Sunday, July 6, 2025

SOME NIGHTS I FEEL LIKE WALKING

 


Apat Dapat, Dapat Apat (2007) serious drama edition meets Midnight cowboy (1969). IYKYK. 
 
Sina Uno (Jomari Angeles), Bay (Argel Saycon), Rush (Tommy Alejandrino)
at Ge o Miguelito (Gold Aceron) ay mga sex workers na ginagalugad ang bawat sulok ng Maynila upang makahanap ng kliyente. Mapa-public toilet man 'yan o bus terminal o sa isang sinehang nagpapalabas ng malalaswang pelikula ay hindi ito makakalusot sa magbabarkada. 
 
Nakilala ni Uno si Zion (Miguel Odron) habang nasa pampublikong palikuran. Nakiusap si Zion kay Uno na ibigay ang kanyang mensahe sa isang misteryosong binata (Jess Mendoza). Malugod naman itong ginawa ni Uno.
 
Nagkrus muli ang landas nina Uno at Zion sa isang sinehang nagpapalabas ng mga soft core porn nang anyayahan ng isang kliyente (Lex Bonife).
 
Samantala, malalaman nila ang masalimuot na nangyari kay Ge. Sa pagtatagpong muli ng magbabarkada at sa pagsama sa kanila ni Zion, masusubukan ang kanilang pagkakaibigan. Nais nilang tuparin ang huling habilin ni Ge ngunit meron silang matutuklasan kay Zion. 
Magtagumpay kaya sila sa kanilang misyon?
 
Kamakailan lamang ay nagkaroon ng limited screening ang "Some nights I feel like walking" sa Gateway cinema na bahagi ng RainbowQC ng QCinema. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na saktong LGBTQIA+ month at Hunyo na ginawa nila ang programa. Madalas kasi ay bahagi ang RainbowQC ng programa ng QCinema tuwing Nobyembre. 
 
Kilala si Petersen Vargas sa pagdirek ng mga LGBTQIA+ themed na mga pelikula at shows tulad ng "Lisyon Qng Geografia" (2014), "2 Cool 2 be 4gotten" (2016), "Hanging Out" (2016) at "Hello, Stranger" (2020). Ang "Some nights I feel like walking" ay dagdag sa kanyang filmography na nagre-represent sa mga LGBTQ. Kung sa mga nabanggit na pelikula at shows ay middle class ang mga tauhan, sa "Some nights" naman ay dinala niya tayo sa mga lugar na kung saan ang pagiging sex worker ay may kaakibat na panganib at tanging ang kanilang napiling komunidad ang nakakaintindi sa kanilang kalagayan. 
 
Sa opening scene pa lamang, makikita agad ang istilo na may impluwensya sa mga kapwa Asian filmmakers tulad ni Tsai Ming Liang na kahit pa slow cinema ang kanyang hinahain 
sa bawat frame ay mararamdaman mo ang lungkot at nakakasulasok na kalagayan ng tauhan.
Ganito kahusay ang cinematographer na naipakita ito sa mga composition of shots at framing niya. 
Sa bahagi ng pelikula na kung saan ay may pagka-trippy at dreamlike o mala-panaginip ang mga eksena, kitang-kita din ang mga impluwensya nina Apitchapong Weerasethakul at Gregg Araki. 
 
Magaling ang production design ni Remton Zuasola dahil mahalagang madama at naamoy natin ang mga mundong pinapasok ng mga tauhan kahit sa screen lamang natin nakikita. 
 
May mga simbolismo at elemento ng pelikula na maganda ang pagkakagamit. 
Apoy ang elemento sa panaginip ni Zion sa paglimot sa alaala ng kanyang minamahal. Samantalang sa lugar na kung saan ay dadalhin sana si Ge ay apoy ang ginagamit upang sunugin ang mga lumang gamit o gamit na nagpaalala pa sa mapait na nakaraan ng mga mamamayan ng baryo na 'yun. Kinalaunan, hinubad ng magbabarkada ang kanilang mga suot na damit at itinapon sa nagbabagang apoy. Ito'y sumisimbolo na nais nilang kalimutan ang kanilang pagkataong may kaakibat na masakit na alaala. Habang pinapanood ko ang mga eksenang 'yan, biglang sumagi sa isip ko ang kantang "Burn" ni Tina Arena. 
 
Sa gilid ng sinehan naman kung saan pumayag sina Uno at Zion sa isang kliyente sa kanilang serbisyo ay kapansin-pansin ang mga movie poster ng pelikula ni Crisaldo Pablo. Ito ay pagbibigay-pugay sa isang gay direktor na nagpasikat ng mga low budget pink films noong 2000's tulad ng "Quicktrip" (2008),  "Duda/Doubt" (2003) at "Campus Crush" (2009). Ang gumanap naman na kliyente sa eksena ay si Lex Bonife. Si Bonife ay kilalang producer at screenwriter ng mga pink films lalo sa kanyang kolaborasyon kay direk Joselito Altarejos. 
 
Sa pagdating naman nina Uno at Zion sa Painawan, kapansin-pansin na hiwalay ang mga LGBTQIA+ sa pagdaos ng piyesta. Nagtanong ang dalawang pangunahing tauhan kung bakit hindi sila sumali sa selebrasyon ng piyesta sa bayan. Ang sabi lamang ng karakter ni Moira Lang ay wala silang lugar doon. Mas mabuti kung magkakasama na lamang sila. Kaya hindi din naiiba na nagsasama-sama sa iisang lugar ang mga bakla tulad ng hindi paghihiwalay ng barkada nina Uno, Rush at Bay dahil may sense of belongingness at brotherhood o kapatiran sila. 
 
Nang mahanap nila ang kapatid ni Ge, napagalaman nilang pastor pala ito. Sinabihan ng pastor ang magkakabarkada na hindi na matatanggap ng kanilang pamilya si Ge dahil mas pinili nitong pumunta sa mundong makasalanan. Pinapatunayan sa pelikula ang religious hypocrisy kung paano makisalamuha ang mga pinuno ng simbahan sa taong iba ang paniniwala o piniling landas sa buhay. 
 
May umaawit ng "Dadalhin" ni Regine Velasquez habang papalapit sina Uno at Zion sa mga nagdadaos ng piyesta sa Painawan. Ang kantang ito ay maaaring sumasalamin sa damdamin ng dalawang pangunahing tauhan. Sa kabilang banda, ang pangalang "Zion" ay nangangahulugang "imaginary place" na maaaring preferred na safe person ni Uno si Zion.
 
Mahusay ang ensemble na kinabibilangan nina Miguel Odron, Jomari Angeles, Argel Saycon, Tommy Alejandrino, Gold Aceron at Jess Mendoza. 
 
Ang tumatak sa akin dito ay si Argel Saycon. Oy, hindi lang dahil eye candy siya at in lack of better terms eh masarap siya. Sa pelikulang "Broken Hearts Trip" (2023), ginamit ng karakter ni Argel Saycon ang kanyang katawan upang akitin ang isang bakla at magpagamit. Subalit dito sa "Some Nights" (2023) kahit pa sex worker ang kanyang karakter, protective siyang barkada. Gagawin niya ang lahat upang maipagtanggol ang kinikilalang pamilya. Remarkable din pala ang dyed print sando na suot niya. Sa isang eksena, mas pinili ni chief si Uno na twink kesa bortang si Bay.

Over-all, nagandahan ako sa pelikulang "Some nights I feel like walking". Isa rin siya sa maituturing kong pinakamahusay na pelikulang Pilipino ngayong taon.

Saturday, April 12, 2025

TATLONG INA, ISANG ANAK


 Kung ang Hollywood ay may "Three men and a baby" (1987), ang Pinoy naman ay merong "Tatlong ina, isang anak" (1987).
 
Sina Au (Nora Aunor), Claire (Gina Alajar) at Belle (Celeste Legaspi) ay guest relation officers (G.R.O.) na naging magkakaibigan at roommates. Isang araw, umuwi ng Pinas at bumalik ang isa pa nilang roommate at kaibigang si Boobsie matapos maloko ng kanyang recruiter na pinangakong makakapagtrabaho siya sa abroad. 
Samantala, isang mayamang playboy si Nonoy (Miguel Rodriguez) na ampon naman ng tatlong magkakaibigan (Paraluman, Olivia Cenizal, Perla Bautista). Hindi natuwa ang isa sa kanyang nanay-nanayan ng dalhin ni Nonoy ang isang babae sa kanilang bahay. Pinalayas ang binata at nakahanap ng trabaho sa club kung saan naghahanap-buhay sina Au, Belle at Claire. Dito nakilala ni Nonoy si Boobsie at sila'y nagkamabutihan. 'Di kalauna'y nabuntis ni Nonoy si Boobsie. Hindi pinaalam ng dalaga sa binata ang ipinagbubuntis nito hanggang sa manganak ang una. Sa kasamaang palad, nasawi si Boobsie matapos ang panganganak. Napagdesisyunan nina Au, Belle at Claire na pangalanang Baby Doll at palakihin ito. Sa kanyang ikatlong taon, maraming mararanasan si Baby Doll (Matet De Leon) tulad ng ilang beses nahiwalay sa kanyang mga nanay-nanayan dahil ilang beses siyang na-kidnap. 
Tuluyan bang panindigan ni Nonoy ang pagiging ama kay Baby Doll?
Magiging handlang ba ang tatlong nanay-nanayan ni Nonoy sa pagiging ina nina Au, Belle at Claire?
 
Sa "Tatlong ina, isang anak", tatlo sa mahuhusay na aktres ng pelikulang Pilipino (Nora Aunor, Gina Alajar, Celeste Legaspi) ay nagsama para sa isang dramedy ng mahusay ding tandem nina Frank Rivera at Mario O'Hara.
 
Kung mapapansin, isa sa mga kolaborasyon nina Nora at Mario ang "Tatlong ina, isang anak". Maituturing na "muse" ni Mario O' Hara si Nora Aunor dahil sa mga ilang pelikula at television shows na sila'y nagkatrabaho. Ang magaling sa kanilang kolaborasyon ay kahit pa sa isang ensemble acting piece tulad ng "Condemned" (1984) at "Bulaklak sa City Jail" (1984) ay nagniningning ang galing ni Nora at nagbe-blend sa kanyang co-stars. 
 
Sa pelikula mismo na "Tatlong ina, isang anak", dito natunghayan ang pagtatangkang lumikha ng dramedy si Mario sa kanyang kolaborasyon kay Nora.
 
Sa first half ng pelikula, mapapansin ang impluwensya ng mga screwball comedies na pangunahing tauhan ang mga babae sa Hollywood noong 30's. Nariyan ang mga snappy dialogues at comic timing ng mga artista. Nailatag ito ng maayos sa 80's milieu.
Maganda din na may backstory ang tatlong bidang babae tulad na lamang ng mga kanilang trauma sa buhay at kanilang nakaraan. 
Si Au na testigo sa pagkamatay ng kanyang pamilya sa sunog. Si Claire na makailang ulit sinaktan ng kanyang nobyo pero bumabalik pa din sa nobyo tuwing pinapangakuang magbabago ito. Si Belle naman ay pinagtaksilan ng buhay dahil sa kahirapan kaya kahit pa may nag-aalok sa kanya ng mabuting buhay ay wala siyang tiwala kaya mas nais niyang gumawa ng paraan tulad ng pagnakaw o shoplifting. Nung malaman ng kanyang kapatid ang tunay niyang hanap-buhay ay tinangka niyang magpakamatay. 
Samantala, nakakatuwa ang comparison at contrast kanila Au, Belle at Claire sa nanay-nanayan ni Nonoy. Nariyan ang socioeconomic status ng mga karakter kahit ang kanilang paniniwala sa pagiging ina. 
 
Sa kabilang banda, dito din napatunayan ni Matet ang kanyang talento bilang isang mahusay na child actress. Sa murang edad na tatlong taong gulang, magaling ang kanyang comic timing at magkabisa ng mga linya.
 
Subalit sa second half ng pelikula naganap ang tonal shifts na maaaring sa ibang manonood ay mag-iwan ng mga tanong tulad ng matapos masagasaan si Claire sa paghahanap kay Baby Doll anong nangyari sa kanya? Gugustuhin na kaya ni Belle magbagong buhay? 
Mas tumutok na ang pelikula sa pagiging nanay ni Au. Sa huling sandali kung saan kinidnap muli si Baby Doll at binalak iligtas ni Au ang bata naging crime thriller ito na mala-"Condemned" ang atake. 
 
Isa pang kapansin-pansin sa pelikula ang magagandang kasuotan ni Ate Guy dito lalo sa eksenang nagpapanggap o naka-disguise sila. Ang red dress na suot ni Nora Aunor ay dapat maituring na isa sa memorable costumes sa pelikulang Pilipino. 
 
Nakakatuwa din panonoorin sina Miguel Rodriguez, Dan Alvaro at Bembol Roco bilang love interests o leading men nina Nora, Gina at Celeste. 
 
Ang A Rewind na partnership ng Sagip Pelikula at Ayala mall cinemas ay ipapalabas ang "Tatlong ina, isang anak" at "Kailan ka magiging akin" sa mga piling Ayala mall cinemas mula April 9 hanggang 13.
 

Tuesday, April 1, 2025

KAILAN KA MAGIGING AKIN


Hango sa serialized radio drama na "Anak ko", 
ang pelikulang "Kailan ka magiging akin".
Kabilang ito sa Manila Film Festival noong 1991.
Dito unang nakamit ni Janice De Belen ang kanyang acting award 
bilang Best Actress.
 
Si Dolor (Janice De Belen) ay isang komadronang nagpaanak kay Shirley (Gina Alajar).
Lingid sa kaalaman niya na may napagkasunduan sina Ben (Julio Diaz), asawa ni Shirley,
at Adul (Vivian Velez) na matapos manganak ni Shirley
ay kukunin nito ang sanggol at binigyan ng pangalang Mariel.
 
Dahil na rin sa kahirapan sa buhay at hindi niya dugo't laman ang bata,
agad na napapayag si Ben ni Adul na ibenta ang sanggol.
Suportado naman ni Jaime (Eddie Gutierrez) ang kanyang pinsang si Adul
sa pagkuha kay Mariel sa pag-aakalang nais lamang ng huli na magkaroon muli ng anak.
 
Sa kabilang banda, hindi pa rin lubusang mapatawad ni Laila (Charo Santos), asawa ni Jaime, ang kanyang sinapit na hindi na muling magkakaanak matapos malaglag ang dinadala sa kanyang sinapupunan. Si Tess (Carmina Villaroel) ay ampon ng mag-asawang Jaime at Laila na dinala ni Adul sa kanilang tahanan. Labis ang pagdurusa ni Tess kay Laila sapagkat pinapaalala sa huli ang masakit niyang nakaraan. 


Nakiusap si Adul kanila Laila at Jaime na alagaan pansamantala si Mariel sapagkat nahihirapan siyang asikasuhin ang mga papeles para mailabas ng bansa ang sanggol. 
Ayaw pumayag ni Laila samantalang si Jaime 
ay kinuhang tagapag-alaga o babysitter si Dolor. 
Tuluyang umalis ng bansa si Adul at iniwan ang bata matapos mamroblema sa pagaasikaso ng mga papeles ni Mariel dahil denied ang visa ng huli. 
 
Si Ramir (Gabby Concepcion) naman ay nobyo ni Dolor na nag-aaral ng pag-aabogasya. Napapansing ng binate na mas binibigyang halaga ng dalaga ang kanyang alagang sanggol. Kaya nagtampo ito matapos mas piliin ni Dolor ang bata ng matapos silang palayasin ni Laila. Ito ang naging dahilan upang magkaroon ng relasyon si Ramir sa kanyang dalubgurong si Lyn (Cherry Pie Picache). 
 
'Di kalauna'y mapapamahal si Mariel (Lady Lee) kay Laila. Ngunit sa muling pagbabalik ni Adul makalipas ang ilang taon, nais niyang kunin si Mariel. Malalaman naman ni Dolor ang maitim na balak ni Adul kay Mariel. 
 
Makailang ulit na rin gumawa ng pelikulang hango sa serialized radio drama tulad ng "Kailan mahuhugasan ang kasalanan" (1989) at "Kapag langit ang humatol" (1990) ang defunct na ngayong produksyon na Vision Films. 
 
Si Chito Roño naman ay ilang beses na din lumikha ng mga pagsasapelikula o adaptation sa mga akdang pampanitikan o 'di kaya'y remake tulad ng "Patayin sa sindak si Barbara" (1995), "Bata, bata paano ka ginawa?" (1998), "Dekada '70" (2002) at "Mga kaibigan ni Mama Susan" (2023). 
 
Ang pelikulang "Kailan ka magiging akin" ay kabilang sa mga dramang ginawa ni Direk Chito noong 90's. Naunang magkatrabaho sina Chito at Janice De Belen sa pelikulang "Bakit kay tagal ng sandali?" (1990). Samantalang sina Vivian Velez, Julio Diaz at Direk Chito naman ay ginawa ang pelikulang "Kasalanan bang sambahin ka?" (1990) na itinuturing na Pinoy version ng pelikulang "Fatal Attraction" (1987). 
 
Going back sa pelikula, given na serialized radio drama ang source, 
kitang-kita ang pagkakaiba sa screen. 
Kung sa radio drama ay mas detalyado tulad ng pagbanggit sa paglapit ng kotse sa tauhan at mas makapangyarihan ang paggamit ng tunog at musika, sa pelikula naman ay fast paced dahil kailangan makita sa screen ang progression ng mga pangyayari. Kaya habang pinapanood ang pelikula ay mapapansing maraming nangyayari dito. Nagsimula sa melodrama, naging crime thriller at sa huli ay courtroom drama. Pero kahit pa ganoon, dito natunghayan ang husay ng direksyon ni Roño dahil kahit pa mahirap isapelikula ang isang serialized radio drama ay satisfying ang pag-land ng mga tonal shifts. Product of its time ding maituturing ang pelikula sa paggamit ng musika, tunog pati sa paggamit ng wika at balarila. Child trafficking ang isa sa mga isyu na tinalakay sa pelikulang ito na nangyayari sa Olongapo. Pinalabas ang pelikulang ito ilang buwan bago pormal na ibinalik ng Amerika sa Pilipinas ang Clark air force base.
 
Patunay na "master of suspense" si Chito Roño sa kanyang pag-direk
ng mga makapigil hiningang eksena
lalong lalo na sa chase scene nina Dolor (Janice De Belen),
Mariel (Lady Lee), at Adul (Vivian Velez) sa Robinsons Galleria. 
 
Kung meron na noong parangal para sa best ensemble, 
dapat nakamit ito ng mga aktor at aktres ng pelikulang ito 
dahil sa kanilang mahusay na pagganap. 
 
Mahahanay ang karakter ni Charo Santos na si Laila sa ibang cold characters na kanyang ginampanan noon tulad na lamang sa mga pelikulang "Brutal" (1980), "Hindi mo ako kayang tapakan" (1984), "Paano kung wala ka na?" (1987) at "Gumapang ka sa lusak" (1990).
 
Samantala, impressive ang over-the-top performance ni Vivian Velez bilang Adul.
Parang extension ng kanyang karakter sa pelikulang "Kasalanan bang sambahin ka?"
May mga eksena na kapag naghaharap sina Jaime at Adul ay kapansin-pansin ang subtext na maaaring isiping incestuous ang kanilang relasyon.
 
At kahit sa murang edad, mahusay din si Lady Lee bilang Mariel. 
 
Kabilang ang "Kailan ka magiging akin" sa A-Rewind 
na partnership ng Ayala cinemas 
at ABS-CBN Sagip Pelikula. 
Ipapalabas ang digitally scanned and enhanced version ng "Kailan ka magiging aking akin" 
at "Tatlong ina, isang anak" sa mga piling Ayala cinemas mula Abril 9 hanggang 13, 2025. 


Sunday, September 29, 2024

SHAKE, RATTLE AND ROLL (1984) DIGITALLY SCANNED AND ENHANCED VERSION

 



"Ano 'yang sinisiga n'yo?"

"Wala, manananggal lang."

"Oh, sige."

 

Nakakatuwa manood ng digitally scanned and enhanced version
ng "Shake, Rattle and Roll" tapos 50 pesos lang in celebration of 50 years ng MMFF.
Sa screening na naabutan ko nitong Linggo sa Fisher Mall Malabon
ay maraming nanood na kabataan
kaya nakakatuwa 'yung reaksyon kasi ramdam ang communal cinema.
Kasi naman kung ganun ka-mura ang ticket eh 'di go tayo. 
Magbibigay lamang ako ng marahil konting rebyu sa pelikula.


1. "Baso" episode. Written by Jose Carreon and directed by Emmanuel Borlaza. Buntong hininga. Hindi forte nina Borlaza at Carreon ang horror. Mas tanyag sa genre na aksyon si Carreon at drama, melodrama naman si Emmanuel Borlaza. Sa flashback, dahil nung panahon ay pinag-aaralan ang Kastilang lengwahe ay nagamit ito upang ilatag ng naangkop ang milieu. Kaso 'yung pagbangga sa nakaraan at kasalukuyan eh sadly hindi effective. Tapos nilagyan pa ng revenge element supernatural kineso na hindi naman nakakapukaw ng interes. Sorry to say, hindi man ako fan but the past clashing to the present love triangle doom lovers ay mas effective sa pelikulang "Karma" (1981). 
Sa kabilang banda, ang gwapo ni Joel Torre. And nice to see young Arlene Muhlach na napanood ko lang sa pelikula before via "Kaya kong abutin ang langit". Agaw eksena ang matandang caretaker sa kanyang walang emosyong acting sa pagtaboy ng mga espiritung sumanib sa katawan ng mga naglaro ng spirit of the glass.


2. "Pridyider" episode. Written by Amado Lacuesta. Directed by Ishmael Bernal. This is a very interesting and intriguing episode. Naku mismong mga kabataang nanonood napasabing "Dapat SPG" ito. One of Lacuesta and Bernal's best collaborations. I love their tandem in "Working Girls" (1984) and "Hinugot sa Langit" (1985). I never thought that they can do crime horror. And to use "pridyider" as source of eerie and reflection of lust ay naku ibang level. Ang na-concern ako sa pelikula ay 'yung depiction sa condition ni Dodong (played by William Martinez) and 'yung male gaze camera angles kay Virgie (Janice De Belen). Napaisip ako 16 years old lang si Janice dito, hindi niya ba naramdaman na parang na-exploit siya. Pero sa interview sa kanya sa vlog ni Snooky, she said na she enjoyed doing horror films naman. 

Samantala, may ginamit na horror trope ang pelikula. Final girl and survivor ang isang birhen at obvious ito sa pangalang "Virgie". At ang mga mapupusok ang damdamin ang mas nalalagay sa panganib hanggang sa sila'y mamatay. Nakakalungkot lang dahil putol ang ending at wala ng surviving print. Patunay na noon kasi hindi prioritized ang archiving. 

3. "Manananggal" episode. Directed by Peque Gallaga. Favorite segment ko ito sa pelikula. One of his earliest efforts in horror. And dito pa lang sa episode na 'to, he's proven na siya talaga ang master of horror ng Pinas. From creating the look of the mythical creature "manananggal" to making a well-executed edge-of-your-seat chase scenes ng manananggal at mga bata. Napakahalaga nung mga camera shots at angles during the chase and fight scenes kasi mas ramdam ang tension at laban between good and evil. Idagdag pa ang sound effects lalo dun sa part na lumilipad ang manananggal. No wonder, nagpalakpakan ang mga nanonood na kabataan sa sine. Ang ganda din na tinaon na mahal na araw ang setting ng pelikula. Mary Walter resembles Lillian Gish as Rachel in "Night of the hunter" (1955). And 1984 MMFF Best Actor Herbert Bautista, fresh from "Bagets", proves that you can't just underestimate a young lad to protect his family.

Sa experience naman ng digitally scanned and enhanced version, mas luminaw ang pelikula kompara sa kopya na mapapanood sa YouTube. May mga hindi ako maintindihang eksena sa kopya ng pelikula na meron sa YouTube dahil madilim masyado kahit pa i-adjust ang brightness ng computer.


Saturday, August 31, 2024

PAGTATAG! THE DOCUMENTARY

 


Mapalad po ang inyong lingkod na naglagay ng closed caption
sa isang episode ng I-Witness na featured ang SB19
bago magkaroon ng CoViD 19lockdown at pandemic.
Habang nilalagyan ko ng closed caption ang nabanggit na episode,
nasaksihan ko kung paano nagsimula ang grupo.
Sa episode na iyon, pinakita ang kanilang pag-ensayo o training,
mga sakripisyo at kanilang pagpupursige upang mahulma
ang kanilang pagiging ganap na PPop artists.
Natunghayan din sa dokyu na iyon ang pagtatanghal nila sa iba't ibang mga paaralan. 
 
Fast forward 2023 at 2024 dito sa "Pagtatag! The documentary",
binigyan tayo ng access sa behind the scenes ng kanilang Pagtatag tour. 
 
Nitong nakaraang taon, mga sikat na Hollywood artist 
ang nagpalabas ng concert docu
tulad ng Taylor Swift's The Era's tour at Renaissance: A film by Beyonce.
Kaya nakakatuwa na meron din ang Pinas tulad nitong "Pagtatag! The documentary". 
Ang focus ng dokyu ay ang Pagtatag tour at binigyan tayo ng pahapyaw
sa suliraning kinaharap nila bago ang kanilang global tour.
 
Sa mga ganitong klaseng dokyu, mahalaga ang editing
dahil dito nagiging engage ang manonood sa isang dokyu.
Nasasabayan ng editing ang fast paced na buhay
na hinarap nina Stell, Pablo, Ken, Josh at Justin sa kanilang US tour.
Kaya ramdam mo ‘yung pagod sa kanilang pagiging in demand.
Mapapansing maraming editors ang dokyu na ito
kasi kailangan maitagpi-tagpi ‘yung mga nangyayari sa sunod-sunod na tours.
Nung makita ko ang pangalang Ilsa Malsi sa credits na isa siya sa editor,
alam mong magiging maayos ang tahi ng dokyu.
 
Given na gifted ang grupo sa kanilang music choices, artistry at creativity,
sa kamay ng reliable na musical scorer na si Ms. Len Calvo
ay napanatili nitong exciting pakinggan ang tugtog sa dokyu
na hindi kailangang sumapaw sa mga likha ng SB19.
 
Sa kabilang banda, pumukaw sa interes ko sa dokyung ito ay ang mga tao
behind sa performances ng SB19 tulad nina Direk Lorraine at Coach Jay
kasi sila 'yung tumutulong para mas mag-improve ang performances ng grupo.
 
Sa isang casual tulad ko, nag-enjoy naman kami 
panoorin ng ka-trabaho ko ang dokyu
kahit may mga flaws ang mismong dokyu.
Nakakatuwa to get info like SB19 ang pangalawang nag-concert sa Japan after Vice Ganda.
At ang mas nakakatuwa nito ay nabigyan ng pagkakataon
na maipalabas ang ganitong dokyu sa sinehan
kasi bihirang mabigyan ng chance ang mga documentaries
na magkaroon ng theatrical release lalo dito sa Pinas.

Tuesday, August 27, 2024

DOKUMENTARYONG “AND SO IT BEGINS” AT “ALIPATO AT MUOG”

 


Maituturing o maisasaalang-alang nga bang taon ng dokumentaryo ang 2024?
 
Kung sa pananaliksik, tapang at pagpapakita ng mga tunay na kaganapan sa lipunan,
dokumentaryo ang maaasahan.
 
Ang mga Pilipino kasi nasanay na ipinapalabas sa free TV ang mga dokyu.
Kaya naman, nakakatuwang masaksihan na nung manood ako ng "Alipato at Muog"
ni JL Burgos sa Trinoma nitong nagdaang Cinemalaya ay puno ang sinehan.
Samantalang, napanood ko naman ang "And so it begins" sa Fisher Mall Malabon.
Patunay na may manonood sa dokumentaryo kahit pa ipalabas ito sa sinehan.
Nakakalungkot lamang isipin na walang screening sa major cinemas
ang dokyung Alipato at Muog at And so it begins.
 
Sa linggong ito, ipapalabas din ang Ang Pagtatag: SB19 docu.
 
Marami pang dokyu ang inaasahang ipapalabas tulad ng kontrobersyal
na "Lost Sabungeros" at iba pang dokyu sa iba't ibang film festivals.
 
Konti lamang ang mga nais kong sabihin nung mapanood ko ang dalawang dokyu.
 
Sa "Alipato at Muog", hindi nilimitahan sa dokyu ang paglalahad
sa pagdukot at pagkawala ng kilalang aktibistang si Jonas Burgos.
Bagkus, mas nakilala natin sina Jonas at ang kanyang inang
si Editha Burgos bilang taong maaaring nakakasalamuha natin sa araw-araw.
Tumatak sa akin na malaki ang impact ni Jonas Burgos sa mga magsasaka.
Sa kanyang pagmamalasakit at taos-pusong pagtulong
sa mga magsasakang minamaliit ng mga mataas ang antas sa buhay.
Kalaunan ay nakamit nila ang lupang kanilang sinasakahan
dahil sa pagpupursige ni Jonas na bigyang hustisya
ang karapatan ng mga magsasaka sa kanilang lupang sinasaka.
Pangalawa, matindi ang determinasyon ni Gng. Editha Burgos
upang mahanap ang kanyang nawawalang anak.
Na kahit pa hanggang ngayon ay hindi siya nawawalan ng pag-asa.
 
May animation na bahagi ang dokyu na aking nagustuhan
dahil ito ang naging simbolismo sa mga panaginip
at kahit ang personal na pinagdadaanan ng filmmaker
at kapatid ni Jonas na si JL habang hinahanap ang kanyang Kuya.




Samantala ang "And so it begins" naman ay binabalik at sinasariwa naman ang mga kaganapan noong kampanya ni Leni Robredo sa pagkapangulo noong 2022, eleksyon noong 2022 at kung paano ito konektado sa naunang dokyu ni Ramona Diaz na "A thousand cuts" patungkol kay Maria Ressa.
 
Nagmistulang rehash ng "A Thousand Cuts" ang bahagi kung saan si Maria Ressa
ay in-interview kaya kahit papaano ay nakaapekto ito sa takbo ng dokyu.
Ang interesting sa akin sa bahagi ng dokyu kay Maria Ressa ay nung nanalo siya
ng Nobel Peace Prize at ang interview ng isang citizen watcher
pagdating sa mga trolls o bashers ni Leni. 
 
Ngunit tuwing bumabalik ang eksena sa kampanya ni Leni noong 2022 eleksyon,
muling nabubuhayan ako ng loob sa panonood.
Lalo akong nabuhayan noong ipakita ang footage ng street performance
ng mga concerned artists tulad nina Jaime Fabregas 
at Bodjie Pascua.
Cut to nagbigay ng leaflets si Jaime Fabregas sa isang tindera
at nakilala siya subalit tinanggihan ng tindera ang leaflets
dahil BBM ang iboboto niya. 
 
Sa personal na karanasan, dumalo ako sa Kulay Rosas ang bukas campaign rally
noong March 2022 sa Notre Dame at St. Mary's sa Caloocan para sa CaMaNaVa.
Kaya naman umasa ako na sana kasama ang footage sa dokyu
dahil inabot ng madaling araw ang kampanyang iyon. 
 
Hindi ko makalimutan nung dumalo ako dahil considered na pandemic pa din noon
pero maraming dumalo at sa nasaksihan ko
ang hindi mapigilang pagpupuyos ng damdamin
ng mga dumalo para sa pagbabago.
Ramdam mo ang lakas at walang kapagurang mga kabataan
habang sinisigaw ang chant na "Hindi kami bayad!'
at "Kabataan ngayon kami ay lumalaban!"
Hindi nagpapasok sa open field ng nabanggit na paaralan
dahil maraming dumalo sa event.
Pinanood ko na lamang sa malaking screen ang performance ng Tropical Depression 
ng kanilang kantang "Kapayapaan”.
May mga galing pa ng ibang lugar na pumunta talaga ng rally na iyon
na gusting makiisa.
Hindi ko na nga lang kinaya ang init ng panahon kaya umuwi ako bago dumilim.
Pero itinuloy ko ang pakikiisa sa panonood sa live streaming sa social media.
 
May mga namimigay ng libreng pagkain at tubig.
Ramdam at kita ang pag-asa sa bawat dumalo.
Mararamdaman mo ang pagkakaisa at pag-asa at bayanihan
kahit sa CaMaNaVa rally lamang ako pumunta.
Na sana iyon ang na-capture ng dokyu.
Nauunawan naman ang koneksyon ni Maria Ressa kay Leni Robredo
dahil ang Rappler ang nakaalam ng mga fake news kay Leni at trolls niya.
Subalit, nalimitahan ang dokyu kung ano tunay na puso ng campaign rallies na iyon.
 
Sa huli, ang dalawang dokyu ay pinapakita sa atin ang dalawang magkaibang pulitikal 
na pakikibaka. 
 

 


Saturday, June 8, 2024

HOW TO MAKE MILLIONS BEFORE GRANDMA DIES

 



Nitong nakaraang Martes, napanood ko ang How to make millions before grandma dies dahil hindi ko naabutan 'yung EENT na sana ay magpapa-check up ako. 

Kung napanood n’yo nung lockdown ang napakagandang BL series
na "I told sunset about you", palagay ko sang-ayon kayo na si Bilkin
ay isa sa mahusay na aktor ng kanyang henerasyon. 
Kaya interested din akong mapanood ang pelikula.
Saka 'yung salin pa lang sa pamagat ay magiging curious ka na. 

Ang obserbasyon ko sa pelikula ay hindi ko maiwasang magkaroon 
ng comparison at contrast 
ang "How to make millions before grandma dies" sa pelikulang "Family Matters" (2022). 

Sa isang Asyanong setting, naroon pa din ang pagpapahalaga sa ating mga seniors 
o matandang miyembro ng pamilya. 

Sa dalawang pelikulang aking nabanggit, parehas pinakita na dahil na rin 
sa makabagong panahon meron nang pagkakaiba ang pakikitungo ng mga kabataan 
sa kanilang mga lolo at lola. 

Kitang-kita din na merong generation gap kaya may hindi pagkakaintindihan 
pagdating sa tradisyon o kaugalian ang dalawang nagbabanggaang henerasyon. 

Sa parehas na pelikula, hindi na ito halimbawa ng "poverty porn" na madalas tema 
sa SouthEast Asian countries bagkus nakakataas ang antas sa lipunan 
o social class ng mga tauhan. 

Sa "Family Matters", kabilang sa mayamang pamilya ang mga tauhan sa pelikula. 
Samantalang dito naman sa "How to make millions" ay middle class ang mga tauhan.

Sa parehas na pelikula ay merong sumbatan kung sino ang mag-aalaga sa senior na miyembro ng pamilya dahil sa fast-paced at demanding na mundo lalo't may kanya-kanyang buhay na pagdating sa pamilya at trabaho kaya kulang na ang oras o wala na talagang panahon.

Ang pagkakaiba naman sa dalawang pelikula ay ang pakikitungo ng apo sa kanilang lolo o lola. Sa "Family Matters" ay mas naisaayos ang relasyon ng bawat miyembro ng pamilya unti-unti at napamahal ang mga apo dahil na rin sa may kusang loob na alamin ang istorya ng kanilang lolo at lola. Sa "How to make millions" may ulterior motives si M (Bilkin) sa pag-aalaga sa kanyang lola. Nais niyang ibenta ang bahay at lupa ng kanyang lola dahil sa kanyang personal na interes. 

Ang "Family Matters" ay halimbawa ng family drama na sumasakto sa tema ng Pasko 
dahil ito ay kabilang sa 2022 Metro Manila Film Festival. 
Layunin ng pelikula na magkaroon ng pagkakabuklod-buklod ang pamilya. 

Sa kabilang banda, ang "How to make millions" ay halimbawa ng family drama na hinahayaan tayong mapagtanto na hindi kailangang manguna ang pangsariling kapakanan para mahalin natin ang nakakatandang henerasyon.