Si Tony Palma (Christopher De Leon)
ay isang inhinyero na may ambisyong maging pulitiko sa kanilang bayan. Gusto
niyang sundan ang yapak ng kanyang ama na Vice Mayor ng kanilang lugar. Mayroon
siyang butihin at mapagmahal na asawa at anak.
Hindi pabor ang kanyang asawang si
Marissa (Dawn Zulueta) sa kagustuhan nitong pumasok siya sa pulitika dahil mas
gusto niya ang simple at tahimik na buhay. Mas gusto niyang pagtuunan ng
pansin ang sakitin nilang anak na si Charina (Sarah Jane Abad). Mas
lalong nag-alab ang ambisyon ni Tony sa pulitika ng italaga siya ni Mayor
(Gamaliel Viray) sa City Planning Council sa isang party. Sa okasyong ito ay
nagkitang muli ang dating mag-high school classmates na sina Marissa at Sylvia
(Amy Austria).
Si Sylvia ang legal consultant ng City Planning Council. Sa una'y hindi magkasundo sina Sylvia at Tony dahil mas pinapaboran ni Mayor ang huli. Nang tanggapin ang alok na maging campaign manager ni Tony si Sylvia ay bigla itong nagkasundo. Hindi na makapaglaan ng oras si Tony sa pamilya dahil mas prayoridad niya ang ambisyon. Ito ang nagiging dahilan ng pag-aaway nilang mag-asawa kaya mas pinili niyang lumapit kay Sylvia. Dahil sa tukso ay nagkaroon ng relasyon sina Tony at Sylvia.
Madalas naman ang pagdurugo ng ilong ni Charina kaya minabuting ipatingin ito sa espesyalista. Dito natuklasang may leukemia ang bata. Masusubok ang tatag at pananampalataya ng mag-asawa dahil sa sakit ng kanilang anak. Magpapatuloy ba sa ambisyon si Tony? Ano ang patutunguhan ng relasyon niya kay Sylvia? Magkakabalikan pa ba ang mag-asawa?
Isa sa mga pelikulang entry sa MMFF (Metro Manila Film Festival) noong 1993 ang "Kung Mawawala Ka Pa". Sa pelikulang ito nagwagi ng MMFF Best Actress at FAMAS Best Actress si Dawn Zulueta. Natanggap din ng pelikula ang 1993 MMFF Best Picture, Best Supporting Actress para kay Amy Austria, Best Child Performer para kay Sarah Jane Abad, Best Song "Pasko na Sinta ko", Best Musical Score para kay Ryan Cayabyab, Best Sound para kay Ramon Reyes at Best Cinematography para kay Romy Vitug.
Mapapansing hindi si Carlos Siguion-Reyna ang direktor kundi si Jose Mari Avellana. Mayroon namang cameo sina Carlos Siguion-Reyna at Bibeth Orteza bilang mga doktor. Tulad ng ibang pelikula ng Reyna Films, out of town muli ang lokasyon. Sa Tagaytay naman ginawa ang pelikula.
Mahusay ang pagkaka-restore sa pelikula. Napanood ko ito noon. Kaya maswerte at napanood kong muli ang Kung Mawawala Ka Pa na digitally restored at remastered.
Ito ang aking mga obserbasyon sa pelikula:
1. Naiinis ako kay Tony (Christopher De Leon) kung paano niya saktan ang mga babae sa buhay niya. Mas pinili niyang maging prayoridad ang ambisyon kaysa magbigay sa oras kanila Marissa (Dawn Zulueta) at Charina (Sarah Jane Abad). Inamin niya din na ginamit niya ang kanyang rival turned mistress na si Sylvia (Amy Austria) para sa pulitika. Napaka-makasarili niya dahil mas importante ang kaniyang ambisyong maging pulitiko na kaya niyang talikuran ang lahat. Patunay na hindi maganda ang treatment niya sa kababaihan.
2. Tipong nagising at nahimasmasan lang si Tony noong may leukemia na si Charina. Hindi niya naisip ang naramdaman ng mga babaeng nasaktan niya.
3. Sa eksena kung saan mas pinaboran ng Mayor si Tony dahil lalaki at pamilyado ito kaysa Sylvia na babae at walang asawa na papasok sa pulitika, pinakita dito ang pagiging chauvinist ng kalalakihan. Minaliit niya ang kakayahan ng isang babae.
4. Palaban pero understanding wife si Marissa at mabilis niyang napatawad ang asawa pati ang kalaguyo ng asawa alang-ala sa kanyang anak.
5. May mga bahagi sa pelikula na mabilis ang turn of events to the point na rushed din ang ibang eksena.
6. Kudos kanila Amy Austria at Sarah Jane Abad dito. Scene stealer din si Pilar Pilapil bilang nanay ni Marissa.
7. Bihira o bilang ang mga pelikulang Pilipino na may tema ng kapaskuhan. Sa pelikulang ito, sa Pasko nagkaroon ng muling pagsasama ang pamilya Palma. Pagpapakita ito na bahagi ng tradisyon sa Paskong Pilipino ang pagsasama ng bawat miyembro ng pamilya.
8. Sa bahagi kung saan nasubok ang katatagan ng pamilya sa gitna ng unos, dito rin nasubok ang pananalig sa Diyos ng mag-asawa. Dumating sa puntong lumapit na sila sa faith healer at magalit sa Diyos si Tony.
9. Mayroon ding witty dialogues sa pelikula tulad ng mga sumusunod:
Sylvia: Huwag mong iwan ang kalat
mo!
Marissa: Ang basura ko hindi ko iniwan. Inagaw mo!
Sylvia: Gusto mong tumabi sa Daddy
mo?
Charina: Dapat lang po, 'di ba?
Sylvia: Sinong kahawig ko?
Charina: Wicked stepmother.
10. Maituturing na underrated ang pelikulang ito.