Si Mara (Maine Mendoza) ay sumunod
sa kagustuhan ng kanyang ama na kumuha ng kursong architecture dahil ambisyon
ng kanyang ama ang maging arkitekto. Mataas ang expectations ng kanyang ama na
magiging arkitekto si Mara. Subalit, hindi nakapasa sa Architecture Licensure
Exam ang dalaga. Kaya naman parang gumuho ang mundo nito. Sa kabilang banda, si
Gali (Carlo Aquino) ay isang deaf teacher na kapitbahay sa condo ni Mara.
Magtatagpo ang kanilang landas dahil sa gustong matuto ni Mara ng sign language
para sa kanyang pamangkin. Si Gali ang naging sign language teacher ni Mara.
Habang nakikilala nila ang isa't isa, lalong umuusbong ang pagtitinginang maaari
nga bang mauuwi sa pagmamahalan? Ngunit, handa ba silang harapin ang
katotohanan na meron silang pagkakaiba? Sa mga kabiguang dinanas ng dalawa,
handa ba ang kanilang pusong bigyan ng pagkakataon sa pag-ibig?
Ang pelikulang mas pinili ko
panoorin kesa Cleaners. Hindi naman ako nagsisi. Tulad noong nakaraang taon, si
Carlo Aquino ay nasa pelikulang romance genre at mahusay ang kanyang pagganap.
Nagsimula bilang unexpected leading man sa Meet Me in St. Gallen (2018) at Exes
Baggage (2018) hanggang sa ginugulat niya tayo hindi lang para magpakilig kundi
magaling din siyang pumili ng roles ngayong taon tulad sa pelikulang Ulan
(2019) at isa sa mapanghamong pagganap bilang deaf sa pelikulang "Isa
Pa With Feelings".
Maganda ang pelikula at ang cute.
Kinikilig kami sa sinehan ng kasama ko pati ang mga nasa likuran namin. Bihira
ka makapanood ng ganitong pelikula na balanse ang timpla at nabigyan ng
platform ang mga deaf. Pinakanagustuhan kong eksena ay ang dalawang party na
pinuntahan nila Mara (Maine Mendoza) at Gali (Carlo Aquino). Magaling ang
cinematography, direction, production design, screenplay at paggamit ng music
at kanta.
Relatable ang karanasan ni Mara
dahil minsan o ilang beses tayong bumabagsak sa hamon ng buhay. Nakakalungkot
ang eksenang iniwasan siya ng mga colleague niya dahil bumagsak siya at siya
mismo ay lumayo din sa kanila.
Striking naman ang poster ng
pelikulang “Children of a Lesser God” (1986) dahil isa itong Hollywood movie na
nagbigay oportunidad kay Marlee Matlin na isang deaf.
Siya lamang ang deaf actress na nanalo
ng Best Actress sa Oscars o Academy Awards. Si Marlee din ang itinuturing na
pinakabatang aktres na nanalo ng Oscar Best Actress sa edad na 21.
Kapansin-pansin din ang paggamit ng
aquarium sa pelikula. Ang pelikulang “The Graduate” (1967) na pinagbibidahan ni
Dustin Hoffman at Anne Bancroft ay madalas pinapakita na nakaharap sa aquarium
si Benjamin Braddock (ginampanan ni Dustin Hoffman). Simbolismo ng pagkalunod
sa middle class society ang aquarium. Samantala sa pelikulang “Isa Pa With
Feelings”, maaaring simbolo ito ng pagkalunod ng dalawang pangunahing tauhan sa
expectations ng lipunan pagdating sa kapansanan ni Gali pati na din ang
kabiguan ni Mara.
Matapos manalo ni Maine Mendoza ng
MMFF Best Supporting Actress sa pelikulang “My Bebe Love: #KiligPaMore” (2015),
magkaroon kaya ng nominasyon si Maine sa pelikulang ito? Magaling ang chemistry
nila Carlo at Maine. Malaking tulong ang napakahusay na pagganap ni Carlo
Aquino na siyang nagdadala kay Maine. Si Maine naman ay natural din ang acting.
Maaaring magkaroon ang nominasyon ang dalawa sa mga awards season.