Thursday, March 25, 2021

SEPARADA

 


Si Melissa (Maricel Soriano) ay isang matagumpay na creative director ng isang advertising agency. Dahil na rin sa demands ng trabaho ay nawawalan siya ng panahon sa kanyang asawang si Dodie (Edu Manzano). Kahit pa bumabawi siya sa kanyang mga anak na sina Vincent (Patrick Garcia) at Jenny (Angelica Panganiban), hindi pa rin ito sapat sa kanyang asawa. Kaya naman nagkaroon ito ng kalaguyo na si Sandy (Sharmaine Arnaiz). Hindi makapaniwala si Melissa na nagawa ni Dodie na ipagpalit siya. Idagdag pa nito na nabuntis ang kerida at si Dodie ang ama. Kaya naman pinaalis niya ito sa bahay. Hindi inakala ni Melissa na magiging mahirap ang adjustments niya na wala ang asawa. Nariyan ang mapagnakawan sila at ma-aksidente si Vincent sa shooting ng isang TV ad. Sa tulong ng kanyang mga kaibigan pati ng kanyang anak at magulang, matututo si Melissa na magpatuloy sa buhay at malagpasan ang pagsubok ng pagiging single mother.

Kahit pa pandemya at naipasara ang ABS-CBN ay hindi tumigil ang Film Restoration na ipalabas ang mga pelikulang natapos nilang i-restore bago ang malungkot na pangyayari. Mahusay pa din ang kanilang pagkaka-restore at napaganda lalo ang mga pelikulang nakahanay sa kanilang proyekto.

1994 ang banner year ni Maricel Soriano kaya siya'y tinawag na "Diamond Star". Sunod sunod ang mga pelikula niya noong 1994 na tumabo sa takilya. Nariyan ang "Minsan Lang Kita Iibigin" na ni-restore din, horror film na "Vampira", action dramedy na "Nagkataon, Nagkatagpo" at siyempre ang "Separada".

Ipinakita sa pelikula na kayang pantayan ng babae ang ginagawa ng lalaki. Evident ito sa mga pelikulang nagbibigay sa atin ng ideya sa mundo ng advertising. Nakita ito noon pa man sa mga pelikulang tulad "Pahiram ng Isang Umaga" (1989) at "Ngayon at Kailanman" (1992). Sa "Separada" ay mas dama ang mundo ng advertising dahil nakatulong na ang co-writer nito na si Tessie Tomas ay galing sa advertising. Sa pre-show ng "Separada" restored version screening, ibinahagi ni Tessie Tomas na loosely based sa kanyang buhay ang kwento ni Melissa.

Sa pelikulang "Separada", sumikat ang linyang "Get out of my house, I don't need a parasite". Kapansin pansin din ang magandang pananamit ni Maricel Soriano dito sa tulong ni Ernest Santiago na kanya ring costume designer sa "Ikaw Pa Lang Ang Minahal" (1992).

Noon pa man ay maraming pelikula na ang may love triangle na tema. Hindi gino-glorify sa pelikula ang extra-marital affair ngunit ang naiiba sa pelikulang ito kesa mga naunang palabas noon ay nakita nating sina Melissa at Sandy ay parehas angat sa kalalakihan. Samantalang bigo naman sa negosyo si Dodie. May pagkakahalintulad pa nga ang "Separada" sa isang pelikula ni Maricel Soriano na "Minsan Lamang Magmamahal" (1997).

Muli, mahusay ang pagganap ni Maricel Soriano dito kaya naman nagwagi siya ng PMPC Star Awards for Best Actress. Nagustuhan ko din ang pagganap dito ni Sharmaine Arnaiz. Mahusay din si Chito Roño dahil sa kanyang creative decision na umakma din sa screenplay nina Ricky Lee at Tessie Tomas dahil mas nais nilang ipakita ang journey ng isang babae na dumaan sa isang masalimuot na pangyayari. 

Ang isa pang nagustuhan ko sa pelikula ay ang mga kaibigan ni Melissa na ginampanan nina Lani Mercado, Teresa Loyzaga, Raquel Villavicencio at Ai-Ai Delas Alas. May kanya kanya silang pinagdadaanan at iba't iba din ng personalidad pero nariyan sila sa oras na kailangan nila ang isa't isa. Ang pinakanagustuhan kong eksena dito ay ang pag-uusap nina Melissa at ang kanyang ama na ginampanan ni Eddie Rodriguez. Sa malalim na usapan ng dalawang karakter ay nalaman nating may mga mag-asawang dumadaan sa pagsubok. Maaaring nilihim o may alam ang iba pero ang pangangaliwa ay masakit sa asawang umasang tapat ang pagmamahal ng kanyang pinakasalan. Matapang din ang pelikula sa eksena kung saan tinanong ni Melissa ang pari (Nonie Buencamino) tungkol sa paghihiwalay nila ni Dodie. Sinabihan ng pari si Melissa na mas mabuting hiwalay sila.

Mas na-appreciate ko ang pelikulang "Separada" sa pag-rewatch ko nito lalo't digitally restored at remastered version na ito. 

No comments:

Post a Comment