Tuesday, September 15, 2026

EDJOP

 

Sa henerasyon natin ngayon, maaaring limot o nakalimutan na natin ang mga taong naging mahalagang bahagi ng kasaysayan.

 

Mapa-bayani o mga ordinaryong tao man na sa kanilang paninindigan ay nakalikha ng kanilang marka sa mundo.

 

Isang binatang may alab sa kanyang puso ang naging saksi sa mga paghihirap ng kanyang kababayan ang nagtulak sa kanya upang talikuran ang kanyang komportableng buhay.

 

Ang sulating ito ay mga obserbasyon sa panonood ng pelikulang hango sa buhay ni “Edjop”. Isinabuhay ang mga highlights sa buhay ni Edjop sa pelikulang ito.

 

Nirerekomenda kong panoorin ang dokyu na “Edjop” (1986)

sa direksyon ni Joe Cuaresma na maaaring mapanood online.

Mabuti pa ring panoorin ang nabanggit na dokyu sapagkat mas maiintindihan ang mga hangarin ni Edjop at kung sino si Edjop sa kanyang pamilya at mga nakasama o nakasalamuha niya noong siya ay nabubuhay pa.

 

Nahahati ang pelikula sa dalawang bahagi. Una kay Joyette na anak ni Edjop. Pangalawa naman ay kay Edjop mismo. Ang kagandahan sa pelikulang ito ay mapapanood ito sa lente ng isang babaeng filmmaker. Sensible ang atake at approach kung paano tinalakay ang buhay ni Joyette at nabalanse rin naman sa paglahad ng kwento ni Edjop.


Sa pelikula, parehas na pinakitang hindi perpektong tao sina Joyette at Edjop.


Si Joyette ay sumasali sa mga paligsahang pampalakasan. Nakikita sa kanyang karakter na focus siya sa kanyang goal at determinadong manalo sa laban ngunit iniiwasan niya ang mga isyu sa sariling bayan o kahit anong usapin nakakabit ang pulitika. Samantala sa pamamagitan ng flashback, matutunghayan na sa murang edad lamang ni Edjop ay mulat na siya sa nangyayari sa kanyang paligid. Nariyan na siya ay sumalungat sa isang dayuhang pari patungkol sa ikapu hanggang sa siya’y maging teenager na tumatakbo sa student council. Mas nagpupuyos ang damdamin ni Edjop nang masaksihan ang mga injustices sa panahon ng diktador at batas militar.

 

Mapapansin na sa framing at shots ay madalas na top shot or birds eye view at wide shot si Joyette. Kumbaga sa una ay hindi siya agad ang makikita mo bagkus ay ang napakagandang tanawin sa kapaligiran hanggang sa tumutok ang kamera sa kanyang mukha habang tumatakbo. Patunay ito na isang ordinaryong tao na nais mag-iwan ng marka si Joyette. Kaya niyang gawin iyon mag-isa sa pamamagitan ng pagtakbo at pagsali sa triathlon. Samantala, madalas ang close-up shots at tight shots kay Edjop. Sumisimbolo sa kanyang larger than life na pagkatao. Mala-bayani o isang tipo ng taong hahangaan ng karamihan.

 

Habang nilalahad ang pagkakaiba ng buhay nina Edjop at Joyette, dito pumapasok na disconnected o disjointed ang pag-interpolate ng mga eksenang lumalarawan sa dalawang buhay. Aktibo sa pagsali sa mga patimpalak tulad ng triathlon si Joyette. Sa kabilang banda, aktibo naman si Edjop sa kanyang mga adhikain. Pero kahit ganoon ay damang-dama ang matinding grief o pagdadalamhati sa pelikula. Balikan natin ang pagiging aktibo sa sports ni Joyette. Sa kanyang madalas na pagtakbo ay sumasalamin ito na nilalayuan o tinatakbuhan niya ang isang bahagi ng kanyang identity o pagkakakilanlan bilang anak ni Edjop. Nakakabit hindi lamang ang apelyido ngunit nanalaytay ito sa kanyang dugo. Ito rin ay isang bahagi kung paano niya ibsan ang iba’t ibang lebel ng pagdadalamhati.

 

May mga pagkakataon na mas interesado ako sa background story kesa foreground story. Siguro dahil na rin sa mas disconnected o disjointed ang mga eksena ni Joyette. Sapagkat siya mismo ay hindi niya kilala ng lubusan ang kanyang ama dahil tatlong taong gulang lamang siya ng mamatay ang ama. Hindi nasaksihan ni Edjop ang paglaki ng anak. Kaya ramdam natin ang isyu ng neglect at abandonment sa part ni Joyette. Mapapansin na madalas niyang tinatanggihan ang mga events na nagbibigay pugay sa kanyang ama.

 

Samantala, si Edjop naman ay patuloy na nakikibaka kahit pa nagkaroon siya ng pamilya. Dito ipinakita ang sakripisyo niya ng iwan ang kanyang pamilya para sa kapakanan ng karamihan hanggang mauwi ito sa kanyang kamatayan.

 

Ang pagkakaroon naman ng dementia ni Joy (Menchu Lauchengco-Yulo) ay maaaring sumasalamin o sumisimbolo sa isang lipunang unti-unting nalilimutan si Edjop.

 

Si Noy (Cedrick Juan) na panganay na anak ni Edjop ay isa sa nakasaksi sa pagdukot at pag-torture kay Edjop nung siya ay musmos pa lamang. Sa isang eksena, tinanong ni Joyette kung hindi ba siya nagka-trauma sa nasaksihan nito. Sinagot lamang siya ni Noy na tumatag siya dahil bilin iyon ng kanilang ama at Kuya na siya ni Joyette. Kumbaga, dinaanan lamang ng pelikula ang bahaging ito sa buhay ni Noy sapagkat mas binigyang diin ang buhay nina Edjop at Joyette.

 

Mga interesting na anggulong sana ipinakita sa pelikula:

1.    Kung bakit pinili ni Joy na makapangasawa muli ng isang aktibista.

2.    Aktibo din pala sa triathlon si Noy.

 

Mahusay si Elijah Canlas sa kanyang pagganap bilang Edjop. Commanding ang kanyang presence ‘pag nasa eksena siya. Magaling ang ensemble ng pelikula kabilang na diyan sina Kakie Pangilinan, Teroy Guzman, Kalil Almonte, Jodi Sta. Maria, Nour Hooshmand. Pero ang stand-out dito ay si Kakie Pangilinan bilang Joy. Siya kasi ang bumalanse sa pagiging rebolusyonaryo ni Edjop. May isang partikular na eksena dito sa pelikula kung saan sumama si Joy papuntang Tsina at naobserbahan ni Joy ang realidad sa likod ng sistema. Hindi niya naiwasang magtanong. Nagkaroon ng argumento at komprontasyon ang dalawa dahil rito. Dito natin nakita na kayang makipagsabayan ni Kakie kay Elijah. Kahit pa sa mga emotional scenes ay magaling si Kakie. Mahusay din si Teroy Guzman bilang Hernan na ama ni Edjop. Tumatak ang eksenang nagkaroon ng sagutan sina Elijah at Teroy nung magkaroon ng welga sa labas ng grocery na pagmamay-ari ng kanilang pamilya. Inaasahan kasi ng ama na siya ang kakausap sa mga empleyado bagkus ay si Edjop pa ang nag-organisa ng welga. Isa pang emosyonal na eksena sa pelikula ay ang pamamaalam ni Edjop at paghingi ng tawad sa kanyang ama. In-assure naman ng kanyang ama na hindi siya disappointment sa pamilya at ipinagmamalaki niya ang kanyang anak. Patunay ang mga nuances ni Teroy Guzman sa kanyang husay sa bawat eksenang naroon siya.

 

Sa production design naman, nanaliksik ng husto ang designer kasi parang binalik tayo ng pelikula noong 70’s hanggang 80’s sa disenyo ng pelikula maski sa mga costume na ginamit.

 

Mahalagang panoorin ang “Edjop”. Dahil sa isang biopic film tulad nito ay maaaring pagnilayan ang masalimuot na bahagi ng ating kasaysayan at sariwain ang alaala ng mga taong naging tanyag sa kanilang paninindigan tulad ni Edjop.