Kung nakapanood ka nang mga comedy films sa Viva Films noong 90's na
kasama si Andrew E., marahil ang kwento ng isang bulag at ambisyoso (ambisyoso
talaga ang term? Euphemism?) ay subplot lamang at supporting ang dalawang
tauhan. Nakakatuwang isipin na sa pelikulang "Kita Kita" ay sila na
ang bida.
Si Lea (Alessandra De Rossi) ay isang Filipinang tourist guide sa Japan.
Sa Sapporo, Japan siya matagal ng naninirahan. Engaged siya sa kanyang
boyfriend na Japanese na si Nobu. Sa mahigit na limang taon nilang mag-jowa ay
nanlalamig sa kanya si Nobu. Isang gabi nalaman niyang may third party si Nobu.
Ang masaklap ay kaibigan at isa pang Japinay ang karelasyon ni Nobu. Sa mga
pangyayari ay labis na nasaktan at na-stress si Lea na naging dahilan para siya
ay mabulag. (Nakakatakot na dahil sa sobrang stress ay nabulag ang bida).
Bagong lipat naman na kapitbahay ni Lea si Tonyo (Empoy Marquez). Kapwa
Filipino sila. Kaya naman ng mapansin ni Tonyo na nag-iisa at malungkot si Lea
ay kinukulit nya itong makipag-usap at makipagkaibigan sa kanya. Si Lea naman
ay hindi pa nakakamove-on at naninibago sa kanyang temporary blindness kaya
umiiwas siya sa tao. Patuloy na kinakausap, kinukulit, tinatawag na
"kabayan" at binibigyan ng nilutong pagkain ni Tonyo si Lea subalit
sarado pa rin ang puso ng dalaga. Dahil na rin sa pagtyatyaga ni Tonyo ay
muling binuksan ni Lea ang kanyang puso. Gusto ni Tonyo na maging tourist guide
niya si Lea sa ibang bahagi ng Japan. Unti-unting naghihilom ang sugat ni Lea
sa mga paraan ni Tonyo upang mapasaya siya.
Makakalimutan na ba ng tuluyan ni Lea ang kanyang ex? Makakakita pa ba
siya? Kung makakita siyang muli ay matatanggap niya ba si Tonyo? Sino ba talaga
si Tonyo? Magkakatuluyan ba ang dalawa? (Ayokong maging spoiler. Panoorin nyo
na lang)
Matagal na akong hindi nakakapanood ng Filipino RomCom na pinatawa at
pinaiyak ako. Nangyari lang ulit iyon dahil sa pelikulang "Kita
Kita".
Muling napatunayan ni direk Sigrid Andrea P. Bernardo ang kanyang husay
sa pagkwento at direksyon. Tulad sa nauna niyang pelikulang "Ang Huling
Cha-Cha ni Anita", hindi korni o pilit na nagpapatawa ang pelikula at
hindi ka rin uutusan ng pelikula na umiyak. Magaling ang timing ng comedy at
drama ng pelikula. Nakakaaliw at nakakaiyak sa mga eksenang akma sa pinaghalong
genre. Si direk Sigrid ay maihahanay sa mga direktor na tumatalakay sa isyu ng
kababaihan tulad nila Laurice Guillen at late Marilou Diaz-Abaya.
Si Sigrid Andrea P. Bernardo ay isa sa pinakamahusay na feminista ng
millennial generation. Maaaring ma-nominado si direk Sigrid ng Best Screenplay
at Best Director sa mga award-giving bodies sa pelikulang ito.
Effective ang chemistry nila Alessandra De Rossi at Empoy Marquez.
Nakakatuwa ang mga eksena kung saan "duma-the moves" si Tonyo kay
Lea. Sa totoo lang, wala na akong ibang maisip na mga aktor na maging Tonyo at
Lea kundi sina Empoy at Alessandra lang.
Nakadagdag muli sa mga hindi malilimutang filmography ni Alessandra De
Rossi ang "Kita Kita". Mahusay na nagampanan ng aktres ang kanyang
papel bilang babaeng nasubok ang katatagan dahil sa temporary blindness at
muling binuksan ang puso na makaramdam ng pagmamahal. Maaari siyang maging
nominado muli sa iba't ibang award giving bodies bilang Best Actress dahil sa
pelikulang ito.
Alam nating komedyante si Empoy ngunit sa pelikulang ito hindi lang siya
nagpatawa kundi nagpaiyak din. Para sa akin, ito ang kanyang role at pelikula
na hindi ko makakalimutan. Maaari ring maging nominado bilang Best Actor si
Empoy dito.
Malaki ang naitulong sa setting o location ng pelikula sa Sapporo, Japan
dahil nagsilbi itong witness ng namuong relasyon ng dalawang karakter.
Halimbawa, sa pelikulang "Under the Tuscan Sun" (2003) bahagi ng
pagmomove on ng karakter ni Diane Lane ang Italy. Ang Sapporo ang tumulong
kanila Lea at Tonyo upang makapag-move on.
Habang pinapanood ko ang pelikula ay parang pinaghalong Japanese,
Korean, French film ang feels.
Nakadagdag pa sa emosyonal na bahagi ng pelikula ang version ni KZ
Tandingan ng Air Supply hit na
"Two Less Lonely People in the World". Umakma din ang
themesong sa pelikula. Nakaka-LSS tuloy.
Worth watching ang pelikulang "Kita Kita".
salamas
ReplyDelete