Sleepless (2015). Is it our version of Sleepless in Seattle? Absolutely
not. Kasama sa kauna-unahang QCinema noong 2015 ang pelikulang
"Sleepless".
Si Gem (Glaiza De Castro) ay isang top sales agent sa isang call center
company. Pansamantalang, nasa dayshift ang kanyang schedule ngunit hirap siyang
makatulog o meron siyang insomnia. Si Barry (Dominic Roco) naman ay bagong
agent sa call center na pinagtratrabahuan ni Gem. In-assign si Gem na maging
mentor ni Barry. Sa una'y hindi kumportable ang isa't isa pero nang malaman ng
dalawa na malapit lang ang tinutuluyan nilang dorm ay mas lalo silang nagkaroon
ng koneksyon upang makilala ang bawat isa.
Maaaring ang pelikulang "Sleepless" ay may pagkakapareha sa
pelikulang "Lost in Translation". Mabagal o slow-paced ang pelikula.
Makikitaan din ng matinding pagkabagot ang mga pangunahing karakter. Seryoso
din ang pagtalakay ng mga isyu sa pelikula. Ilan lamang rito ang relasyon ni
Gem sa karakter ni TJ Trinidad. Isa ang call center industry na tulad din sa
ibang industriya ay may mga lihim na minsan nagiging bulong-bulungan na ang
isang empleyado o workmate ay kabit nito at kabit niyan si ganito si ganyan.
Yan ang sitwasyon ni Gem. Nakikita natin ang kanyang strength sa pagtratrabaho
ngunit may kahinaan sa pakikipagrelasyon o koneksyon sa opposite sex. Marahil
dahil na rin ito sa hindi niya maayos na relasyon sa kanyang ama. Makikita sa
pelikula na ang nanay niya na ginampanan ni Irma Adlawan ay may iba ng pamilya
at walang trace ng kanyang ama sa pelikula. Kaya nang magkasundo sila ni Barry
ay parang nagkabuhay si Gem.
Si Barry naman ay masasabi natin na cute agent ngunit ito ang tipo na
magiging crush sa floor pero yun pala may anak na. Sayang!
Merong longingness to connect ang mga karakter nila Gem at Barry na
siyang dahilan kung bakit sila nagkasundo. Nasa isang unhealthy relationship si
Gem habang si Barry ay gustong makapiling ang anak niyang inilayo ng nabuntis
niyang ex-girlfriend.
Nag-uusap at nagtatanungan sila ng tungkol sa buhay at pati na rin ang
mga kaweirduhan. Hmm... sounds familiar? Before series ni Richard Linklater o
That Thing Called Tadhana? Pagdating sa trabaho ay tinutulungan ni Gem si Barry
upang mag-excel ngunit habang tumatagal lalong nananaig ang emosyon ni Barry na
nakakaapekto sa kanyang trabaho.
Sa bandang huli, si Gem ay kinakitaan ng pagiging mapagbigay. Tinulungan
niya si Barry upang matupad ang kagustuhan niyang makita ang anak.
Ang pelikulang SHIFT (2013) ay napabilang sa mga pelikulang kalahok ng
Cinema One Originals 2013. Sa SHIFT (2013) naman ay isang demotivated na sales
call center agent si Estela (Yeng Constantino). In-assign ng kanilang team
leader si Trevor (Felix Roco) upang i-mentor si Estela at bumalik ang sigla
nito sa pagtratrabaho. Ito na naman ay pangkaraniwang eksena sa call center
industry. Mas inuna nilang magtrabaho kesa sundin ang pangarap nila. Unti-unti
na ang pagiging malapit ni Estela kay Trevor ang magiging dahilan para
magkagusto siya sa kanyang cute na mentor pero bakla pala.
Humanga ako kay Yeng Constantino sa kanyang unang pelikula na nakitaan
siya ng talento sa pag-arte. Hindi over-acting at tama lang sa timpla. Mahusay
niyang nagampanan ang karakter na Estela. Magaling din si Felix Roco sa kanyang
pagganap kahit na medyo naguguluhan ako sa karakter niya kung unti-unti ba
siyang nagkakagusto kay Estela kahit bakla siya?
Relatable ang karakter na Estela ni Yeng dahil kahit ako nadama ko ang
mga frustrations niya sa buhay. Yung may mga bagay siyang gustong gawin pero
mas pinili niyang maging praktikal sa buhay.
Nakakatuwa din ang cameo ni Alex Medina bilang dating katrabaho ni
Estela na may pagtingin sa kanya.
Hindi man napigilan ni Trevor si Estela sa kanyang plano. Nakita pa rin
natin sa huli na indecisive ang karakter ni Estela sa mundong walang katiyakan.
Sa kabilang banda, parehas na accurate ang depiksyon ng call center
industry pati ang struggles ng mga call center agents sa dalawang pelikula. Tulad na lamang na nakatulong na ang direktor ng
Shift na si Siege Ledesma ay nagtrabaho sa call center upang mabuo ang kwentong
tumatalakay sa isang call center agent. Nakakatuwa na kahit sa mga indie films
ay binibigyang halaga ang isang trabahong minamaliit ng iba - ang pagiging call
center agent.
Kung mapapansin ang
dalawang magkapatid na Roco (Dominic at Felix) ay lumabas sa mga pelikulang
tumalakay sa call center industry at call center agents.