Monday, May 15, 2017

BLISS (2017)


“Bata pa lang ako. Dream kong maging artista”, ilan lamang ito sa linya ni Jane Ciego sa kanyang bagong pelikula na "Bliss".

Isang sikat na artista si Jane Ciego (Iza Calzado) na nais makamit ang isang role of a lifetime na makapagbibigay sa kanya ng karangalan. Hindi masaya sa kasikatan si Jane. Dumagdag pa ang burn-out habang ginagawa ang pelikula at sumabay pa ang mga personal niyang problema sa kanyang asawa, demands ng trabaho at kanyang ina.

Sumugal din siya upang i-produce ang kanyang pelikula dahil sa nakikita niya ang pagkakahalintulad ng buhay niya sa karakter ni Abigail ngunit hanggang saan siya dadalhin ng kanyang inaasam kung pati ang kanyang buhay ay naisasaalang – alang na?

Ito ay ilan lamang sa mga tinalakay sa bagong pelikulang "Bliss". Mula sa henyong direktor ng "Heneral Luna" na si Jerrold Tarog, ang "Bliss" ay naiibang psychological horror drama. Bihira na rin tayong makapanood ng ganitong pelikulang Pilipino. Hindi na rin kataka taka kung bakit nabigyan ito ng pansin sa Tokyo Osaka Asian Film Fest at nanalong Best Performer sa Yakushi Pearl Award sa nasabi ring parangal si Iza Calzado.  Sa mood at atmosphere ng pelikula ay maaari na itong makipagsabayan sa mga Asian psychological horror drama. Para akong nanood ng isang Hollywood film sa quality ng pelikula.

Hindi maikakaila ang husay sa pagganap ni Iza Calzado bilang Jane Ciego.  Balanse at controlled ang paggaganap ni Iza Calzado kumbaga nasa tamang timpla. Binigyan niya ng buhay ang isang artistang gustong kumawala sa isang sistema ng buhay na parang isang preso.

Isa sa hinangaan ko surprisingly ay si TJ Trinidad. May mga ginagampanan na rin naman siyang unlikeable characters sa mga teleserye at TV specials ngunit stand out siya dito bilang si Carlo. Siya ang asawa ni Jane na madalas maliitin ng kanyang mother-in-law dahil sa si Jane ay isang artista at hindi niya mabigay ang magandang buhay kay Jane. Kumbaga emasculated ang pagkalalaki ni Carlo. Masaklap pa ng mabuntis nya ang assistant ni Jane. 

Scene stealer at talagang sa lahat siya ang hinangaan ko sa acting sa pelikulang ito. Kilala si Audie Gemora sa larangan ng teatro kaya naman ang pagganap niya bilang direk Lexter Palao ay sa aking palagay ay isa sa hindi niya malilimutang pagganap sa isang pelikula. Si direk Lex ay isang egocentric na direktor na handang gawin ang lahat at hindi papapigil sa kanyang personal project na para sa kanya ay pang-Cannes. Wala rin siyang pakundangan kung makasakit o masaktan ang mga taong nasa paligid nya o hindi. Ayon kay direk Lex, tribute niya sa pelikulang "Misery" ang "Bliss". (Lola Kathy Bates as Annie Wilkes?) Tuwang tuwa ako sa kanya habang pinapanood ang pelikula. Saktong ka-amiga niya pa si Michael De Mesa sa pelikula. Isa ba itong extension ng theater production nilang "La Cage Aux Folles"? 

Sa kabilang banda, mapangahas at matapang na ginampanan ni Adrienne Vergara ang dalawang kumplikadong karakter. Nariyan si Rose Madlangbayan na noong bata pa ay naging biktima ng pangmomolestiya ng tomboy na kapitbahay at naging nurse na nangmomolestiya ng kanyang babaeng pasyente.  Si Lilybeth naman ang baliw na nurse o “nurse-from-hell” ni Jane. Maaaring si Lilybeth ay pinaghalong Nurse Ratched ng pelikulang "One Flew Over the Cuckoo's Nest" at Annie Wilkes ng "Misery".

Magaling din si Shamaine Centenera Buencamino bilang stage mother ni Jane na si Jillian na nasilaw sa katanyagan ng anak at palaging inaasahan na pagbibigyan siya ni Jane sa lahat ng gusto niya.

Maaaring nakakabit pa rin kay Ian Veneracion ang mga papel niyang ginagampanan sa mga teleserye kung paano ang atake ng karakter niya sa pelikulang ito. Maaari ring may bahaging nakatulong ito at hindi sa kanyang pagganap bilang artista na leading man ni Jane na si Joshua.

Maraming tinalakay na paksa ang BLISS. Nariyan ang iba't ibang uri ng pang-aabuso tulad ng sexual abuse kay Rose noong bata siya ng molestiyahin siya ng tomboy nilang kapitbahay. Matapang na tinalakay ito sa pelikula. Tulad ng pelikulang "Pamilya Ordinaryo", hindi maganda ang depiksyon ng LGBTQ sa pelikulang ito. Hindi lamang ang tomboy na kapitbahay pati na rin ang egocentric na baklang direktor na si dirk Lex. Buti na lamang hindi nag-react ang mga LGBTQ dito. Kung dati ang mga ganitong depiksyon ng karakter ay pinagproprotestahan pa. (Remember: Cruising, Basic Instinct at The Silence of the Lambs).

Pinakita rin sa pelikula ang kontrobersyal na working hours ng produksyon. Sa isang eksena ng pelikula kung saan ay magshoot ng isang eksena. May dialogue ang staff at direktor.
Staff: Direk, nakaka-30 hours na po tayo.
Direk Lex: Kapag hindi nyo inayos ang trabaho, mag-35 hours tayo dito.

Magaling ang pagkakabit ng kwento nila Jane at Rose. Kung paano inihambing ang buhay ni Jane kung saan ay ibinase sa pisikal na anyo ang isang potensyal at ibinase sa talento ng isang tao upang maging isang artista ayon na sa standard ng media at lipunang uhaw sa kagandahan. Ipinakita din dito ang hindi maayos na pagtingin kay Rose noong bata pa kaya kahit na paulit ulit siyang inaabuso ay parang nagustuhan niya na ito. May kakulangan rin sa paggabay ng magulang ang parehas na karakter nila Jane at Rose. Makasarili ang ina ni Jane at talagang habol lang niya ay ang benefit na nakukuha niya kay Jane. Samantalang, inabandona si Rose ng kanyang magulang kaya nahulog ito sa kamay ng mapang-abusong kapitbahay na nagtake advantage sa kanyang kahinaan kaya naging dahilan ito ng kanyang insecurity at na-develop na gawin niya sa iba ang ginawa sa kanyang pang-aabuso.

Bayolente ang ilang eksena kahit ang mga imahe at simbolismo na ipinakita sa pelikula. Tulad ng paulit ulit na pagsaksak sa hita ng isang tauhan at ang paulit ulit na pisikal pati emosyonal na pang-aabuso kay Jane at sa karakter niyang si Abigail. 
Ipinakita sa pelikulang ito na ang masturbation ay habit na kaakibat ng inner demon at konektado sa spiritual warfare. Magaling ang simbolismo sa pelikula rito kung saan si Jane ay maaaring minolestiya o nagmasturbate at may mga ispiritu sa kumot niya habang nangyayari iyon.

Mahusay ang paggamit ng sound effects sa pelikula. Nakadagdag ito sa mga horror tropes upang gulatin ang manonood. Magaling din ang musikang akma sa mga eksena. Magaling rin ang editing nito lalo pa’t sa bahagi ng mga nightmarish sequences.

Isang salita para i-describe ang pelikulang BLISS... "Intense!”