Tuesday, February 20, 2018

MAY MINAMAHAL (Digitally Restored and Remastered Version)



Noong dekada ‘90, nauso ang mga pelikulang base sa mga hindi malilimutang kanta. Ilan lamang sa mga ito ang mga sumusunod: "Ikaw ang Lahat sa Akin", "Iisa Pa Lamang", "Bakit Labis Kitang Mahal?", “Hindi Kita Malilimutan” at "May Minamahal". Kung mapapansin, lahat ito ay mula sa writer/director na si Jose Javier Reyes.

Isa sa mga naunang pelikulang ginawa ng Star Cinema ang "May Minamahal".

Nakakatuwa na mapanood muli ang "May Minamahal" na digitally restored at remastered. Itinuturing ang pelikula na pasimuno sa mga rom com (romantic comedies) sa pelikulang Pilipino noong 90’s.

Si Carlitos (Aga Muhlach) ay naharap sa isang kumplikadong sitwasyon. Namatay nang hindi inaasahan ang kanyang ama (Ramil Rodriguez). Siya ang unico hijo sa pamilya. Kaya naman inaasahan siya ng kanyang inang si Vicky (Boots Anson-Roa) at mga kapatid na sina Trina (Agot Isidro), Mandy (Nikka Valencia) at Pinky (Claudine Barretto) na tumayong ama. Nahirapang mag-adjust sa sitwasyon si Carlitos kahit pa meron siyang maayos na trabaho. Nariyan ang mga isyung mali ang nabiling brand ng detergent soap pati ang napkin, pagpaparaya na ipagbenta ang van na kanyang ginagamit at pagbabayad utang sa naiwan ng ama. Hanggang sa makilala niya ang boyish pero loveable na si Monica (Aiko Melendez) sa canteen ng kumpanyang pinagtatrabahuhan niya. Si Monica ay nagpapart-time job sa canteen ng kanyang tita. Sa una, hindi magkasundo ang dalawa pero nang magkalakas loob si Carlitos upang yayain ng date si Monica ay nagsimula ang pagbabago sa sistema ng dalawa. Sa kabilang banda, unica hija naman si Monica sa isang bruskung pamilyang pinangungunahan ng kanyang amang si Cenon (Ronaldo Valdez) at mga kuya niyang sina Bombit at Jun (John Estrada at Bimbo Bautista). Mas itinutuon na nila Carlitos at Monica ang oras sa isa’t isa kaya naman naninibago ang kanilang pamilya. Paano pa kaya kung maisipang magpakasal ng dalawa?

Hindi lang basta rom com ang pelikulang “May Minamahal”. Makikita sa pelikula ang comparison at contrast sa mga karakter. Si Carlitos ay refined na unico hijo samantalang si Monica ay gamine na unica hija. Tinatalakay rin sa pelikula ang social class conflict.. Kabilang sa mayamang pamilya si Carlitos samantalang mahirap naman ang pamilya nila Monica. Kaya naman nang ipakilala ni Carlitos si Monica sa kanyang pamilya ay hindi nila nagustuhan ang dalaga. Gulat rin naman si Carlitos kung paano makitungo sa isa’t isa ang pamilya ni Monica.

Isa sa ultimate heartthrob noong dekada ‘80 hanggang ngayon si Aga Muhlach. Isa ang pelikulang “May Minamahal” na lalong nagpaningning sa kanyang kasikatan noong 90’s at isa rin sa kanyang hindi malilimutang pagganap. Sa isang interview, ibinahagi naman ni Aiko Melendez na sa pelikulang ito ay kinilala siya bilang serious actress. Ito ang isa sa hindi niya malilimutang pagganap matapos ang madre-manananggal role niya sa “Shake, Rattle and Roll IV”, loving bestfriend sa "Mahal Kita Walang Iwanan" maski sa "Maalala Mo Kaya: The Movie" at bilang Emilia Ardiente sa TV series na “Wildflower”. Mala- Winona Ryder ang atake ni Aiko Melendez sa kanyang karakter na si Monica.

Bago pa man ang “May Minamahal”, nagkasama na sina Aga at Aiko sa pelikulang “Sinungaling Mong Puso” (1992) at “Too Young” (1990).

Sa pelikulang ito, nagwagi si Aga Muhlach ng Best Actor sa MMFF at Best Director si Jose Javier Reyes. Si Ronaldo Valdez naman ay nanalong MMFF Best Supporting Actor. Nagwagi rin siya sa Gawad Urian bilang Pinakamahusay na Pangalawang Aktor.

Kahit dekada ’90 ang pelikulang “May Minamahal” ay gumamit ito ng mga sikat na kanta noong dekada ’80 tulad ng “Don’t Know What to Do” ni Ric Segreto at “Friend of Mine” ni Odette Quesada. Kaya-LSS talaga habang pinapanood ang pelikula. Idagdag mo pa ang rendition ni Agot Isidro ng "May Minamahal".

Noong 2007, nagkaroon ng TV series ang "May Minamahal" na pinagbibidahan naman nila Anne Curtis at Oyo Boy Sotto.


Napaka-nostalgic talaga ng pelikulang “May Minamahal”. masasabi kong isa rin ito sa best works ni direk Jose Javier Reyes.

Saturday, February 3, 2018

CHANGING PARTNERS



Hango sa PETA stage play musical ni Vincent De Jesus ang pelikulang "Changing Partners" na isa sa narrative features entry ng Cinema One Originals 2017.

Ang pelikula ay tungkol sa romantic relationship nila Alex (Agot Isidro and Jojit Lorenzo) at Cris (Sandino Martin at Anna Luna). Makikita natin ang mga lambingan at bangayan sa kanilang relasyon na umabot ng anim na taon. At ang misteryosong pagkasangkot ng isang mahiwagang Angel na magiging sanhi ng lamat sa relasyon. 

Dual characters with same name ang ginampanan ng mga actors. Si Alex na ginampanan nila Agot Isidro at Jojit Lorenzo ang mas nakakatanda sa romantic relationship na ito. Parehas din nilang ginampanan ang older straight at gay characters. Samantalang, sina Sandino Martin at Anna Luna naman ang gumanap na Cris ang mas nakakabatang straight at gay characters sa romantic relationship kung saan umikot ang kwento.

Bihira ako makapanood ng musical films sa pelikulang Pilipino na relatable sa millenial generation.

Risk o gamble ang ganitong genre at hindi basta musical film ang "Changing Partners". Tinatalakay pa ng pelikula ang LGBT issues o same sex romantic relationships, May-December love affair sa straight at same-sex couples pati ang live-in. Sa naalala ko, Rent ang napanood ko na pelikula na base rin sa isang musical ang tumalakay sa homosexuality. Hanga ako kung paano na-execute ni Dan Villegas ang pelikula dahil sensitibo at iba iba ang layers ng pakikipagrelasyon ang inilahad sa pelikula lalo pa at ito ay halaw sa isang stage play musical. Natranslate sa screen ng maayos ang realistic take sa isang romantic relationship na ipinakita rin ni direk Dan Villegas sa "All of You". Mahusay din ang screenplay nila Vincent De Jesus at Lilit Reyes.

Hinangaan ko ang editing ng pelikula dahil tumatalon at nagpapalit ang isang eksena sa dual characters. Hindi biro at hindi din simple ang ganyang style.

Stand out si Jojit Lorenzo sa kanyang pagganap bilang Alex. Convincing siya sa older straight male character at effective siya sa older gay male character. Mapapansing lumabas si Jojit sa tatlong pelikulang required siyang kumanta. Dalawa rito ang musical film na "Changing Partners" at "Ang Larawan" pati sa musical production number sa Deadma Walking. Tulad ng kanyang kapareha sa pelikulang si Sandino Martin ay parehas din itong lumabas sa musical films "Changing Partners" at "Ang Larawan". Sakto ang pagiging gay lover at younger lover ng isang older woman si Sandino Martin. Yung kagwapuhan niya kasi ay benta mapa-babae o bakla man. hehehe. Moreno, gwapo at kumakanta kulang na lang sayawan na kaming manonood. Maaasahan na natin si Agot Isidro sa kanyang galing sa pag-arte at pag-awit pati sa pagtanggap ng role bilang lesbian at older straight woman sa straight at same-sex relationship. Ganoon din naman si Anna Luna. Bongga si Anna Luna. Siya na ang supporting actress ng taon. Lumabas sa Maestra, Bar Boys at Changing Partners idagdag mo pa ang Paglipay.

Kakaibang experience mapanood ang Changing Partners.