Wednesday, March 1, 2017

HIHINTAYIN KITA SA LANGIT (1991): Digitally Restored and Remastered


Matagal nang hinihintay ng mga fans ng tambalang CharDawn na mapanood muli ang pelikulang “Hihintayin Kita sa Langit” kung saan una silang nagtambal. Isa ito sa mga pelikulang nasa line-up ng ABS-CBN Film Restoration, Reyna Films at ABS CBN Film Archives sa pakikipagtulungan ng Central Digital Lab ngayong taon.

The long wait is over. February 27, 2017 nang magkaroon ng screening ang digitally restored at remastered version ang pelikula sa Glorietta 4 Cinema 5 at 6.

Ang “Hihintayin Kita sa Langit” ay loose adaptation ng klasikong nobela na “Wuthering Heights” ni Emily Bronte. Ito ang unang pelikulang handog ng Reyna Films. Ang screenplay ay nilikha ng batikang manunulat at aktres na si Raquel Villavicencio at sa direksyon ng dekalibreng si Carlos Siguion – Reyna. Breathtaking ang cinematography ni Romeo Vitug na ipinakita ang ganda ng Batanes. Ipinalabas ito noong 1991 at nanalo ng iba't ibang awards. Ilan lamang dito ang mga sumusunod:
FAMAS Best Actress para kay Dawn Zulueta
Pinakamahusay na Pangunahing Aktor ng Gawad Urian para kay Richard Gomez
Pinakamahusay na Direktor ng Gawad Urian para kay Carlos Siguion – Reyna

Isa sa matagumpay na love team noong dekada '90 ang CharDawn. Kaya naman nasundan ito ng mga pelikulang sila pa din ang magkasama. Nariyan ang "Iisa Pa Lamang" (1992) ng Regal Films kasama si Maricel Laxa, "Akin ang Pangarap Mo" (1992) ng Viva Films kasama si Dina Bonnevie at "Saan Ka Man Naroroon" (1993) ng Reyna Films kasama si Sharmaine Arnaiz. Hanggang ngayon ay patuloy pa rin nilang pinapakilig ang mga manonood sa pinagsamahan nilang TV series na "Walang Hanggan" (2013) at pelikulang "The Love Affair" (2015) ng Star Cinema kasama si Bea Alonzo. Sa kanilang unang pagtatambal sa pelikulang "Hihintayin Kita sa Langit", nagsimula ang lahat. Dito rin nila nagsimula ang "I-Dawn Zulueta mo ako" ng mapansin ni Vice Ganda.

Tulad ng karamihang mga batang babae, si Carmina (Guila Alvarez) ay laging nangangarap maging prinsesa. Mahal na mahal siya ng kanyang ama na si Don Joaquin (Jose Mari Avellana). Ito ang dahilan ng malaking  pagkainggit sa kanya ng nakakatanda niyang kapatid na si Milo (Gio Alvarez) sa pagkuha ng atensyon at pagmamahal ng kanyang ama kaya hindi rin sila magkasundo. Isang araw, ipinakilala ni Don Joaquin si Gabriel (Jomari Yllana). Isang bata na walang pamilya. Ipinaalam ni Don Joaquin na aampunin niya ito. Hindi naging maganda ang trato ni Milo sa kanya. Kaya pinapunta ni Don Joaquin sa Maynila upang magbago si Milo. Itinuring naman na parang anak ni Don Joaquin si Gabriel.

Sa kanilang pagkabinata at pagkadalaga ay naging malapit sa isa't isa sina Gabriel (Richard Gomez) at Carmina (Dawn Zulueta). Napapansin din ito ni Don Joaquin at ang kanilang mayordoma (Vangie Labalan). Ngunit, nagbago ang buhay nina Carmina at Gabriel ng mamatay si Don Joaquin. Bumalik si Milo (Michael De Mesa) pero hindi nagbago ang ugali nito at pinahirapan niya ang buhay ng dalawa. Habang tumatagal ay hindi lang naging malapit sa isa't isa sina Carmina at Gabriel bagkus sila ay nahuhulog na sa isa't isa.

Sa isang party, nakilala ni Carmina si Alan (Eric Quizon) nang maaksidente ang dalaga sa pagkakahulog habang nanonood ng party kasama si Gabriel. Lalo namang pinahirapan ni Milo si Gabriel at nalululong sa sugal si Milo na nagiging dahilan ng paglubog nito sa utang. Inalok naman ng kasal ni Alan si Carmina. Dahil na rin sa kumplikadong sitwasyon ng buhay nila Carmina ay pumayag ito. Naglaho naman si Gabriel.

Matapos ang ilang taon, bumalik si Gabriel upang maghiganti. Isa sa mga balak niya ay ang mahulog sa kanya si Sandra (Jackie Lou Blanco), ang kapatid ni Alan at ang pabagsakin si Milo pati na si Alan.

Mahusay ang pagkaka-restore ng "Hihintayin Kita Sa Langit" dahil lalong napaganda ang kabuuan ng pelikula.

Nakakagulat ang pagkakarestore dahil ginamit ang uncut version ng pelikula. Nang unang mapanood ko ang pelikula, putol ang ilang sex scenes nito. Tulad ng bahagi ng sex scenes nila Dawn Zulueta at Richard Gomez sa kwadra, ilang bahagi ng honeymoon scene nila Jackie Lou Blanco at Richard Gomez pati na rin ang mala-From Here to Eternity na sex scene nila Richard at Dawn sa dagat habang humahampas ang alon.

Kaya naman tilian ang mga fans ng CharDawn sa screening.

Nakakatuwa na mapanood ito 2nd time. Kapuna puna ang inconsistencies ng karakter na Carmina. Siya ay isang halimbawa ng damsel-in-distress. Kahit ganoon ay magaling ang pagkakaganap ni Dawn Zulueta sa karakter na habang pinapanood kong muli ay pinapaalala niya sa akin si Natalie Wood sa mga pelikulang tulad ng "Splendor in the Grass" at "Inside Daisy Clover". Kapansin pansin din ang mga shirtless scenes ni Richard Gomez na nagpapakita ng kanyang kakisigan noong kabataan niya (magpahanggang ngayon din). Mahusay din ang kanyang pagkakaganap bilang Gabriel. Humanga ako kay Jackie Lou Blanco sa pelikulang ito dahil ang kanyang karakter ay matatag kahit pa may kahinaan.


Talaga namang worth the wait ang digitally restored at remastered version ng Hihintayin Kita sa Langit.