Monday, September 4, 2017

BAR BOYS (2017)




Isa sa mga pelikulang kalahok sa Pista ng Pelikulang Pilipino ang BAR BOYS. Mapapansing 2016 pa lamang ay nailabas na ang trailer nito.

Ang Bar Boys ay patungkol sa apat na magkakaibigang lalaking nangarap na makapasok sa law school. Sa apat na magbarkada, tatlo ang nakapasa. Sina Eric (Carlo Aquino), Torran (Rocco Nacino) at Chris (Enzo Pineda). Sa kasamaang palad, hindi nakapasa si Josh (Kean Cipriano). Makikita sa pelikula ang proseso ng tatlong karakter kung paano nila nalagpasan ang mga pagsubok at paano sila naging matagumpay sa law school.

Para sa akin, interesting ang characters sa pelikula tulad ni Eric na ginampanan ni Carlo Aquino. Sa grupo, si Eric ang mahirap ngunit matiyaga at masipag mag-aral dahil alam nya ang kanyang kahinaan na hindi siya ganoong katalino at isinasaalang alang niya na iginagapang ng kanyang ama na isang security guard ang kanyang pag-aaral sa law school. Magaling si Carlo Aquino dito at yumminess siya (hala! Ano to). Extension ng yummyness sa TV series na I Will Survive.

Si Enzo Pineda ay gumanap bilang Chris. Ang eloquent at grade conscious sa kanilang magkakaibigan dahil na rin sa gusto niyang patunayan sa kanyang daddy na kaya niyang mag-excel sa law school sa Pilipinas. Mas gusto kasi ng kanyang daddy na subukan niyang mag-aral ng law school sa Harvard. Kaya may kondisyon ang kanyang dad para mag-stay siya sa Pinas yun ay hiwalayan ang kanyang girlfriend na si Rachel (Anna Luna). Napansin ko ang gwapo masyado ni Enzo dito at yummyness din siya dito (hala!) saka I believe big break nya ang pelikulang ito. I also believe na greatest performance ni Enzo ang pagganap niya sa Bar Boys. Magaling din si Anna Luna dito as girlfriend nya.

Si Rocco Nacino naman ay si Torran, ang happy-go-lucky sa barkada. Supportive sa kanya ang nanay niya na ginampanan naman ni Mailes Kanapi. Sa kalagitnaan ng pelikula, sumali siya sa fraternity para magkaroon ng koneksyon. Isa na naman ito sa hindi niya malilimutang pelikula matapos "Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa." 

Maraming supporting actors at characters ang nakakatuwa na mapanood tulad ni Atty. Victor Cruz (Sebastian Castro) na noong una inakala nilang classmate nila na nakasuot ng polo na may design na maraming saging at nakatingin kay Eric. 

Nakakatuwa yung eksena na pumunta si Eric sa office ni Atty. Cruz. Take note: naka-boxers si Eric. (Kailangan ba talagang naka-boxers ang lalaki para mang-akit? At kailangan sa pagpasok ng office talaga? Buti di siya nasita ng guard. Sana napanood ni kneejerk kneecritic ang pelikula. Gusto ko malaman reaksyon nya sa eksenang ito. Hahaha.) In fairness, sa chemistry ni Carlo at Sebastian ha... panalo!

Kahit sa maiksing oras, natuwa din ako kay Hazel Faith Dela Cruz na classmate nila Torran na naka-one night stand niya. May future si ate sa acting career nya. Napanood ko siya sa "Ang Kababaihan ng Malolos" at "4 Days". Nagalingan ako sa kanya sa "Ang Kababaihan ng Malolos"' Nag-request pa siya ng round 2 ha. All the best kay ate mag-round 2 at level up ang career at exposure niya sa mga future projects niya. 

Siyempre, maasahan na natin si Odette Khan bilang intimidating, strikto, terror ngunit may pusong professor sa kanilang huling term sa law school. Balanse ang atake ni Ms. Odette Khan mula sa terror professor hanggang sa maging sympathetic siya sa character ni Carlo Aquino. Nakakaloka yung eksenang tinanong niya si Carlo at ang sinagot ng binata, "I think". Bigla siyang pinutol ni Odette at sinabing, "That's what you think!" Sinermunan siya na dapat accurate siya at ang opinyon niya ay hindi makakatulong. Dapat siyang maging nominado bilang Best Supporting Actress sa iba't ibang award-giving bodies.

Si Vince Larena na gumanap na Lord Master ng fraternity ay magaling din. Menacing ang portrayal niya sa pelikula. Ramdam din ang pagiging terror professor ni direk Emmanuel Dela Cruz sa isang eksena kung saan ay tinanong niya ang ninerbyos, napaiyak at napa-walk out na babaeng estudyante.

Natuwa ako kay Mailes Kanapi sa pelikulang ito. Lalo na yung part na excited siyang salubungin si Rocco Nacino para malaman ang result ng bar exam. Kakaiba siya dito sa mga nauna niyang pelikula tulad ng Zombadings at Patay na si Hesus.

Nalulungkot ako sa karakter ni Kean Cipriano na si Josh dahil hindi siya binigyan ng maayos na story arc o character development. Agree ako kay Present Confusion o devasishanti sa point nya. Pwede naman na tanggalin ang character niya dahil kaya na nang tatlong lead characters na buhayin ang kwento o di kaya gawan siya ng subplot na pwedeng suporta o magrepresent ng maayos na proseso sa buhay niya kahit di siya nakapasa sa law school. 

Trivia: Sa orientation at introductory scene sa law school, hindi dapat si Ms. Maey Bautista ang magbibigay ng opening remarks. Ang eksenang ito ay para kay Odette Khan ngunit may sakit si Ms. Odette sa araw na gagawin na niya ang eksena kaya pinasinalo ito kay Ms. Maey.

Hindi man ako nag-aral sa law school pero sa panonood ko ng pelikula ay naramdaman ko ang pressure sa law school. 


1 comment: