Bilang isang tagahanga sa nag-iisang Diamond Star Maricel Soriano, matagal kong hinintay na ma-restore ang ilan sa mahahalaga niyang pelikula.
Kaya naman ang imbitasyon ng ABS-CBN Film Restoration ay hindi ko pinalampas. Hindi ako binigo na mapanood ang restored at remastered version ng pelikulang "Ikaw Pa Lang Ang Minahal".
Kilala ang Reyna Films noong dekada '90 sa paggawa ng pelikulang hango sa mga akdang pampanitikan. Nariyan ang "Hihintayin Kita sa Langit” (1991) na loosely based sa nobelang "Wuthering Heights" ni Emily Bronte, "Abot Kamay ang Pangarap” (1996) hango sa Palanca-Award winning Short Story ni Elsa Coscuella na "Bonsai", "Saan Ka Man Naroroon” (1993) na binase naman sa pelikulang "Sunflower" na pinagbidahan noon ng mga sikat na Italian actors Sophia Loren at Marcello Mastroianni. At siyempre hindi papahuli ang "Ikaw Pa Lang Ang Minahal" na bersyon ng Reyna Films sa novella na "Washington Square" ni Henry James na naging pelikula noon na "The Heiress" (1949) ng Academy-Award Winner for Best Actress na si Olivia De Havilland.
Si Adela Sevilla (Maricel Soriano) ay isang matandang dalagang gustong makamit ang pagmamahal at atensyon ng kanyang amang si Dr. Maximo Sevilla (Eddie Gutierrez).
Namatay ang ina ni Adela matapos siyang ipanganak. Kaya malayo ang loob ni Dr. Maximo sa kanyang anak. Dagdag pa ang kanyang pagkadismaya kay Adela dahil para sa kanya ay hindi nito nakuha ang ganda at talino ng kanyang ina. Isa ito sa dahilan kung bakit mahiyain, hindi nakikisalamuha sa ibang tao at taumbahay si Adela. Nagsilbing ina-inahan naman ni Adela ang kanyang tiyahing si Paula (Charito Solis). Nililibang ni Adela ang kanyang sarili sa paggagantsilyo na hindi rin magustuhan ni Dr. Maximo dahil umaasa siya sa mas makabuluhang libangan at gawain si Adela.
Naisipan ni Paula na ilabas si Adela at dumalo sa isang party tutal nasa sapat na gulang na siya. Labag man sa kalooban ni Adela ang pagsama sa party ay sumama ito. Dito niya nakilala ang gwapo at may mabulaklak na dilang si David Javier (Richard Gomez). Mabilis na nahulog ang loob ni Adela kay David dahil sa binata niya naramdaman ang pagmamahal at atensyong hindi mabigay ng kanyang ama. Tutol naman si Dr. Maximo dito dahil walang trabaho ang binata at habol lang nito ang mamanahin ni Adela.
Ilang beses nilayo ni Dr. Maximo si Adela kay David pero hindi niya ito mapigilan. Hanggang sa isang gabi, hindi sinipot ni David si Adela matapos malamang tatanggalan ito ng mana
Lumayo si Adela sa kanyang ama. Pagbalik niya sa mansyon ay malaki ang kanyang pinagbago. Sa kanyang pagbabalik, muli ring nagbabalik ang lalaking kanyang minahal at inasahang hindi siya iiwan at sasaktan.
Napakahusay ni Maricel Soriano sa pagbibigay buhay sa isang hindi malilimutang karakter na si Adela Sevilla. Tailored-fit ang role para kay Maricel. Nakuha ni Maricel ang pagiging aloof at awkward ng karakter pati ang transformation nito mula sa pagiging ugly duckling hanggang maging beautiful swan. Kaya naman natanggap ni Maricel Soriano ang Young Critics Circle Awards for Best Actress sa "Ikaw Pa Lang Ang Minahal". Isa rin ito sa kanyang hindi malilimutang pelikula at pagganap tulad sa mga pelikulang "Saan Darating Ang Umaga?" (1983), "Kaya Kong Abutin ang Langit" (1984), "Hinugot sa Langit" (1985), "Pinulot Ka Lang sa Lupa" (1987), "Vampira" (1994), "Dahas" (1995), "Abot Kamay ang Pangarap" (1996), "Mila" (2001), "Mano Po" (2002), "Numbalikdiwa" (2006) at "Inang Yaya" (2006).
Matatandaang si Vilma Santos ang unang nilapitan upang gampanan si Adela Sevilla. Kung babalikan, una namang nilapitan si Maricel Soriano upang pagbidahan ang pelikulang "Tagos ng Dugo". Matatandaan ding cause celebre ang hindi pagkapanalo ni Maricel Soriano sa major award-giving bodies for Best Actress sa "Ikaw Pa Lang Ang Minahal" dahil nag-Grand Slam si Lorna Tolentino for Best Actress para sa "Narito Ang Puso Ko".
Para sa akin, isa sa competitive na taon sa pelikulang Pilipino sa mahuhusay na pagganap ng mga aktres noong 1992. Napanood ko sina Sharon Cuneta sa "Tayong Dalawa", Maricel Laxa sa "Ikaw ang Lahat sa Akin", Vilma Santos sa "Sinungaling Mong Puso", Lorna Tolentino sa "Narito Ang Puso Ko", Dawn Zulueta sa "Iisa Pa Lamang" at Maricel Soriano sa "Ikaw Pa Lang Ang Minahal". Lahat sila ay magagaling. Aminadong labis ang paghanga ko kay Maricel Soriano sa pelikulang ito dahil nakuha niya ang emosyon na hinihingi sa karakter.
Going back, mahusay din si Richard Gomez bilang gwapo, matipuno ngunit scheming na si David Javier. Ganoon din sina Eddie Gutierrez bilang Dr. Maximo na madamot sa pagmamahal at atensyon kay Adela at Charito Solis bilang Paula, ang nagsilbing ina-inahan ng dalaga.
Ang nakakagulat sa karakter ni Adela dito ay ang mga sex scenes niya kasama si David sa talahiban, sa kama at sa ilog. Take note, matandang dalaga siya pero game na game si ate sa mga eksenang ito.
Lalong gumanda ang kulay ng pelikula sa pagkarestore nito. Noong una ko itong mapanood, may pagkapusyaw ang kulay ng pelikula.
Idagdag pa ang magandang
rendition ni Rachel Alejandro sa “Kahit Na” na themesong ng pelikula.
Kung nais makapanood ng
pelikulang nagpapakita ng mahusay na pag-arte, panoorin ang “Ikaw Pa Lang Ang
Minahal”.