Sunday, August 20, 2017

PATAY NA SI HESUS at Muling Pagkabuhay ng dekalidad na comedy ng pelikulang Pilipino



Isa sa mga pelikulang kasama sa Pista ng Pelikulang Pilipino ang "Patay na si Hesus". Una itong naging kalahok sa 2nd QCinema noong 2016.

Nabalitaan ng single mother na si Iyay/Maria Fatima (Jaclyn Jose) na namatay na ang kanyang estranged husband na si Hesus. Nagdesisyon siyang isama ang kanyang mga anak upang bumiyahe mula Cebu hanggang Dumaguete para makipaglamay sa burol ni Hesus. Ayaw sumama ng dalawa niyang anak na sina Jude o Judith Marie (Chai Fonacier) na isang transman at underachiever na anak niyang si Jay (Melde Montanez) na unemployed at maka-ilang beses ng bumagsak sa board exam at patuloy pa ring umaasang makakapasa pa. Si Bert (Vincent Viado) lang ang gustong sumama kay Iyay habang bitbit ang alagang asong si Hudas (Sadie). Hindi payag si Iyaya na hindi sumama sina Jude at Jay kaya naman siya na ang nagdesisyong magmaneho ng kanilang van. Dadaanan din nila sa isang kumbento ang madreng hipag ni Iyay na si Lucy (Angelina "Mailes" Kanapi). Sa kanilang paglalakbay ay marami silang makikilala at mapagdadaanan at unti-unti itong magbubukas sa komunikasyon sa isang dysfunctional family hindi lamang upang masabing nakipaglamay sila sa burol ng ama bagkus ito ay para mas mapalapit ang isa't isa at mapagtibay ang samahan ng pamilya.  

Matagal na din akong nakakapanood ng road movies. Ilan lamang ang mga sumusunod na road movies: Two For the Road (1967) kasama sina Albert Finney at Audrey Hepburn, Thelma and Louise (1991) kasama sina Geena Davis at Susan Sarandon, Little Miss Sunshine (2006) kasama sina Steve Carell, Toni Collette, Greg Kinnear, Abegail Breslin at Paul Dano kahit ang pelikulang "Biyaheng Lupa" ni Armando Lao at "Langit sa Piling Mo" ni Eric Quizon. 

Naiiba naman ang road movie na "Patay na si Hesus" sa pelikulang Pilipino. Surprising na nakakatawa ang pelikula. Grabe ang tawa naming ng bestfriend ko habang pinapanood ang pelikula. Patay na si Hesus is very witty, outrageously and wickedly funny. May bahagi ang pelikula na somewhat may "Little Miss Sunshine" feels lalo't tungkol ito sa isang dysfunctional family at merong namatay na karakter. 

Chai Fonacier is magnificent. Labis ang aking paghanga sa aktres na si Chai Fonacier bilang Jude o Judith Marie. Nabigyan nya ng puso ang isang transman na naghahanap ng kalinga at pagmamahal at umaasang maibabalik sa kanya ang pagmamahal ng kanyang girlfriend dahil na rin sa itinuring na niyang para itong anak. Jaclyn Jose is astonishing. Napahanga rin ako ni Jaclyn Jose bilang Iyay o Fatima Marie dahil naiiba rin ang pagganap niya dito. Ewan ko ba kung bakit na-convince niya ako sa pagiging Bisaya niya. Talagang pinag-aralan niya ang paggamit ng Bisayang lengwahe. Isa ito sa mga dramedy roles nya na hindi ko makakalimutan tulad na lamang sa kanyang teleserye na “Mundo Mo’y Akin”. Subtle at hindi pilit magpatawa gaya na lamang ng kanyang co-actors. Natutuwa din ako kay Melde Montanez dahil effortless din ang pagpapatawa niya. Natural na natural. Ang pagganap ni Angelina Kanapi sa pelikulang ito ay parang extension ng kanyang role sa “Zombadings: Patayin sa Shokot si Remington.” Hahaha. Ang karakter naman ni Vincent Viado ang nagbigay ng konsensya sa kanyang pamilyang naguguluhan sa current situation nila sa buhay.

Mahusay ang paggawa ng script at execution ng direction dahil hindi ito pilit magpatawa at pinapakita ang normal na conversation at pinagdadaanan ng isang dysfunctional family. Magaling ang character development sa pelikula na makikita mo habang pinapanood ang bawat miyembro ng pamilya ni Iyay mula simula hanggang huli.

Maraming nakakatawang moments ang pelikula na ayokong masyadong maging spoiler. Mag-share ako ng konti. Mapapansin sa pelikula ang contrasting na pangyayari o masasabi mong irony tulad na lamang sa burol at libing ni Hesus kung saan may nagpropose ng kasal sa burol at ang mah-jong na naging lego. Sa eksenang namatay ang asong si Hudas, nakaputi ang mga nakikiburol sa pagkamatay ni Hesus samantalang nakaitim ang pamilya nila Iyay at mas iniyakan nila ang pagkamatay ng aso kesa Hesus. Nagpapakita lamang na mas meron pang relasyon o koneksyon ang pamilya nila Iyay sa hayop kesa sa ama nilang namatay. Kahit sa pangalan ni Hesus at Hudas ay makikita mo ang contrast o irony. 

One helluva ride ang Patay na si Hesus. Hindi ko pinagsisihang panoorin ang pelikulang ito.





No comments:

Post a Comment