Saturday, August 31, 2024

PAGTATAG! THE DOCUMENTARY

 


Mapalad po ang inyong lingkod na naglagay ng closed caption
sa isang episode ng I-Witness na featured ang SB19
bago magkaroon ng CoViD 19lockdown at pandemic.
Habang nilalagyan ko ng closed caption ang nabanggit na episode,
nasaksihan ko kung paano nagsimula ang grupo.
Sa episode na iyon, pinakita ang kanilang pag-ensayo o training,
mga sakripisyo at kanilang pagpupursige upang mahulma
ang kanilang pagiging ganap na PPop artists.
Natunghayan din sa dokyu na iyon ang pagtatanghal nila sa iba't ibang mga paaralan. 
 
Fast forward 2023 at 2024 dito sa "Pagtatag! The documentary",
binigyan tayo ng access sa behind the scenes ng kanilang Pagtatag tour. 
 
Nitong nakaraang taon, mga sikat na Hollywood artist 
ang nagpalabas ng concert docu
tulad ng Taylor Swift's The Era's tour at Renaissance: A film by Beyonce.
Kaya nakakatuwa na meron din ang Pinas tulad nitong "Pagtatag! The documentary". 
Ang focus ng dokyu ay ang Pagtatag tour at binigyan tayo ng pahapyaw
sa suliraning kinaharap nila bago ang kanilang global tour.
 
Sa mga ganitong klaseng dokyu, mahalaga ang editing
dahil dito nagiging engage ang manonood sa isang dokyu.
Nasasabayan ng editing ang fast paced na buhay
na hinarap nina Stell, Pablo, Ken, Josh at Justin sa kanilang US tour.
Kaya ramdam mo ‘yung pagod sa kanilang pagiging in demand.
Mapapansing maraming editors ang dokyu na ito
kasi kailangan maitagpi-tagpi ‘yung mga nangyayari sa sunod-sunod na tours.
Nung makita ko ang pangalang Ilsa Malsi sa credits na isa siya sa editor,
alam mong magiging maayos ang tahi ng dokyu.
 
Given na gifted ang grupo sa kanilang music choices, artistry at creativity,
sa kamay ng reliable na musical scorer na si Ms. Len Calvo
ay napanatili nitong exciting pakinggan ang tugtog sa dokyu
na hindi kailangang sumapaw sa mga likha ng SB19.
 
Sa kabilang banda, pumukaw sa interes ko sa dokyung ito ay ang mga tao
behind sa performances ng SB19 tulad nina Direk Lorraine at Coach Jay
kasi sila 'yung tumutulong para mas mag-improve ang performances ng grupo.
 
Sa isang casual tulad ko, nag-enjoy naman kami 
panoorin ng ka-trabaho ko ang dokyu
kahit may mga flaws ang mismong dokyu.
Nakakatuwa to get info like SB19 ang pangalawang nag-concert sa Japan after Vice Ganda.
At ang mas nakakatuwa nito ay nabigyan ng pagkakataon
na maipalabas ang ganitong dokyu sa sinehan
kasi bihirang mabigyan ng chance ang mga documentaries
na magkaroon ng theatrical release lalo dito sa Pinas.

Tuesday, August 27, 2024

DOKUMENTARYONG “AND SO IT BEGINS” AT “ALIPATO AT MUOG”

 


Maituturing o maisasaalang-alang nga bang taon ng dokumentaryo ang 2024?
 
Kung sa pananaliksik, tapang at pagpapakita ng mga tunay na kaganapan sa lipunan,
dokumentaryo ang maaasahan.
 
Ang mga Pilipino kasi nasanay na ipinapalabas sa free TV ang mga dokyu.
Kaya naman, nakakatuwang masaksihan na nung manood ako ng "Alipato at Muog"
ni JL Burgos sa Trinoma nitong nagdaang Cinemalaya ay puno ang sinehan.
Samantalang, napanood ko naman ang "And so it begins" sa Fisher Mall Malabon.
Patunay na may manonood sa dokumentaryo kahit pa ipalabas ito sa sinehan.
Nakakalungkot lamang isipin na walang screening sa major cinemas
ang dokyung Alipato at Muog at And so it begins.
 
Sa linggong ito, ipapalabas din ang Ang Pagtatag: SB19 docu.
 
Marami pang dokyu ang inaasahang ipapalabas tulad ng kontrobersyal
na "Lost Sabungeros" at iba pang dokyu sa iba't ibang film festivals.
 
Konti lamang ang mga nais kong sabihin nung mapanood ko ang dalawang dokyu.
 
Sa "Alipato at Muog", hindi nilimitahan sa dokyu ang paglalahad
sa pagdukot at pagkawala ng kilalang aktibistang si Jonas Burgos.
Bagkus, mas nakilala natin sina Jonas at ang kanyang inang
si Editha Burgos bilang taong maaaring nakakasalamuha natin sa araw-araw.
Tumatak sa akin na malaki ang impact ni Jonas Burgos sa mga magsasaka.
Sa kanyang pagmamalasakit at taos-pusong pagtulong
sa mga magsasakang minamaliit ng mga mataas ang antas sa buhay.
Kalaunan ay nakamit nila ang lupang kanilang sinasakahan
dahil sa pagpupursige ni Jonas na bigyang hustisya
ang karapatan ng mga magsasaka sa kanilang lupang sinasaka.
Pangalawa, matindi ang determinasyon ni Gng. Editha Burgos
upang mahanap ang kanyang nawawalang anak.
Na kahit pa hanggang ngayon ay hindi siya nawawalan ng pag-asa.
 
May animation na bahagi ang dokyu na aking nagustuhan
dahil ito ang naging simbolismo sa mga panaginip
at kahit ang personal na pinagdadaanan ng filmmaker
at kapatid ni Jonas na si JL habang hinahanap ang kanyang Kuya.




Samantala ang "And so it begins" naman ay binabalik at sinasariwa naman ang mga kaganapan noong kampanya ni Leni Robredo sa pagkapangulo noong 2022, eleksyon noong 2022 at kung paano ito konektado sa naunang dokyu ni Ramona Diaz na "A thousand cuts" patungkol kay Maria Ressa.
 
Nagmistulang rehash ng "A Thousand Cuts" ang bahagi kung saan si Maria Ressa
ay in-interview kaya kahit papaano ay nakaapekto ito sa takbo ng dokyu.
Ang interesting sa akin sa bahagi ng dokyu kay Maria Ressa ay nung nanalo siya
ng Nobel Peace Prize at ang interview ng isang citizen watcher
pagdating sa mga trolls o bashers ni Leni. 
 
Ngunit tuwing bumabalik ang eksena sa kampanya ni Leni noong 2022 eleksyon,
muling nabubuhayan ako ng loob sa panonood.
Lalo akong nabuhayan noong ipakita ang footage ng street performance
ng mga concerned artists tulad nina Jaime Fabregas 
at Bodjie Pascua.
Cut to nagbigay ng leaflets si Jaime Fabregas sa isang tindera
at nakilala siya subalit tinanggihan ng tindera ang leaflets
dahil BBM ang iboboto niya. 
 
Sa personal na karanasan, dumalo ako sa Kulay Rosas ang bukas campaign rally
noong March 2022 sa Notre Dame at St. Mary's sa Caloocan para sa CaMaNaVa.
Kaya naman umasa ako na sana kasama ang footage sa dokyu
dahil inabot ng madaling araw ang kampanyang iyon. 
 
Hindi ko makalimutan nung dumalo ako dahil considered na pandemic pa din noon
pero maraming dumalo at sa nasaksihan ko
ang hindi mapigilang pagpupuyos ng damdamin
ng mga dumalo para sa pagbabago.
Ramdam mo ang lakas at walang kapagurang mga kabataan
habang sinisigaw ang chant na "Hindi kami bayad!'
at "Kabataan ngayon kami ay lumalaban!"
Hindi nagpapasok sa open field ng nabanggit na paaralan
dahil maraming dumalo sa event.
Pinanood ko na lamang sa malaking screen ang performance ng Tropical Depression 
ng kanilang kantang "Kapayapaan”.
May mga galing pa ng ibang lugar na pumunta talaga ng rally na iyon
na gusting makiisa.
Hindi ko na nga lang kinaya ang init ng panahon kaya umuwi ako bago dumilim.
Pero itinuloy ko ang pakikiisa sa panonood sa live streaming sa social media.
 
May mga namimigay ng libreng pagkain at tubig.
Ramdam at kita ang pag-asa sa bawat dumalo.
Mararamdaman mo ang pagkakaisa at pag-asa at bayanihan
kahit sa CaMaNaVa rally lamang ako pumunta.
Na sana iyon ang na-capture ng dokyu.
Nauunawan naman ang koneksyon ni Maria Ressa kay Leni Robredo
dahil ang Rappler ang nakaalam ng mga fake news kay Leni at trolls niya.
Subalit, nalimitahan ang dokyu kung ano tunay na puso ng campaign rallies na iyon.
 
Sa huli, ang dalawang dokyu ay pinapakita sa atin ang dalawang magkaibang pulitikal 
na pakikibaka.