Tuesday, September 17, 2019

LSS (LAST SONG SYNDROME)





LSS o tawagin nating "Zack and Sarah's Infinite Playlist".

Kasama ko ang bestfriend ko manood nitong pelikula. Hindi niya nagustuhan. Ako, okay naman. Lista ko na lang ang parts na parehas namin hindi nagustuhan sa movie, interesting parts at napansin. Una muna ang hindi namin nagustuhan at napansin:

1. Gabbi Garcia's miscast at acting. Siguro if si Glaiza De Castro, Anna Luna o Gabby Padilla ang gumanap, ibang level siguro ito. (Parehas kami ni bff sa opinyon. Sabi ni bff, kung si Glaiza iba dapat ang leading man.)

2. Parehas namin na ayaw ni bff. Eksena sa bus na nagkasundo agad dahil sa music. Paano po kung pangit, let's say si Sarah o Zack? Saka in reality, hindi ganito. So, pokmaru pala dahil ba ito sa matinding traffic sa EDSA at C-5? Charot! (Pelikula ito at fictional kaya pinagbigyan ko pero iyong bestfriend ko di talaga natutuwa).

3. Confrontation scene nila Tuesday Vargas, Khalil Ramos at Bernard Palanca. ('Yong bestfriend ko nagreact, anong nangyayari? Out of place ata. Ako naman, may na-out of place).

4. Last scene sa Wanderlast, uy "Begin Again" meets "The Love of Siam" ang peg. Teka, nag-I Love You si Khalil tapos narinig ni Gabbi at nag-I Love You too. Maingay at maraming tao sa music festival. May telepathy po si Virginia P. este Sarah P.? Akala ko The Rape of Virginia P. Sandali, Miss Granny? (Parehas namin napansin ni bff)

5. Anachromism (Napansin ko): Habang naghahanap sa online streaming channel ang mag-inang Tuesday at Khalil, (Take note 2017 ang milieu), nahanap nila ang "Kung Paano Siya Nawala". 2018 pinalabas ang pelikulang nabanggit. (Sinadya ata ng filmmaker. )

Interesting parts sa movie:
1. Pinakahighlight, we believe ni bff, ang subplot ng karakter ni Iana Bernardez. Gusto namin ang Kathang-Isip scene kahit may halikan ang dalawang babae. (Kaso 'yong halikan nila Gabbi at Khalil parang awkward ang dating. Not being conservative, okay na iyong yakapan muna. Siguro, para magical? Sinadya ata ng filmmaker.) Siguro kung ang kwento as a whole ng pelikula ay tungkol kay Iana. Panalo!

2. Ben and Ben Music at acting nila na cute kasi natural. (Parehas kami ni bff)

3. Modern take ng mother-son relationship nila Tuesday at Khalil. Super kakamiss si Tuesday Vargas! (Parehas kami ni bff)

4. IMO, nagagalingan ako kay Elijah Canlas as kapatid ni Gabbi Garcia.

5. IMO, okay naman na hindi lang tumutok kanila Gabby at Khalil lang ang istorya. 

6. IMO, chill lang ang pelikula. Fume-feel good. 

Final Judgment ni BFF: para akong nanood ng music video na pinahaba at ginawang pelikula.

Final Judgment ko:
Okay naman ang pelikula. Mas gusto ko naman ang LSS kesa Zombadings. Pero kung papipiliin ako sa pagitan ng Bakwit Boys at LSS, mas pipiliin ko ang Bakwit Boys. 




CIRCA



Ito na naman ang experience ko na mag-isa lang ako nanood sa Cinema '76 parang last year noong pinanood ko ang We Will Not Die Tonight. 

Kwento ito ni Donya Atang (Anita Linda), isang movie producer noong panahon ng studio system sa Pinas. Umabot siya ng 100 taon kasabay ng selebrasyon ng di mawari kung kelan ba talaga ang centenario ng pelikulang Pilipino. Dahil na rin sa kanyang katandaan ay humihina na ang kanyang memorya. Wala ni isa sa kanyang mga anak (Gina Alajar, Elizabeth Oropesa, Ricky Davao at Laurice Guillen) ang nagkainteres ipagpatuloy ang paggawa ng pelikula pero ang kanyang apo na si Michael (Enchong Dee) ay nais maging direktor ng pelikula. Isa sa surpresa ni Michael sa lola ang dumalo sa kanyang 100 kaarawan ang mga dating nakatrabaho nito. Maisakatuparan kaya ito ni Michael?

Sa pelikulang CIRCA, na-impress ako kay Enchong Dee. Noong Enero, siya ang bida ng pelikulang ELISE at nagalingan ako sa kanya. Samantalang sa Circa naman, siya ay supporting actor. Makikita ang maturity niya as an actor dito. Mula sa comedy ng Elise ngayon naman ay sa serious na Circa. (Aminado, di ako fan ni Enchong sa mga earlier movies. Hanga lang talaga ako sa Elise at Circa niya. Aside from gwapo siya, moreno at hunkie, may mga mannerisms siya pag umaacting na ayaw ko pero to be fair with unti unti na itong nawawala. Saka magaling na pumili siya ng role tulad dito sa Circa at Elise.) Kumbaga, nagustuhan ko siya dito. 

Isa pang hinangaan ko sa pelikula ay si Jaclyn Jose bilang Meding. Siya ang nag-aalaga kay Donya Atang. May mga funny moments si Jaclyn Jose kahit pa seryoso ang pelikula. Kahit pa caregiver siya, siya ang nagsisilbing saksi sa mga pagbabago sa mansyon ni Donya Atang. Sa huli, maaaring maikumpara sa karakter ni Jean Louis Trintignant sa pelikulang "Amour" ang role ni Jaclyn Jose dito.

Kahit maikli lamang ang kanyang screen time, nakakatuwa si Erlinda Villalobos. Pinaghalo kasing Moody Diaz at Lilia Cuntapay ang kanyang karakter dito. 
Siyempre, magkahalong emosyon na makita si Eddie Garcia na gumanap bilang artista din ni Donya Atang. 

Magaling din naman sina Gina Alajar, Elizabeth Oropesa, Joel Saracho at Menggie Cobarrubias. Nakakatuwa din na makita sina Anita Linda at Rustica Carpio parang reunion ba ito ng pelikulang "Lola" (2009) ni Brillante Mendoza. At ang makita na umaarte pa si Anita Linda sa edad niya talagang hanga din ako.

Nasaktuhan din talaga ng pelikulang CIRCA ang selebrasyon daw ng ika-100 taon ng pelikulang Pilipino. Ang tanong kelan ba talaga? Kasi 2017 pa lang sabi 100 years na. This year ang official?

Anyway, na-appreciate ko effort ni direk Adolf Alix sa kanyang pa-tribute sa 100 Years of Philippine Cinema. Given na isa siyang masugid na direktor ng ating bansa lalo't active siya sa pagdirek sa TV at gumawa ng isang kontrobersyal na pelikula nitong taon. "Bilangin ang Bituin sa Langit" pa lang ata ang napanood kong pelikula patungkol sa tribute sa Philippine Cinema. Sa kabilang banda, may mga elemento ang pelikula na may pinagkuhanang inspirasyon. Tulad na lamang ng kapreng pinaniniwalaang tumutulong sa negosyo ni Donya Atang. Ang mga matatanda kasi noon naniniwala sa ganyan pero in filmmaking kita yan kay Thai direktor Apitchapong. Maganda din na tinalakay ang pagpreserve at archive ng mga lumang pelikula. May bahagi sa pelikula na pinag-usapan ang "vinegar syndrome" ng mga rolyo ng pelikula at kung interesado ba sila na i-digitize ang pelikula. 

Hindi for everybody ang pelikulang ito dahil sa style at treatment pero kung mahal mo ang pelikulang Pilipino tiyak magugustuhan mo ito. Saka tatak Adolf Alix talaga ang direksyon. May mga bahagi ng pelikula na parang TV movie ang peg. Mapapansing hindi masyadong gumamit ng musika at natural sound ang ginamit pag may pag-uusap sa pelikula.

Para sa akin, nagandahan ako sa pelikula.