Wednesday, November 16, 2016

TATLONG TAONG WALANG DIYOS: THREE YEARS WITHOUT GOD (Digitally restored and remastered)



Isang hamon sa industriya ng pelikulang Pilipino ang mag-preserve ng mga kopya ng mga luma o classic na pelikulang sariling atin. Mas lalong isang hamon na ito ay i-digitally restored at remastered.

Ilan sa mga dokyumentaryo na aking napanood noon ay ang "Pantasya ng Bayan" ng I-Witness kung saan ipinakita na natagpuan pa sa ibang bansa ang kopya ng lumang pelikulang "Darna" noong 1950's. Ang masaklap dito eksena na lang ni Valentina ang naligtas.

Kahit noon pa man, marami ring kakulangan sa kagamitan pagdating sa pag-aayos ng kopya ng pelikula noon. Tulad na lamang ng karanasan ni Francis Ford Copolla sa paglikha ng kanyang obrang "Apocalypse Now". Walang professional film laboratories ang ating bansa ng i-shoot ang pelikulang ito ng mga panahong iyon. Hindi nalalayo ang taon ng gawin ang pelikulang "Tatlong Taong Walang Diyos".

Itinuturing na pangalawang Golden Age of Philippine Cinema ang 70's dahil ito ang dekada ng mga mahuhusay na filmmakers at mga pelikulang obra nila. Nariyan sina Lino Brocka, Ishmael Bernal, Mike De Leon, Eddie Romero, Celso Ad Castillo, Mario O' Hara at marami pang iba. Kabilang sa mga pelikula ng dekada ang Maynila sa mga Kuko ng Liwanag, Nunal sa Tubig, Insiang, Ganito Kami Noon Paano Kayo Ngayon?, Insiang, Tatlong Taong Walang Diyos at marami pang iba.

Ating pagtutuunan ng pansin ang isa sa mga digitally restored at remastered ang classic at critically-acclaimed na pelikulang Pilipino ang "Tatlong Taong Walang Diyos".

Isa ito sa mga restored classics ng Cinema One Originals.

Nobyembre 15 nang iganap ang red carpet gala screening ng digitally restored at remastered na "Tatlong Taong Walang Diyos".

Maulan ang panahon subalit hindi natinag ang mga supporters ng pelikulang Pilipino. Dumalo rin ang mga kilalang personalidad sa industriya tulad nila Angel Aquino, Ricky Davao, Isay Alvarez, Robert Sena, Lore Reyes, Joyce Bernal, Lance Raymundo, Bernardo Bernardo, Edwin Sallan, Philbert Dy, Mario Bautista, Jeffrey Hidalgo at marami pang iba. Naroon din ang mga Noranians.

Ang pelikulang "Tatlong Taong Walang Diyos" ay produced at pinagbidahan ng nag-iisang superstar Ms. Nora Aunor mula sa panulat at direksyon ni Mario O' Hara. Kasama rin sina Christopher De Leon at Bembol Roco (Rafael Roco, Jr.).

Mula sa pamagat, ipinakita kung paano harapin ng tatlong pangunahing tauhan ang tatlong taon ng digmaan.

Si Rosario (Nora Aunor) ay isang dalagang guro at si Crispin (Bembol Roco) ay dalawang magkasintahang naipit sa gulo ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Si Crispin ay sumama sa gerilyang nakikibaka at lumalaban sa mga Hapones.

Nilusob ng mga Hapones ang bayan nila Rosario. Mas piniling manatili nila Aling Sion (Yolanda Luna) at Mang Andoy (Mario Escudero) pati ang kanyang kapatid sa kanilang bahay habang ang iba nilang kababayan ay nilisan ang kanilang lugar.

Isang gabi, kumatok sa pintuan ng bahay nila Rosario sina Masugi (Christopher De Leon) at Francis (Peque Gallaga). Si Masugi ay isang Hapones na mahusay magsalita ng Tagalog sapagkat sa Maynila siya lumaki. Si Francis naman ay matalik na kaibigan ni Masugi at isa ring doktor. Hindi nagustuhan ni Masugi ang pagiging palaban ni Rosario matapos niyang gustong paalisin ang dalawa habang umiinom ng alak kasama ang kanyang ama. Sa pagkalasing ay ginahasa ni Masugi si Rosario. Biglang umalis sina Masugi at Francis.

Makalipas ang ilang linggo, binalikan ni Masugi si Rosario upang humingi ng kapatawaran sa kanyang nagawa ngunit hindi ito matanggap ng dalaga. Kahit dalhan pa ng mga pagkain ang pamilya ni Rosario ay hindi nya pa rin mapatawad ang binata. Habang nagsisimba ang mag anak ni Rosario ay bumisita ang Hapon. Binaril ng isang gerilya ang isang Hapon. Dahilan upang magkagulo sa loob ng simbahan at arestuhin ang mga kalalakihan kanilang si Mang Andoy. Ipinagtapat naman ni Rosario kay Masugi na siya ay buntis. Sa tulong ni Masugi ay nakalaya si Mang Andoy. Labis itong kinainis ng kanilang kababayan. Inayang magpakasal ni Masugi si Rosario. Sa una'y tumanggi ito subalit pumayag din sa huli.

Hindi naglaon ay natutunang mahalin ni Rosario si Masugi. Lalo pa ng makita ni Rosario ang kabutihan nya. Bumalik naman si Crispin kay Rosario ngunit nakita n'yang may anak na ito. Ikinuwento ni Aling Sion ang nangyari kay Rosario at tinanggap nya ito.

Lalo namang tumindi ang giyera ng kumilos muli ang Amerika laban sa mga Hapon. Hindi na maiwasan pa ng mag asawang Rosario at Masugi na itago ang kanilang sanggol sa gitna ng digmaan. Kalaunan ay napatay ang pamilya ni Rosario ng mga gerilya. Dito naman muling nagbalik si Crispin. Inakala ni Rosario na kasabwat ng mga gerilya si Crispin ngunit sugatan pala ang binata at kahit na sa magkaibang panig pumayag si Masugi na tulungan si Crispin.

Nilusob na ng mga Amerikano ang mga Hapon badya ng pagkabigo ng Hapones sa Amerika. Dahil dito'y kailangan iligtas ni Masugi ang kanyang mag-ina ngunit sila 'y tinambangan. Napatay ang matalik na kaibigan ni Masugi na si Francis. Naitago naman pansamantala ni Masugi sina Rosario subalit napatay siya ng rebelde.

Nagtungo si Rosario sa simbahan at humingi ng tulong sa pari. Huli na ang lahat sapagkat kinuyog siya ng taumbayan hanggang sa kanyang katapusan.

Huli na rin ang lahat ng bumalik si Crispin. Tanging ang sanggol na lamang ni Rosario ang alaala nito. Dito nakausap niya ang pari kung mayroon bang Diyos. Sinagot siya ng pari habang may bulag na nagdarasal. Merong Diyos kaya nabuhay pa ang tulad ng mga biktima ng digmaan. Kahit pa ang naging buhay nila Rosario, Masugi at Crispin.

Isa ito sa hindi malilimutan at pinakamahusay na pagganap ni Nora Aunor. Mahusay din sina Christopher De Leon at Bembol Roco sa kanilang pagganap. Magaling ang iskrip at direksyon ni Mario O' Hara.

Naipakita sa pelikulang ito ang realidad at horror ng giyera. Tulad ng Oro, Plata, Mata, kabilang ito sa mga  pelikulang Pilipino na inilarawan ang buhay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Sa bahagi kung saan ang progress ng karakter ni Rosario matapos siyang gahasain ni Masugi ay naalala ko ang karakter ni Maricel Soriano sa pelikulang Dahas. Malayo man ang kwento at milieu ng pelikula ngunit may pagkakahalintulad sa pagbabago ng karakter. Ang karakter nila Rosario at Luisa ay parehas natutunang magpatawad at mahalin ang taong nanamantala sa kanila.

Napapanahon din ang dayalogo ng ilang mga tauhan tulad ng isang tagapagsalita ng mga Hapones at sabihing tangkilikin raw ang produkto ng mga Hapon, kaibigan daw ang mga Hapon at ang mga gamit ng Amerikano ay basura. Politikal ang dayalogong ito. Maski ang komprontasyon nila Masugi at Crispin ng pinapaanib ni Crispin sa gerilya. Tumanggi si Masugi dahil parang kinakalaban lang ng bawat isa ang kanilang sarili. Parang may pagkakahalintulad sa dayalogo ni Heneral Luna.

Sa kabilang banda, bago ipalabas ang digitally restored at remastered version ng Tatlong Taong Walang Diyos nagbigay ng paunang salita si G. Leo Katigbak ng ABS-CBN kung saan ipinaliwanag niya na isa sa pinakamahirap na ni-restore nila ang pelikulang ito sapagkat may mga scratches, dumi ang film negatives. Sa pakikipagtulungan ng Italian Company na Immagine Rirovata na pinamumunuan ni David Pozzi ay nai-restore ang pelikula. Sila rin ang kumpanyang nakipagtulungang i-restore ang pelikulang Maynila sa mga Kuko ng Liwanag.

Bahagi ng kultura ng isang bansa ang pelikula. Bilang isang Pilipino, dito natin nahahanap ang ating identity o pagkakakilanlan.

Maraming salamat sa mga tao at organisasyong sumusuporta sa pelikulang Pilipino tulad na lamang ng ABS CBN Film Archives, ABS CBN Film Restoration, Film Development Council of the Philippines at iba pang organisasyong binubuhay ang mga classic Filipino films.

Tunay na maipagmamalaki ang pelikulang Tatlong Taong Walang Diyos. Ito ay itinuturing sa isa sa pinakamahusay, pinakamahalaga at pinakamagandang Pelikulang Pilipino.

Mabuhay ang Pelikulang Pilipino!

No comments:

Post a Comment