Wednesday, August 16, 2017

RESPETO (2017): Ang pelikulang karapat-dapat na i-respeto




Isa sa mga pelikulang kalahok sa Cinemalaya 2017 ang "Respeto". Mula sa direksyon ni Alberto Treb Monteras II at panulat nina Treb Monteras at Njel De Mesa.

Si Hendrix (Abra) ay isang kabataang maagang namulat sa karahasan at kahirapan sa kanilang lugar sa Pandacan. Pangarap niyang maging sikat na freestyle rapper o sa flip top tulad ni Jogard Bayagbag o mas kilala sa tawag na Breezy G. (Loonie)

Dahil na rin sa hirap ng buhay at pakikisama sa kinakasama ng ate Connie (Thea Yrastorza) niyang si Mando (Brian Arda) ay napipilitang magbenta ng droga si Hendrix. 

Sa kagustuhang mapasabak sa pagtatangka niyang sumubok sa flip top at mapansin ng kanyang hinahangaang si Candy (Kate Alejandrino) ay nagamit nya ang pera ni Mando. Sa kasamaang palad ay natalo siya at napagalitan at nasaktan pa ni Mando. Kaya naman naisipan niyang pasukin ang bahay ni Doc (Dido Dela Paz), isang retiradong makata. Tinulungan si Hendrix ng kanyang mga kaibigang sina Betchai (Chai Fonacier) at Payaso (Yves Bagadiong).

Nabigo silang tatlo ng mahuli ang tatlo ni Doc ngunit imbes na hayaang maparusahan ang tatlo ay hiniling na lang niya na ayusin ang kanyang bookshelves.

Natuklasan ng tatlo ang mga likha ni Doc na gusto niyang ibaon sa limot. Unti-unti ring nagkakasundo sina Doc at Hendrix pati ang kaibigan ni Hendrix.

Hindi makapaniwala si Doc dahil ang mga itinabi niyang likha ay ginamit ni Hendrix para sa isang gabi ng showdown ng flip top. Kaya sumugod si Doc sa event at sinabihang "huwad na makata" at "hindi lamang magnanakaw ng gamit. Magnanakaw din ng ideya" si Hendrix.

Hindi ito naging dahilan para magalit at tuluyang lubayan ni Doc si Hendrix.  

Samantala, hindi makasundo ni Doc ang kanyang anak na pulis (Nor Domingo). Hindi rin gusto ng anak nya na mamalagi siya sa lumang bahay na punong puno ng mapait na alaala. Walang kamalay malay si Doc na kasabwat ang anak niya sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Hindi naman makapaniwala si Hendrix na ang aabutan niya ng drogang ipinapahatid sa kanya ay si Breezy G. At magiging witness siya sa isang masaklap na pangyayari ang i-gang rape si Candy.

Dito lalong nagkaroon ng koneksyon si Doc at Hendrix dahil si Doc ay may parehong karanasan ng kanyang pamilya noong panahon ng diktadurya.

Sa kaarawan ni Hendrix, isang kagimbal gimbal na pangyayari ang masasaksihan ni Hendrix na maski siya ay magiging bahagi nito.

Pinaghalong tradisyunal at makabago ang paraan upang i-reach out ang mga millenials na manonood. Ang ganitong paraan ay itinuturing na instrumento o daan upang maging komunikasyon sa pamamagitan ng mga berso at tula. 

Malaki man ang impluwensiya ng mga Hollywood films tulad ng 8 Mile (2000) at mga likha ni Spike Lee na maaaring naging reference ng pelikula. Fresh ang take sa konsepto ng pelikula lalo't bihira kang makapanood ng ganito sa pelikulang Pilipino.

Hindi siya basta poverty porn film. Napapanahon ang mga isyung tinalakay sa pelikula. Maraming sosyopolitikal at sosyoekonomika ang mga tinalakay sa pelikula. Nariyan ang kalagayan sa lipunan, kahirapan, prostitusyon at pagbabago sa uri ng panitikan. Natalakay din ang extrajudicial killings na una kong napanood sa "Engkwentro" ni Pepe Diokno. Sa demolition scene ng pelikula pinaalala sa akin nito ang isang parehong eksena sa pelikulang "Ataul for Rent" ngunit mas matapang na inilarawan ang demolition scene sa pelikulang ito.

Mahusay ang pagkakaganap ni Dido Dela Paz bilang Doc. Sumasalamin siya sa isang henerasyon na pilit nililimot ang pait ng kasaysayan. Ang relasyon nila Doc at Hendrix ay sumisimbolo sa generation gap. Challenging sa part nila Abra at Loonie ang gumanap sa kanilang papel dahil hindi mo alan kung paano sila huhugot ng emosyon subalit napanindigan naman nila ang kanilang papel. Mas lalong mapanghamon sa part ni Abra ang pagganap bilang troubled na kabataang nangangarap na maging rapper at sumikat sa larangan ng flip top. Magaling din si Nor Domingo bilang anak na pulis ni Doc. Si Nor Domingo ang gumanap na kanang kamay sa karakter ni Nonie Buencamino sa TV series na "The Greatest Love" at nagsilbi ring Lighting Director ng show

Humanga ako kay Chai Fonacier. Dumagdag muli sa kanyang filmography ang pelikulang ito. Naalala ko siya sa pelikulang "Pauwi Na". Kaya naman aabangan ko siya sa "Patay na si Hesus" dahil hindi ko ito napanood nung QCinema 2016. Naalala ko kay Chai Fonacier si Taraji P. Henson hindi sa kanyang hitsura kundi sa galing sa pag-arte. Isa siya sa pakakaabangan na indie actress na maaaring ihanay kanila Angeli Bayani, Mercedes Cabral, Irma Adlawan at Sue Prado.

Kahit maikli ramdam mo ang sakit sa nangyari sa karakter na Candy ni Kate Alejandrino. Siya rin ang gumanap na ex-girlfriend sa lesbian karakter ni Jasmine Curtis-Smith sa pelikulang "Baka Bukas".

Mahusay ang execution ng pelikula kahit ang script nito. Magaling rin ang musika dahil ito ay nilapat ni Jay Durias. Maski ang teknikal na aspeto tulad ng ilaw at tunog ay umakma sa pelikula.


Karapat-dapat lamang na i-respeto ang pelikulang "Respeto".

No comments:

Post a Comment