mga pelikulang Pilipino? 






Sagot: Sa mga pelikulang tulad ng Separada (1994), Minsan Lamang Magmamahal (1997) at Abandonada (2000) na pinagbibidahan ni Maricel Soriano, Batang PX (1997) kasama si Zsa Zsa Padilla at Nang Iniwan Mo Ako (1997) ni Sharon Cuneta, madalas ay iniiwan o ipinagpapalit sa ibang babae o hiwalay sa kanilang asawa ang dahilan ng mga pangunahing tauhan na babae sa kanilang pagiging single mother. Dito pumapasok ang motivation ng character na kailangan niyang buhayin ang kanyang anak na mag-isa. Kailangan din nilang patunayan na kaya nilang alagaan ang kanilang sarili upang patunayan sa mga asawang sila'y iniwan na kaya nilang mabuhay mag-isa kahit walang karamay sa buhay.

3. Tanong ng Interviewer: Sa tingin po ba ninyo ay makatarungan ang ganitong representasyon sa mga ina o single mother sa mga pelikulang ito? Ano ang mga positibo at negatibong representasyon nito? 






Sagot: Para sa akin, makatarungan at positibo naman ang depiction ng mga kababaihan o mga babaeng pangunahing tauhan sa mga pelikulang nabanggit. Sa mga pelikulang ito mas dama ang feminismo. Mas nakikita na hindi lamang gawaing bahay ang kaya ng kababaihan kaya rin niyang magtrabaho para sa sarili at kanyang anak. Hindi rin siya umaasa kung tutulungan pa siya ng kanyang asawa o nobyo niya. Nagiging independent at empowered siya dahil sa kanyang sitwasyon. Sa kabilang banda, sa palagay ko, ang negatibong representasyon sa mga pelikulang ito ay ang kahinaan ng mga lalaki sa temptasyon o di kaya'y hindi na bukas ang puso ng babae sa mga eksternal at internal na dahilan ng mga asawa nila sa pelikula. 

4. Tanong ng interviewer: Ano po kaya ang mga posibleng dahilan ng pagpapakita ng ganitong imahen ng mga ina sa mga pelikula?

Sagot: Sa aking palagay, ibinabase ng mga manunulat ng mga pelikulang ito ang karanasan ng kanilang mga malalapit sa buhay tulad ng mga kaibigan o kakikilala. Kaya dito sila humuhugot ng inspirasyon upang isulat ang mga ganitong kwento. Maaaring may pagkakahalintulad ang mga ina sa Pilipinas na ating napapanood sa pelikulang Pilipino at sa ibang bansa. Iisa lang ang nagpapatunay dito sa pagiging ina mapa-single mother man o hindi... Ang isang ina ay isang babae. 

5. Tanong ng interviewer: Paano po kaya mas mapapaunlad ang pagrerepresenta sa mga ina o mga single mother sa pelikula?

Sagot: Sa mga nakalipas na panahon sa pelikulang Pilipino, iba-iba na rin ang depiction ng pagiging isang ina. Kung dati-rati madalas ay martir o di kaya'y mapagmahal o babae lamang ang isang ina, ngayon naman ay may mga depiction ng isang ina na taliwas sa nakaugalian. Kamakailan lamang sa Cinema One Originals, itinampok ang pelikulang "Mamu; and a Mother too". Ipinakita sa pelikulang ito ang isang transgender woman na nagsilbing ina ng kanyang pamangkin na walang magulang. Sa katatapos lamang na Sinag Maynila, si Marie (Angela Cortez) sa pelikulang "Jino To Mari (Gino and Marie) ay isang single mother ay pinasok ang isang trabaho na niyurakan ang kanyang dangal dahil sa pagmamahal sa kanyang anak. Sa aking palagay, hindi lamang nasusukat sa kasarian ang pagiging isang ina. Ito ay nagiging mas matibay kung nagagampanan ba nang isang ina ang kanyang responsibilidad at kaya niya bang harapin ang hamon ng buhay kung siya ba ay nasa iba't ibang sitwasyon o circumstances ng buhay. Idagdag pa kung mas nagkaroon din siya ng pagpapahalaga sa kanyang sarili bago magmahal ng iba. Iyon, sa aking tingin, ang dapat isaalang-alang upang mapaunlad ang pagrerepresenta ng isang single mother o ina sa pelikulang Pilipino.