Monday, February 21, 2011

ISANG PANAGINIP

Kakaiba… kakaiba ang panaginip na ito. Nanaginip ako tungkol sa’yo. Naiiba ito kasi ni minsan hindi ako nanaginip tungkol sa’yo. Kumbaga sinuswerte nga naman ako at napanaginipan din kita sa wakas. Mababaw lang ang panaginip ko na ito kasama ka. Hindi ko maintindihan kung bakit ikinatutuwa ko na ikuwento sa’yo ito dahil sa totoo lang alam ko na hindi ka makikinig sa kuwento ko o hindi mo babasahin ang paglalahad na ito. Una sa lahat, nais ko na linawin sa’yo na hindi ito sexual fantasies na kung saan alam ko na mandidiri ka pagkat parehas tayo ng kasarian. Pangalawa, alam ko talagang imposible lahat ng nangyayari sa panaginip. Ika nga nila kabaligtaran ang nangyayari sa panaginip. Malayong malayo kasi ang ipinakita mo na personalidad dito kumpara sa tunay na buhay.
Sa panaginip ko na ito, nagkatinginan tayo. Sa totoong buhay, sa tingin ko alam mong iniiwasan kita kapag nakita kita. Nahihiya kasi ako sa’yo kasi napakainutil ko kapag kaharap kita. Kahit alam kong tiningnan mo ako, ako pa rin ang umiiwas. Babae ba ako? Hindi! Sadyang nag-iinarte lang. Ikaw naman kapag hindi kita pinansin hindi mo naman ako papansinin. Patas lang. Amanos. Sa pagpapatuloy, nilapitan mo ako. Nakakabigla ang eksena kasi sa totoong buhay kelan mo ba ako nilapitan? Parang wala yata. Agaw atensyon talaga lagi ang pabango mo na hindi matanggal sa alaala ko. Naging paborito ko na ang pabangong iyon. Lagi kong hinahanap hanap ang halimuyak ng pabangong iyon. Nagkumustahan tayo. Tinanong kita kung ano ang ginagawa mo ngayong bakasyon. Sagot mo naman ay nanonood ka ng mga classical movies tulad kay Frank Sinatra. Ito na ang pinakamatinding kaimposiblehan ng panaginip na ito. Alam mo sa sarili mo na hindi mo magagawang magtiis sa nakakaantok na mga pelikula lalo na kung puti at itim lang ang sinematograpiya. Ako lang yata ang nakaka-appreciate ng mga ganyang klase ng pelikula. Isa lang ang natatandaan ko na pelikula ni Frank Sinatra. Ito ay ang “From Here to Eternity”. Habang nagkukuwento ka, ngumiti ka sa akin. Ewan ko ba kung bakit kapag ngumingiti ka ay natutunaw ako. Napakakorning pakinggan o basahin ang pag-amin ko sa’yo nito. Ang panaginip talaga minsa’y nakabibigla. Sa kalagitnaan ng pag-uusap natin ay naglabas ka ng video cam. Kakaiba kasi hindi pa tayo nagkasama sa isang produksyon na may kinalaman sa pagsho-shooting. Binigyan mo ako ng instruksyon na magsalita ako ng kung anong mga bagay na gusto kong sabihin sa’yo. Siyempre, para akong tanga, nahiya sa una mong kuhang shot sa akin. Nauutal ako kaya inulit mo ang take. Naisip ko na sa wakas, ang mga gusto ko na sabihin sa’yo. Matagal ko na itong gustong sabihin sa’yo pero wala akong lakas ng loob na banggitin man lang ito sa’yo. Nakakadiri rin naman kapag nalaman mo. Lalong bababa ang tingin mo sa akin. Kaya lang panaginip ito dapat ko na gawin ang gusto ko. Gusto kong malaman mo na… na… na…
Nagising ako sa iyak ng baby ng pinsan ko. Nakakabuwisit sana kahit man lang sa panaginip nasabi ko na sa’yo ang matagal ko na gustong sabihin. Patuloy sa pagngawa ang baby siguro’y gutom na siya. Hindi na importante kung anuman iyong inililihim ko sa’yo noon pa. May mababago ba kapag nalaman mo. Sa palagay ko alam mo na rin. Totoo nga ang isang linya sa isang tula na – ang panaginip ay panaginip lamang. Kelan pa ba nauso ulit ang happy ending sa totoong buhay? Sa mga ultra-realistic chick flick movies lang yata nangyari ang mga iyon. Kaya minsan ito ay dinadaan sa panaginip. Sinadya ba o hindi ang panaginip ko na ito tungkol sa iyo? Ang pag-iyak ng baby ay parang sampal ng katotohanan na huwag akong magpilit sa mga ilusyon. Iisa lang ang ibig sabihin nito – kapag panaginip, panaginip lamang iyon. Ang dapat na harapin ay ang mga tunay na kaganapan sa totoong buhay. 

No comments:

Post a Comment