Monday, January 27, 2020

VICE GANDA: ANG ARTISTANG BUMAGO SA DEKADA 2010


                                              Kuha mula sa IG @praybeytbenjamin

Naimbitahan ako sa PinoyRebyu upang kilalanin ang Filipino Film Person of the Decade 2010.

Isang tao ang nasa isip ko at iyon ay si Vice Ganda.

Kung nais basahin ang bahagi ng aking komentaryo sa PinoyRebyu. Narito ang link:

https://pinoyrebyu.wordpress.com/2020/01/26/filipino-film-person-of-the-decade/

Hindi maikakaila na si Jose Mari Viceral o mas tanyag sa pangalang Vice Ganda ang namayagpag sa pelikulang Pilipino sa nagdaang dekada 2010. Sino ang mag-aakalang isang bakla ang magiging box-office darling sa nagdaang dekada? Siya lang naman ang bida sa mga pelikula niya kung saan nabigyang pagkakataon ang bakla para magkaroon ng puwang hindi lang sa napapanood natin pati na din sa lipunang ating ginagalawan. Dati rati ang mga bakla ay confidante o supporting o di kaya ay negatibo ang pagganap sa pelikula.

Nakita muna si Vice bilang extra o supporting sa mga pelikulang Apat Dapat, Dapat Apat (2007), Condo (2008), In My Life (2009) at Hating Kapatid (2010). Sa larangan ng telebisyon, magsimula din si Vice bilang extra o supporting sa TV shows na "Maging Sino Ka Man" (2007) at "Dyosa" (2008). Nagbigay daan upang mas makilala si Vice sa noontime show na "It's Showtime" (2009-present). Mula sa pagiging hurado o judge na naging regular na hurado hanggang sa maging host na mismo ng programa. 

Unang nagbida si Vice Ganda sa remake ng "Petrang Kabayo" (2010). Pinagbidahan ni Roderick Paulate ang orihinal na Petrang Kabayo. Sa nabanggit na launching movie ni Vice ay nagsimula ang collaboration nilang dalawa ni late direk Wenn Deramas. Sinundan ito ng "The Unkabogable Praybeyt Benjamin" (2011) na maaaring kumuha ng inspirasyon sa pelikulang "Private Benjamin" (1980) ni Goldie Hawn. Tumabo ito sa takilya. 

2012, dalawang pelikula ang kasama si Vice Ganda. Una, ang "This Guy's is in love with you, Mare" kung saan nakasama niya sila Toni Gonzaga at Luis Manzano. Kasunod naman nito, ang una niyang MMFF entry na "Sisterakas" kasama sina Kris Aquino, Ai-Ai Delas Alas, Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

Hanggang sa bawat taon ay pasok sa MMFF ang mga pelikula na bida siya. Sa "Girl, Boy, Bakla, Tomboy" (2013), gumanap siya na quadruplets. Nakasama niya si Maricel Soriano bilang kanyang ina. Naging kontrobersyal din ang pagkapanalo ni Vice bilang Best Actor of the Year sa PMPC Star Awards for Movies. 

2014 naman ng gawin niya ang sequel na "The Amazing Praybeyt Benjamin". Muli, napasama ang pelikulang ito sa MMFF. "Beauty and the Beastie" naman ang MMFF entry ni Vice Ganda noong 2015. Nakasama niya dito sina Coco Martin, James Reid at Nadine Lustre. Ito ang huling pelikulang ginawa ni Vice Ganda na dinirek ni Wenn Deramas dahil ilang buwan lamang ay yumao ang huli.

Nagkaroon ng pagbabago sa MMFF noong 2016. Kaya naman hindi napasali ang pelikula niyang "Super Parental Guardians" kung saan muli niyang nakasama si Coco Martin. Si Joyce Bernal naman ang nagdirek ng pelikulang ito. Subalit, hindi napigil ang pagdagsa ng tao sa sinehan ng ipalabas ito bago ang MMFF.

Muling bumalik si Vice sa MMFF noong 2017 sa pelikulang "Gandarrapido: The Revenger Squad" kung saan nakasama niyang muli si Daniel Padilla at dinirek ni Bb. Joyce Bernal.

"Fantastica" naman ang pelikulang nilahok ni Vice para sa MMFF na dinirek ni Barry Gonzales noong 2018. Kasama niya sa pelikula sina Jaclyn Jose, Dingdong Dantes at Richard Gutierrez. At sa 2019, muli dinirek ni Barry Gonzales si Vice Ganda kasama si Anne Curtis sa "The Mall, The Merrier".

Lahat ng pelikula ni Vice Ganda ay tinangkilik ng masa. Patunay na isa siyang bankable actor. Sa kabila nito, critical failure o flop ang kanyang mga pelikula. Umaani ng batikos mula sa kritiko ang tema at offensive jokes sa kanyang mga pelikula. Napapansing parang extension ng kanyang noontime show o kanyang karanasan sa comedy bar ang kanyang pagpapatawa. Sa comedy, maituturing na pinaghalong sarcastic at slapstick comedy ang kanyang linya. Maimpluwensiya din si Vice dahil malakas ang impact niya sa ating lipunan pati sa mga kabataang manonood.

Tunay ngang binago ni Vice ang tingin natin hindi lamang ang telebisyon pati sa pelikulang Pilipino. Binago ni Vice Ganda ang ating viewing experience sa ayaw man natin o hindi.

No comments:

Post a Comment