Monday, July 24, 2017

KITA KITA (2017)



Kung nakapanood ka nang mga comedy films sa Viva Films noong 90's na kasama si Andrew E., marahil ang kwento ng isang bulag at ambisyoso (ambisyoso talaga ang term? Euphemism?) ay subplot lamang at supporting ang dalawang tauhan. Nakakatuwang isipin na sa pelikulang "Kita Kita" ay sila na ang bida.

Si Lea (Alessandra De Rossi) ay isang Filipinang tourist guide sa Japan. Sa Sapporo, Japan siya matagal ng naninirahan. Engaged siya sa kanyang boyfriend na Japanese na si Nobu. Sa mahigit na limang taon nilang mag-jowa ay nanlalamig sa kanya si Nobu. Isang gabi nalaman niyang may third party si Nobu. Ang masaklap ay kaibigan at isa pang Japinay ang karelasyon ni Nobu. Sa mga pangyayari ay labis na nasaktan at na-stress si Lea na naging dahilan para siya ay mabulag. (Nakakatakot na dahil sa sobrang stress ay nabulag ang bida). 

Bagong lipat naman na kapitbahay ni Lea si Tonyo (Empoy Marquez). Kapwa Filipino sila. Kaya naman ng mapansin ni Tonyo na nag-iisa at malungkot si Lea ay kinukulit nya itong makipag-usap at makipagkaibigan sa kanya. Si Lea naman ay hindi pa nakakamove-on at naninibago sa kanyang temporary blindness kaya umiiwas siya sa tao. Patuloy na kinakausap, kinukulit, tinatawag na "kabayan" at binibigyan ng nilutong pagkain ni Tonyo si Lea subalit sarado pa rin ang puso ng dalaga. Dahil na rin sa pagtyatyaga ni Tonyo ay muling binuksan ni Lea ang kanyang puso. Gusto ni Tonyo na maging tourist guide niya si Lea sa ibang bahagi ng Japan. Unti-unting naghihilom ang sugat ni Lea sa mga paraan ni Tonyo upang mapasaya siya.

Makakalimutan na ba ng tuluyan ni Lea ang kanyang ex? Makakakita pa ba siya? Kung makakita siyang muli ay matatanggap niya ba si Tonyo? Sino ba talaga si Tonyo? Magkakatuluyan ba ang dalawa? (Ayokong maging spoiler. Panoorin nyo na lang)

Matagal na akong hindi nakakapanood ng Filipino RomCom na pinatawa at pinaiyak ako. Nangyari lang ulit iyon dahil sa pelikulang "Kita Kita". 

Muling napatunayan ni direk Sigrid Andrea P. Bernardo ang kanyang husay sa pagkwento at direksyon. Tulad sa nauna niyang pelikulang "Ang Huling Cha-Cha ni Anita", hindi korni o pilit na nagpapatawa ang pelikula at hindi ka rin uutusan ng pelikula na umiyak. Magaling ang timing ng comedy at drama ng pelikula. Nakakaaliw at nakakaiyak sa mga eksenang akma sa pinaghalong genre. Si direk Sigrid ay maihahanay sa mga direktor na tumatalakay sa isyu ng kababaihan tulad nila Laurice Guillen at late Marilou Diaz-Abaya. 

Si Sigrid Andrea P. Bernardo ay isa sa pinakamahusay na feminista ng millennial generation. Maaaring ma-nominado si direk Sigrid ng Best Screenplay at Best Director sa mga award-giving bodies sa pelikulang ito.

Effective ang chemistry nila Alessandra De Rossi at Empoy Marquez. Nakakatuwa ang mga eksena kung saan "duma-the moves" si Tonyo kay Lea. Sa totoo lang, wala na akong ibang maisip na mga aktor na maging Tonyo at Lea kundi sina Empoy at Alessandra lang. 

Nakadagdag muli sa mga hindi malilimutang filmography ni Alessandra De Rossi ang "Kita Kita". Mahusay na nagampanan ng aktres ang kanyang papel bilang babaeng nasubok ang katatagan dahil sa temporary blindness at muling binuksan ang puso na makaramdam ng pagmamahal. Maaari siyang maging nominado muli sa iba't ibang award giving bodies bilang Best Actress dahil sa pelikulang ito.

Alam nating komedyante si Empoy ngunit sa pelikulang ito hindi lang siya nagpatawa kundi nagpaiyak din. Para sa akin, ito ang kanyang role at pelikula na hindi ko makakalimutan. Maaari ring maging nominado bilang Best Actor si Empoy dito.

Malaki ang naitulong sa setting o location ng pelikula sa Sapporo, Japan dahil nagsilbi itong witness ng namuong relasyon ng dalawang karakter. Halimbawa, sa pelikulang "Under the Tuscan Sun" (2003) bahagi ng pagmomove on ng karakter ni Diane Lane ang Italy. Ang Sapporo ang tumulong kanila Lea at Tonyo upang makapag-move on.

Habang pinapanood ko ang pelikula ay parang pinaghalong Japanese, Korean, French film ang feels.

Nakadagdag pa sa emosyonal na bahagi ng pelikula ang version ni KZ Tandingan ng Air Supply hit na
"Two Less Lonely People in the World". Umakma din ang themesong sa pelikula. Nakaka-LSS tuloy.

Worth watching ang pelikulang "Kita Kita". 

Friday, July 14, 2017

BAKA BUKAS (2016)



Isa sa mga pelikulang kasama sa 2016 Cinema One Originals ang Baka Bukas. Ito ay tungkol sa twenty-something na si Alex (Jasmine Curtis – Smith). Isang jill-of-all-trades at multi-tasker na nagrerepresent ng ating millenial generation. Sa sobrang creative nya ay nag-juggle siya sa iba’t ibang trabaho. Ilan lamang dito ang pagiging writer, director, production designer at social media manager. Isang bagay ang gumugulo sa kanya iyon ay dahil hindi siya makapag-come out sa kanyang bestfriend at aspiring actress na si Jess (Louise Delos Reyes) pati na sa feelings niya sa aktres.

Habang pinapanood ko ang pelikula,  mapapansin ang social status o class ng mga tauhan. Socialite sila kaya naman pati sa language at mga outfit nila ay talagang hindi sila nagpapahuli sa uso o fashion. Dagdag pa rito ang pagtratrabaho nila sa industriyang fast-paced. Ito ay ang media.

Naiiba ang pagganap ni Jasmine Curtis – Smith bilang Alex. Innocent-looking, child-like, gamine ngunit mas madalas na quiet at observant na may pagka-playful. Parang Audrey Hepburn ang dating. May mga bagay na naguguluhan ako sa karakter ni Alex. Hindi malinaw kung ano ang gusto ng karakter ni Alex. May mga lines sya na pilit ang lalim pero hindi ako maka-connect sa emosyon niya o sadyang hindi naman intentional na parang nag shut down siya ng emotions. Maaari ring ganito ang representation sa mga millenials. Nag-come out siya pero parang nag-hold back.

Surprisingly, nagustuhan ko ang portrayal ni Louise Delos Reyes sa pelikula bilang bestfriend ni Alex – si Jess. Kahit pa hindi masyadong na-establish ang pag come out ni Jess. Siya ang risk-taker, clingy at coquettish. Roller coaster ang kanyang emosyon. Mas matapang siyang mag-express ng feelings niya toward Alex lalo pag sila lang dalawa. Dahil sa sikreto ang naging relasyon nila mula bestfriend hanggang sa maging mag-jowa.

Kapansin pansin ang maong jacket na sinusuot ni Alex. Maaaring it represents rebellion. Kumbaga eh millenial generation ng mga James Dean.

Makikitang may issue ng absentee parenting sa part ng nanay ni Alex (Cheska Inigo) na common nowadays. Kaya nakaapekto ito sa karakter ni Alex. Isa pa ang hindi visible na presence at hindi nabanggit ang tatay ni Alex sa pelikula.

On the other hand, natuwa ako sa mga supporting actors na sina Nel Gomez bilang David at Gio Gahol bilang Julo. Si David na photographer at si Julo naman na stylist. May issue din ang dalawa. Ito ang hindi pag-amin ng feelings sa isa’t isa hanggang sa hinarap nila ang pagiging mag-jowa.

Directorial debut ito ni Samantha Lee. Kaya maiintindihang personal sa kanya ang pelikula. Pakiramdam ko lamang ay may kulang sa pelikula. Kulang ito sa lalim pero hindi maikakailang maganda ang sinematograpiya ng pelikula.


Dahil sa matapang na pagganap nila Jasmine Curtis-Smith at Louise Delos Reyes sa “Baka Bukas” ay napasama ang kanilang performance sa TV show na Ang Pinaka sa episode nitong “Ang Pinaka: Memorable Lesbian Roles in Philippine Cinema”. 

Friday, July 7, 2017

NED'S PROJECT (2016)



Kabilang sa 2016 CineFilipino Film Festival ang pelikulang "NED'S PROJECT" mula sa script ni John Bedia at direksyon ni Lemuel Lorca.

Ginampanan ni Angeli Bayani ang karakter na si Henedina De Asis o mas kilala sa palayaw na Ned. Si Ned ay butch na tomboy. Ikinabubuhay niya ang pagiging tattoo artist sa Sampaloc, Quezon. Hindi siya tanggap ng kanyang pamilya kaya mag-isa siyang namumuhay sa kanilang lumang bahay hanggang sa makilala niya ang manikuristang girlfriend na si Gladys (Dionne Monsanto). Nagli-live in na silang dalawa kaya naman naghahangad siya na magkaroon ng anak at pamilya. Hindi gusto ni Gladys ang ideyang ito. Hindi din tanggap ng ate ni Ned na si Olga (Ana Abad Santos) si Gladys. Samantala, inalagaan naman ni Ned ang kanyang nagsisilbing mentor si Max/Maxima (Lui Manansala). Habang inaalagaan ni Ned si Max sa sakit nito ay nasasaktuhan niyang abutin ang programang "Tibo Tibo, Tiba Tiba". Isa itong contest para sa mga tomboy kung saan ipapakita nila ang kanilang angking talento at ang magwawagi sa grand finals ay mag-uuwi ng 250, 000 pesos. Nais sumali ni Ned sa contest upang magkaroon ng perang sapat para sa artificial insemination upang magkaanak siya. 

Magkasabay na malungkot na pangyayari ang dumating sa buhay ni Ned. Ipinagpalit ni Gladys si Ned sa isang lalaki at namatay si Max. Tuloy pa rin ang buhay ni Ned. Patuloy ang buhay ni Ned at hindi niya itinigil ang pagta-tattoo artist hanggang sa makilala niya at maging kliyente niya si Ashley (Max Eigenmann).

Sa una'y hindi magkasundo sina Ashley at Ned. Hanggang sa unti-unti nilang nagustuhan ang isa't isa. Pinakiusapan ni Ned si Ashley na turuan siyang sumayaw para sa pagsali niya sa "Tibo Tibo, Tiba Tiba". Dito mas lalong lumalim ang kanilang pagkakaibigan.

Si Ashley na ba ang babae para kay Ned? Manalo kaya si Ned sa pagsali niya ng contest? Matupad naman kaya ang pangarap ni Ned na maging isang ina? 

Mahusay ang pagganap ni Angeli Bayani bilang Ned. Inaral niya ang kilos, pananamit at pananalita ng isang butch lesbian. Kumbaga dumaan sa matinding transformation si Angeli Bayani sa role na ito. Ang natatandaan kong performances na may ganyang matinding transformation sa pagganap ng lesbian ay sina Hilary Swank sa pelikulang Boys Don't Cry (1999) at Charlize Theron sa pelikulang "Monster" (2003). Kaya naman hindi kataka takang mapasama ang kanyang performance sa TV show na Ang Pinaka sa Memorable Lesbian Roles in Philippine Cinema. Deserving din ang kanyang pagiging nominado sa Gawad Urian bilang Pinakamahusay na Pangunahing Aktres. Isa siya sa bet ko o gusto kong magwagi sa parangal kasama nina Irma Adlawan sa Oro (2016) at Jaclyn Jose sa Ma' Rosa (2016).

Magagaling din ang ensemble cast ng pelikula. Natuwa ako kay Ana Abad Santos bilang Olga na kapatid ni Ned. Magaling din sina Max Eigenmann bilang Ashley, Lui Manansala bilang Max, Dionne Monsanto bilang Gladys, Star Orjaliza at Biboy Ramirez. 

Mahusay ang execution ng pelikula mula sa malikhaing direksyon ni Lemuel Lorca at script ni John Bedia. Dagdag pa nito ang tama sa timplang comic timing at dramatic moments ng pelikula. Deserving din ang pagiging nominado nila Lemuel Lorca sa Pinakamahusay na Direktor at John Bedia sa Best Screenplay.

Kakaibang movie experience ang mapanood ang Ned's Project. 

Monday, July 3, 2017

ESPRIT DE CORPS (2014)



Bihira akong makapanood ng pelikulang tulad ng Esprit De Corps. Kabilang ang pelikulang ito sa Cinema One Originals 2014. Mula sa panulat at direksyon ni Kanakan Balintagos o mas kilala bilang Auraeus Solito. Matapang na tinalakay ng pelikula ang mga isyu sa loob ng training ng mga kadete noong panahon ng diktadurya ni Marcos. Isa sa lalong nagpatapang sa pelikula ay ang ihalo ang usaping sekswalidad sa mga kadete. Maaaring hindi na ito bago o naitalakay na ito sa ibang foreign films o tagalog na indie ngunit sa aspeto na ginawa itong poetic ang naging dahilan para ito'y maging distinct. Tulad sa pelikulang "Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa" (2011) ay dinaan sa mga matalinghagang dayalogo ang mga bagay na pilit itinago o hindi kayang ipakita.


Mahusay na ginampanan ni Sandino Martin ang papel na C/Pvt Abel Sarmiento. Sensitibo, tahimik ngunit maingat at handang suungin ang mga proseso upang mapasakamay niya ang posisyon ni Major Mac. May mga bahagi sa pelikula na gripping at compelling ang pag-arte ni Sandino Martin. Napatunayan niya ito sa eksena tulad ng aminin niya sa kanyang matalik na kaibigan na biktima siya ng sexual abuse ng pari, ang hubo't hubad niyang paglangoy sa swimming pool at frontal nudity nya habang kausap ang matalik na kaibigan sa swimming pool. Lalo na sa eksenang tinanggihan niya ang madaling paraan upang mapalitan si Mac. Matapang naman ang pagganap ni JC Santos bilang Major Mac, ang scheming, manipulative na S3 (operations officer) ng isang eksklusibong Catholic School for boys. May mga bagay na pilit niyang itinatago at hindi sinasabi ngunit halata ito sa kilos niya - ang kanyang kahinaan. Nakakagulat din dito si Lharby Policarpio bilang C/Pvt Cain Fujioka. Isang anak ng Japayuki at matalik na kaibigan ni Abel. Handa niya ring gawin ang lahat upang mapasakamay ang posisyon ni Mac kahit sa puntong gamitin siya ni Major Mac. Mapangahas ang eksena nila Lharby Policarpio at JC Santos.



Nakakatuwa ang mensahe ng pelikula tungkol sa pagdaan sa proseso ng mga pangunahing karakter. Mas pinili ni Cain ang mabilis na proseso kaya hinayaan na lamang niya si Mac na gawin ang gusto nito. Samantalang kahit mahirap ay mas ginusto ni Abel na dumaan sa tamang proseso kaya makikitang mas nagugustuhan ni Mac ang kanyang determinasyon.

Sa mga pangalan ng karakter, maaaring tinangka ng filmmaker na kumuha ng reference sa Bibliya. Tulad sa Bibliya, mas pinili ni Abel ang kalugod lugod na alay o handog kesa sa paraang ginawa ni Cain. 


Maganda rin ang kantang "Handa Na" na inawit nila Sandino Martin at JC Santos.