Monday, December 18, 2017

SMALLER AND SMALLER CIRCLES (2017)



Isa na namang pasabog ng TBA ang pelikulang "Smaller and Smaller Circles". Ang TBA Productions ang nasa likod ng mga pelikulang "Bonifacio: Ang Unang Pangulo", "Heneral Luna", "Sunday Beauty Queen", "I'm Drunk I Love You", "Women of the Weeping River" at "Bliss". Hango sa nobela ng parehas na pamagat ni F. H. Batacan. Napapanood na ang trailer ng pelikula noong nakaraang taon kaya anticipating ito.

Ang pelikula ay tungkol sa dalawang paring sina Father Augusto "Gus" Saenz (Nonie Buencamino) at Father Jerome Lucero (Sid Lucero) na iinimbestigahan ang serye ng walang awang pagpatay sa mga bata sa Payatas. Samantala, si Joanna Bonifacio (Carla Humphries) naman ay isang seasoned journalist na assigned upang sundan din ang serye ng pagpatay at alamin kung sino ang serial killer. Magtutulungan ang tatlo upang mahuli ang killer at pigilan ito sa susunod niyang mabibiktima.

3/4 of the film ay English ang gamit na language ng mga actors. Hindi rin naman ito ang naunang pelikulang Pilipino na gumawa ng ganyan. Nariyan ang "A Portrait of the Artist as a Filipino" (1965) at "Igorota" (1968). 

Unique ang business ng characters nina Father Augusto "Gus" Saenz at Father Jerome Lucero. Saan ka nakakita ng pelikulang Pilipino na may mga paring nag-foforensic?

No doubt ang husay nina Nonie Buencamino at Sid Lucero sa kanilang respective roles. Surprising dahil bumagay naman kay Carla Humphries ang pagiging Joanna Bonifacio. Nakakagulat na biglang kasama pala sina Gladys Reyes, Bembol Roco, Christopher De Leon, Ricky Davao, Dexter Doria, Bernard Palanca. Alex Medina at Junjun Quintana.

May mga funny dialogues sa movie tulad ng mga ss.:
Joanna (referring to Father Jerome): Jesuit priests are getting cuter these days.
Father Gus (referring to Joanna): Iba siya!
Father Jerome (referring to Councilor Mariano): I'd vote for her.

May mga issues ang pelikula. Ito ang mahirap sa pagsalin sa pelikula ng isang nobela. Merong multiple messages ang pelikulang ito tulad ng religious hypocrisy, sociopolitical at socioeconomic issues. Gusto rin ipahayag ng pelikula ang separation ng church at state sa isyung politikal. Idagdag pa ang corruption at sexual abuse cases.  Sa kaunting oras, kelangan icondense ito. 

May mga characters din na hindi na binigyan ng exposure na maaari nang tanggalin dahil nakagulo at hindi nakatulong o sana ay binigyan ng subplot na maayos tulad ng character ni Bernard Palanca pati ang paring kinasuhan ng sexual abuse. Ang masaklap merong VO na hindi nakatulong sa narrative ng story. Sa confrontation scene naman nina Father Gus at serial killer, papaanong nakatakas ang killer sa mga pulis samantalang nakapalibot ang pulis sa area? Anyare? Another police negligence o mishap? Sa katapusan ng pelikula, hindi mo mawari kung hindi na naniniwala si Father Gus sa simbahan at gobyerno dahil na rin sa kanilang sistema at aksyon. Kaya pagkatapos mong mapanood ang pelikula ay marami kang tanong. 

Kailangan kong mabasa ang libro para mas malinaw sa akin ang mga bagay bagay.

While watching the film, it felt like nanonood ako ng The Silence of the Lambs, Kiss the Girls at Se7en. Tinatangka nang pelikula na maging neo-noir thriller na bibihira mong makitang gawin ang ganitong genre sa pelikulang Pilipino.

Maganda kung gagawing TV series ang pelikulang ito.


Friday, December 15, 2017

ANG LARAWAN (2017)





Ngayong 2017, dalawang musical films na gawang Pinoy ang aking napanood parehas pang hinango sa stage plays. Una ang Changing Partners (2017) na ipinalabas noong Cinema One Originals. At mapalad akong naimbitahan para sa special screening nang pinakaabangang “Ang Larawan”. Isang pelikulang official entry sa 2017 Metro Manila Film Festival.

Mula sa stage play na “A Portrait of the Artist as Filipino” likha ng National Artist na si Nick Joaquin. Ilang beses itong nagkaroon ng adaptation. Ang film adaptation ay dinirek ni Lamberto Avellana noong 1965 at ginawan ng musical play ito ni Rolando Tinio noong 1997.

Ang musical film na “Ang Larawan” ay tungkol sa dalawang matandang dalagang magkapatid na sina Candida (brilliantly portrayed at walang makakapantay na perfornance ng theater actress na si Joanna Ampil) at Paula (equally matched ring nagampanan ni Rachel Alejandro) na inaalagaan ang kanilang amang si Don Lorenzo Y Magnifico sa lumang ancestral house sa Intramuros. Si Don Lorenzo ay tanyag na pintor noong kalakasan niya pa ngunit matagal na uling hindi nakakalikha ng painting. Ito lang pala ang pinagkukunan nila ng kabuhayan kaya naman nabaon sa utang ang pamilya. Wala na ring pambayad sa kuryente. Kaya naman naisipan nilang ipaupa ang kwarto sa bahay. Si Tony Javier (Paulo Avelino) ang nag-iisa nilang boarder. Gwapo, matipuno, mapang-akit at may angking galing sa musika. Kaya naman pinagtsitsismisan ng mga kapitbahay ang magkapatid ng patuluyin si Tony. Samantala, hindi pa rin sapat ang kinikita sa pagpapaupa kaya umaasa sila sa padala ng nakatatanda nilang kapatid na sina Manolo (mahusay na nagampanan ni Nonie Buencamino) at Pepang (talaga namang napakagaling na si Menchu Lauchengo Yulo). Meron palang masamang balak ang mga nakakatandang kapatid dahil sa gusto nilang ibenta ang bahay at paghatian pa ang mga muwebles para lang sustentuhan ang kanilang mga bisyo. Ang masaklap pa nito ay gusto nila Manolo at Pepang na tumira sa mga bahay nila ang dalawang spinster upang pagsilbihan silang dalawa. 
Maalala nila Candida at Paula "Ang Larawan" na huling pininta ni Don Lorenzo na inialay sa kanilang magkapatid. Dahil na rin sa napakaespesyal ng painting na ito ay marami ang nagkainteres dito kabilang na si Tony Javier. Lalong nagpakumplikado sa sitwasyon ang pagkagusto ni Paula kay Tony. 

Ano ang magiging kapalaran ng magkapatid? Kanino mapapasakamay "Ang Larawan"?

Ilang ulit na rin ang pagtatangkang buhayin ang musical genre sa pelikulang Pilipino. Sa aking pagkakatanda, nariyan ang mga pelikulang Kakakabakaba ka ba? (1980), ilang pelikula nila Sharon Cuneta (Bukas Luluhod Ang Mga Tala, Bituing Walang Ningning at Pasan Ko Ang Daigdig) at Nora Aunor, Emir (2010) at I Do Bi Doo (2012). Nakakalungkot isipin na ang iba sa musical film natin ay hindi ganoong matagumpay sa puso ng mga manonood na Pilipino. Kaya risk o gamble ang genre na ito.

Aminado akong musical films fan ako dahil mas accessible itong panoorin at afford kumpara pag pinanood mo ang pagtatanghal sa teatro tulad ng Broadway at London West End na libo ang halaga. Pangarap ko yun makapanood ng mga musical plays tulad ng Cats, Miss Saigon, Wicked, Rak of Aegis, Magsimula Ka!, Katy, Here Lies Love sa PETA, CCP, Broadway at London West End.

Ang mga paboritong kong mga musical films ay ang mga ss.: Fiddler on the Roof (1971), The Sound of Music (1965), Moulin Rouge! (2001), West Side Story (1961), Singing in the Rain (1952), My Fair Lady (1964), Dreamgirls (2006), Mamma Mia! (2008), Pitch Perfect 1 & 2 (2012, 2015) at La La Land (2016).

"Ang Larawan" ay maaaring maging kahanay ng mga musical na ito. World class ang dating. Maipagmamalaki ng mga Pilipino. 

"Ang Larawan" is the musical event of the year. 

Wala pa ring kupas si Ryan Cayabyab sa kanyang musika. Napapasayaw ako sa saliw ng kanyang musika habang pinapanood ko ang pelikula. At kaloka katabi ko pa siya manood. Parang dati rati naririnig ko lang ang mga musika niya sa mga pelikula ni Carlos Siguion-Reyna tulad ng Hihintayin Kita sa Langit, Ikaw Pa Lang Ang Minahal, Saan Ka Man Naroroon, Abot Kamay Ang Pangarap at iba pa. Saka hindi ko makakalimutan ang groupie namin ng mga kaibigan ko at si Maestro Ryan Cayabyab pa ang nag-initiate. OMG! Ryan Cayabyab kaya yun. Panalo na yan sa Best Musical Score. 

Joanna Ampil's performance as Candida is mesmerizing. Para niya akong dinala sa mga performances niya sa London West End. Panalo si ate. Siya na ang mag-uuwi ng Best Actress sa MMFF this year. (Wag lang talaga mapulitika, beh! Let's pray for ate Joanna.) Magiging nominado siya sa Gawad Urian at iba pang award giving bodies. Iba talaga ang aktres galing sa teatro ang disiplina kitang kita. Iba talaga ang artistang hinubog sa teatro. Kita ito sa kilos, galaw, mannerisms, gestures, facial expression at kontrol sa boses. Grabe nadala niya ako sa breakdown scene pati ako ay naiyak. Walang makakapantay sa performance niya. Acting, singing pa. Saan ka pa?

Huli ko pa atang napanood si Rachel Alejandro sa pelikulang Mumbaki (1996). Saka paborito kong kantahin sa videoke yung kanta niyang "Paalam Na" at gusto ko rin ang version niya ng kantang "Nakapagtataka". May confession of a frustrated singer pa ang naganap. May pag-amin. Ene be? Puro hugot ang mga kanta ha. At lately napapanood ko siya sa CNN Philippines with Christine Jacob. Wagi din si Rachel ha. At maganda pa din siya at sexy sa personal. Oh, the sexy chef.

Forgive me Paulo Avelino pero I can't take my eyes off you makita ka sa personal. Huwat? Sa pagkakaalam ko pinaasa mo kami sa I'm Drunk I Love You. Heto ka na naman. Dinadaan mo kami sa charms. Feeling Carson ako este Paula. Forgive me again Tony Javier este Paulo sa singing voice mo. You remind me of Russell Crowe's singing voice sa Les Miserables (2012).

Paano kaya kung si JC Santos ang gumanap na Tony Javier? OMG! Si Fidel "Daks" Lansangan ay maging Tony Javier. Ay nasa Meant to Beh nga pala siya.

At ano to? Sandino Martin at Jojit Lorenzo both appeared sa dalawang musical this year. Changing Partners at Ang Larawan. Quota na yan! Pero ha kinikilig pa rin ako kay Sandino Martin. (Ene be? Confession ne nemen?) Well, level up siya kay Coco Martin sa singing voice ha kahit parehas silang moreno. Ene be Sandino. Ma-misspell ko pa ata na Sandrino. La Luna Sangre beh? At si Jojit may black eye. Baket? Panoorin nyo na lang.

Bago pa ako pumunta sa special screening, ilang araw kong naririnig sa radyo ang "Mamang Sorbetero". Ano to paramdam ni madam Celeste Legaspi? Isa pang walang kakupas kupas na aktres at singer. Hihintayin ko po maisapelikula ang "Katy". Excited po ako na muling marinig ang awiting "Minsan Ang Minahal ay Ako". 

Uy, si Elsa Montes (Zsa Zsa Padilla) ha. Scene stealer. Fun to watch si Zsa Zsa dito. Socialite na nagsasayaw ng Conga. Gloria Estefan pero ang setting pre-World War II?

At Menchu Lauchengo Yulo. Te, maganda at ang sexy nyo po sa personal kahit na maganda ka daw noong bata ka pa sabi sa pelikula. Nababasa ko po ang pangalan nyo sa mga musical plays. Sana makapanood ako ng musical plays mo. Ang galing nyo po as Pepang dito sa pelikula. Best Supporting Actress na yan. (Again, wag lang talaga mapulitika. Bes!)

Maaasahan na natin si Nonie Buencamino sa kanyang husay sa acting pero ngayon ko lang siya narinig kumanta. Iba ka. 

Aicelle Santos at Cris Villonco. Hmmm. Ate Aicelle, ask ko po magkakaroon po ba nang film adaptation ang "Rak of Aegis"? Naku, Cris Villonco. Hindi ko makakalimutan noong 90's ang kanta mong "Crush ng Bayan". To be fair with sa dalawang to ha, magagaling din.

Mahusay at effective ang ensemble cast ng pelikula. Saan ka pa? Robert Arevalo, Dulce, Bernardo Bernardo, Noel Trinidad, Rayver Cruz, Nanette Inventor at mga cameos pa nila. Oops di ko sasabihin. Panoorin nyo po hindi nyo pagsisisihan. 

Kudos to direk Loy Arcenas din at sa lahat ng bumubuo ng pelikulang ito.

Uulitin ko panoorin itong "Ang Larawan" sa MMFF.



Monday, December 11, 2017

MAESTRA (2017)



"Teaching is not a profession; it's a devotion.", kataga ng isang tauhan sa pelikulang ito.

Ilang beses din naging paksa ng pelikulang Pilipino at kahit sa telebisyon ang kontribusyon ng mga guro. Nariyan ang mga pelikulang "Mila" (2001) ni Joel Lamangan na pinagbibidahan ni Maricel Soriano at "Mga Munting Tinig" (2002) ng yumaong Gil Portes na pinagbibidahan naman ni Alessandra De Rossi. Sa Hollywood naman, ang mga pelikulang Dead Poets Society (1989), Dangerous Minds (1994), Music of the Heart (1999), Mona Lisa Smile (2003) at Freedom Writers (2007) na ilan lamang sa mga hindi malilimutang pelikula na nagpapakita kung paano ang mga guro ay tumutulong para hubugin ang  kaisipan ng mga mag-aaral.

Iba rin ang impact ng pelikulang "Maestra" mula sa screenplay ng film critic na si Archie Del Mundo at direksyon ni Lemuel Lorca.

Ipinakita sa pelikula ang kwento ng tatlong guro na hango sa totoong buhay.

Si Iah Bantang Seraspi (Anna Luna) ay anak ng isang mangingisda sa Romblon. Mahirap ang kanilang pamilya kaya sinikap ni Iah ang pagiging scholar. Tutol ang kanyang ama (William Martinez) sa pagiging guro sa akalang walang asenso ang ambisyon ng anak. Hindi pinanghinaan ng loob si Iah bagkus lalo siyang naging determinado upang makapagtapos ng pag-aaral. Confidante at sumusuporta sa pangarap niya ang kanyang kaklase at kapwa Education student na si Poldo (Paul Salas). Napatunayan ni Iah na hindi dahilan ang kahirapan upang sumuko. Kaya naman naging Cum Laude siya. Naghahanda naman siya sa LET (Licensure Examination for Teachers) kaya nag-review siya. Dito niya nakilala si Gennie (Angeli Bayani), isang Aeta na makailang ulit pumalya sa pagkuha ng LET. Si Gennie naman ang nagpatuloy sa pagtuturo ng kapwa katutubo sa Tarlac matapos simulan ng mga misyonaryo ang  pagtatayo ng eskwelahan ng Tarukan. 30 taon siyang nagtuturo sa paaralan. Binabagtas niya ang limang oras na paglalakad at pagtawid ng ilog upang magbigay kaalaman sa mga Aeta. At kapag may hindi nakakapasok na estudyante si Gennie dahil sa kahirapan ay kinukumbinse niya ang magulang ng bata upang magpatuloy sa pag-aaral. Ito naman ang nagiging dahilan sa paglayo ng loob ni Nonoy (Karl Medina), asawa ni Gennie. Natutuwa kay Gennie si Ms. Espie (Gloria Sevilla). Kahit matanda na ay dedicated pa rin sa pagtuturo si Ms. Espie. Nais na siyang patigilin sa pagtuturo ng kanyang anak (Suzette Ranillo) upang magkaroon sila ng oras sa isa't isa dahil iginugol ni Ms. Espie ang kanyang panahon sa pagtuturo. Napag-isip isip din ni Ms. Espie na mas mahalagang pagbigyan ang kanyang anak ngunit hindi pa rin siya titigil sa pagbabahagi ng kaalaman. Magsusulat siya ng libro.

Unang ipinalabas sa Cinemalaya 2017 ang "Maestra" noong Hulyo at ngayong Disyembre naman ay para sa Cine Lokal.

Malakas ang mensahe ng feminismo ng pelikula. Matatawag din itong women picture. Hindi lamang dahil sa pinagbibidahan ito ng mga babae. Ipinakita sa pelikula ang malaking kontribusyon ng babae sa ating lipunan at isa na ang pagiging guro.

Hindi nagsapawan sa tagisan ng acting ang mga artista. Pantay pantay ang kanilang pagtrato sa kanilang mga karakter at performances pati sa mga co-actors nila. Lahat sila ay mahuhusay. Nag-blend ang husay sa acting nila Anna Luna, Angeli Bayani at Gloria Sevilla. Pwedeng maging nominado bilang Best Actress sina Anna Luna  at Angeli Bayani samantalang Best Supporting Actress naman si Gloria Sevilla sa iba't ibang award giving bodies. 

Inspiring at heartwarming ang pelikula. Bihira na akong makapanood ng ganitong pelikulang Pilipino na iiwan mo ang sinehan na umiiyak pero na-uplift ka dahil sa positibo ang naging denouement.

Marami ang kinikilig sa sinehan sa kwento nila Iah at Poldo. Habang naglalakad naman sa paaralan nang Tarukan sina Anna Luna at Angeli Bayani ay bigla kong naalala ang pelikulang “Paglipay” kung saan ay kasama si Anna Luna. Hanga din ako kay Gloria Sevilla dahil kahit matanda na ay magaling pa rin umarte. Aminado na-touch ako sa acting nila Anna Luna lalong lalo na si Angeli Bayani. Parehas na ang dalawang aktres ay kayang mag-insert ng light moments.

Aminado akong ito ang paborito kong pelikula ni Lemuel Lorca kasunod ang Ned's Project. Mahusay ang kanyang direksyon at magaling din ang pagkakasulat ng screenplay.

Tunay ngang hindi biro ang pagiging guro. Kapag napanood mo ang pelikulang ito, lalong irerespeto mo ang propesyon ng pagiging guro.

Trivia: Ilang beses na-feature sa TV si Iah Bantang Seraspi dahil sa nag-viral ang inspiring story nya. Nasama siya sa listahan ng Ang Pinaka at na-feature din sa ABS-CBN.