Saturday, November 19, 2022

TRIANGLE OF SADNESS (QCINEMA OPENING FILM)



Sa pelikulang "Triangle of Sadness", palaging binibigyang diin ang isyu ng equality
o pagiging egalitarian #everyonesequal subalit kailanman ay hindi mangyayari ito.
Nariyan ang hindi matapos-tapos na isyu tungkol sa equality ng gender roles.
Tulad kapag nag-date ang magkasintahan dapat ba na lalaki ang magbayad?
O kailangan salitan na magbayad ang lalaki at babae tuwing mag-date?
At paano kung mas matagumpay ang babae sa lalaki? 
 
Nariyan rin ang usaping walang dapat na pinipiling antas ng buhay ng tao
sa oras ng kasaganahan at sa oras ng kagipitan.
Subalit, hindi pa rin maalis na mas binibigyang pabor ang mga mayayaman.
Malaki ang agwat sa inookupang espasyo sa kwarto
ng mga mayayaman at naglilingkod.
Nasa itaas na bahagi ng yate ang mga guests na mayayaman.
Samantalang nasa baba o tago ang kwarto ng mga crew.
 
Kahit pa daanin sa usapan at teorya ang debate ng isang Russian capitalist
at American socialist ay hindi nito mababago
ang lagay ng mga nasa laylayan ng lipunan.
Pamantayan o basehan pa rin kung nakakaangat ang buhay sa lipunan. 
 
Mapapansin na sa isang eksena ay merong nang-iistorbo na langaw habang nag-sunbathing
ang magkasintahang modelo na sina Yaya at Carl (Charlbi Dean at Harris Dickinson).
Ang langaw ang nagsisilbing social commentary na bulok ang sistema ng lipunan
lalo sa social classes at pribiliheyo. 
 
Gayunpaman, sa oras ng trahedya mas mabuti bang unahin ang sarili
o tumulong sa kapwa kahit pa mababa ang tingin nila sa 'yo? 
 
Dito ngayon pumasok ang balanse at napakahusay na pagganap
ni Dolly De Leon bilang Abigail.
Sa unang bahagi ng pelikula, dinaanan lamang siya ng lente
at nag-alok ng “housekeeping” sa kanilang guests.
Hindi mo siya mapapansin.
 
Habang ang mga mayayaman ay kung anu-ano ang pinapagawa sa mga naglilingkod sa yate.
Tuloy-tuloy ang serbisyo ng mga crew sa yate. At tulad ng ibang crew ng yate,
nais din ni Abigail na maayos ang kanyang trabaho at ma-please ang kanilang guests.
Subalit, magbabago ito dahil sa isang trahedya.
 
Sa third act, malaki ang bahagi ng papel ni Abigail. Mula sa hindi napapansing OFW,
kumbaga invisible, ay naging pinuno siya para ang mga nakaligtas sa trahedya
at maski siya ay maka-survive sa isla. Ipinakita sa pelikula na maabilidad,
ma-diskarte at kayang-kayang mamuno ng isang Filipina.
Kapag nabigyan ng pagkakataong mamuno ay hindi niya ito palalampasin
dahil namulat siya na madalas minamaliit ang kanyang lahi. 
Kung sa mga ibang international films ay pinapakita
na masunurin ang mga Filipina
dahil sa siya ay OFW o mail-order bride.
 
Sa pelikulang ito, binigyan ng kapangyarihan ni Ostlund ang isang Filipina
upang siya naman ang sundin.
Sabi nga ni Abigail, "In the yacht, I'm the toilet manager.
Here, I'm the captain."
 
Meron din siyang sexual needs kung saan ginamit niya ang kanyang kapangyarihan
para makuha ang isang gwapo at matipunong lalaki.
 
Sa ibang international films, madalas na ang mga foreigners
ang halos mag may-ari sa mga Filipina.
Ang mga magiting nating kababayan ang nagbibigay serbisyo
at simbolo ng mga OFW sa pagiging matiyaga, masipag, masikap
at dedicated sa kanilang trabaho.
Sa ibang pelikula naman ay masaklap ang sitwasyon nila dahil
maaring biktima sila ng karahasan o nahulog sa patibong ng prostitusyon.
 
Sa kabilang banda, umaasa ako na sa kauna-unahang pagkakataon
ay magkaroon ng nominasyon si Dolly De Leon sa AMPAS o Oscars.

No comments:

Post a Comment