Sunday, July 6, 2025

SOME NIGHTS I FEEL LIKE WALKING

 


Apat Dapat, Dapat Apat (2007) serious drama edition meets Midnight cowboy (1969). IYKYK. 
 
Sina Uno (Jomari Angeles), Bay (Argel Saycon), Rush (Tommy Alejandrino)
at Ge o Miguelito (Gold Aceron) ay mga sex workers na ginagalugad ang bawat sulok ng Maynila upang makahanap ng kliyente. Mapa-public toilet man 'yan o bus terminal o sa isang sinehang nagpapalabas ng malalaswang pelikula ay hindi ito makakalusot sa magbabarkada. 
 
Nakilala ni Uno si Zion (Miguel Odron) habang nasa pampublikong palikuran. Nakiusap si Zion kay Uno na ibigay ang kanyang mensahe sa isang misteryosong binata (Jess Mendoza). Malugod naman itong ginawa ni Uno.
 
Nagkrus muli ang landas nina Uno at Zion sa isang sinehang nagpapalabas ng mga soft core porn nang anyayahan ng isang kliyente (Lex Bonife).
 
Samantala, malalaman nila ang masalimuot na nangyari kay Ge. Sa pagtatagpong muli ng magbabarkada at sa pagsama sa kanila ni Zion, masusubukan ang kanilang pagkakaibigan. Nais nilang tuparin ang huling habilin ni Ge ngunit meron silang matutuklasan kay Zion. 
Magtagumpay kaya sila sa kanilang misyon?
 
Kamakailan lamang ay nagkaroon ng limited screening ang "Some nights I feel like walking" sa Gateway cinema na bahagi ng RainbowQC ng QCinema. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na saktong LGBTQIA+ month at Hunyo na ginawa nila ang programa. Madalas kasi ay bahagi ang RainbowQC ng programa ng QCinema tuwing Nobyembre. 
 
Kilala si Petersen Vargas sa pagdirek ng mga LGBTQIA+ themed na mga pelikula at shows tulad ng "Lisyon Qng Geografia" (2014), "2 Cool 2 be 4gotten" (2016), "Hanging Out" (2016) at "Hello, Stranger" (2020). Ang "Some nights I feel like walking" ay dagdag sa kanyang filmography na nagre-represent sa mga LGBTQ. Kung sa mga nabanggit na pelikula at shows ay middle class ang mga tauhan, sa "Some nights" naman ay dinala niya tayo sa mga lugar na kung saan ang pagiging sex worker ay may kaakibat na panganib at tanging ang kanilang napiling komunidad ang nakakaintindi sa kanilang kalagayan. 
 
Sa opening scene pa lamang, makikita agad ang istilo na may impluwensya sa mga kapwa Asian filmmakers tulad ni Tsai Ming Liang na kahit pa slow cinema ang kanyang hinahain 
sa bawat frame ay mararamdaman mo ang lungkot at nakakasulasok na kalagayan ng tauhan.
Ganito kahusay ang cinematographer na naipakita ito sa mga composition of shots at framing niya. 
Sa bahagi ng pelikula na kung saan ay may pagka-trippy at dreamlike o mala-panaginip ang mga eksena, kitang-kita din ang mga impluwensya nina Apitchapong Weerasethakul at Gregg Araki. 
 
Magaling ang production design ni Remton Zuasola dahil mahalagang madama at naamoy natin ang mga mundong pinapasok ng mga tauhan kahit sa screen lamang natin nakikita. 
 
May mga simbolismo at elemento ng pelikula na maganda ang pagkakagamit. 
Apoy ang elemento sa panaginip ni Zion sa paglimot sa alaala ng kanyang minamahal. Samantalang sa lugar na kung saan ay dadalhin sana si Ge ay apoy ang ginagamit upang sunugin ang mga lumang gamit o gamit na nagpaalala pa sa mapait na nakaraan ng mga mamamayan ng baryo na 'yun. Kinalaunan, hinubad ng magbabarkada ang kanilang mga suot na damit at itinapon sa nagbabagang apoy. Ito'y sumisimbolo na nais nilang kalimutan ang kanilang pagkataong may kaakibat na masakit na alaala. Habang pinapanood ko ang mga eksenang 'yan, biglang sumagi sa isip ko ang kantang "Burn" ni Tina Arena. 
 
Sa gilid ng sinehan naman kung saan pumayag sina Uno at Zion sa isang kliyente sa kanilang serbisyo ay kapansin-pansin ang mga movie poster ng pelikula ni Crisaldo Pablo. Ito ay pagbibigay-pugay sa isang gay direktor na nagpasikat ng mga low budget pink films noong 2000's tulad ng "Quicktrip" (2008),  "Duda/Doubt" (2003) at "Campus Crush" (2009). Ang gumanap naman na kliyente sa eksena ay si Lex Bonife. Si Bonife ay kilalang producer at screenwriter ng mga pink films lalo sa kanyang kolaborasyon kay direk Joselito Altarejos. 
 
Sa pagdating naman nina Uno at Zion sa Painawan, kapansin-pansin na hiwalay ang mga LGBTQIA+ sa pagdaos ng piyesta. Nagtanong ang dalawang pangunahing tauhan kung bakit hindi sila sumali sa selebrasyon ng piyesta sa bayan. Ang sabi lamang ng karakter ni Moira Lang ay wala silang lugar doon. Mas mabuti kung magkakasama na lamang sila. Kaya hindi din naiiba na nagsasama-sama sa iisang lugar ang mga bakla tulad ng hindi paghihiwalay ng barkada nina Uno, Rush at Bay dahil may sense of belongingness at brotherhood o kapatiran sila. 
 
Nang mahanap nila ang kapatid ni Ge, napagalaman nilang pastor pala ito. Sinabihan ng pastor ang magkakabarkada na hindi na matatanggap ng kanilang pamilya si Ge dahil mas pinili nitong pumunta sa mundong makasalanan. Pinapatunayan sa pelikula ang religious hypocrisy kung paano makisalamuha ang mga pinuno ng simbahan sa taong iba ang paniniwala o piniling landas sa buhay. 
 
May umaawit ng "Dadalhin" ni Regine Velasquez habang papalapit sina Uno at Zion sa mga nagdadaos ng piyesta sa Painawan. Ang kantang ito ay maaaring sumasalamin sa damdamin ng dalawang pangunahing tauhan. Sa kabilang banda, ang pangalang "Zion" ay nangangahulugang "imaginary place" na maaaring preferred na safe person ni Uno si Zion.
 
Mahusay ang ensemble na kinabibilangan nina Miguel Odron, Jomari Angeles, Argel Saycon, Tommy Alejandrino, Gold Aceron at Jess Mendoza. 
 
Ang tumatak sa akin dito ay si Argel Saycon. Oy, hindi lang dahil eye candy siya at in lack of better terms eh masarap siya. Sa pelikulang "Broken Hearts Trip" (2023), ginamit ng karakter ni Argel Saycon ang kanyang katawan upang akitin ang isang bakla at magpagamit. Subalit dito sa "Some Nights" (2023) kahit pa sex worker ang kanyang karakter, protective siyang barkada. Gagawin niya ang lahat upang maipagtanggol ang kinikilalang pamilya. Remarkable din pala ang dyed print sando na suot niya. Sa isang eksena, mas pinili ni chief si Uno na twink kesa bortang si Bay.

Over-all, nagandahan ako sa pelikulang "Some nights I feel like walking". Isa rin siya sa maituturing kong pinakamahusay na pelikulang Pilipino ngayong taon.

No comments:

Post a Comment